Inday TrendingInday Trending
Kinuha ng Anak Niya ang Bahay na Naiwan ng Kaniyang Asawa; Sumama nang Labis ang Loob Niya sa Anak

Kinuha ng Anak Niya ang Bahay na Naiwan ng Kaniyang Asawa; Sumama nang Labis ang Loob Niya sa Anak

Iyon na yata ang gabi na pinakamasaya si Amelia. Nasaksihan niya kasi ang pagpo-propose ng nobyo ng kaniyang unica hija.

Pitong taon din naging magkasintahan ang dalawa bago nagdesisyon na magpakasal. Biro nga ni Amelia ay maaari na siyang sumakabilang buhay, dahil lalagay na sa tahimik ang anak niya, at sigurado siya na aalagaan ito ng mapapangasawa nito.

Ngunit nang maalala niya na hindi na niya makakasama at hihiwalay na sa kaniya ang nag-iisang anak ay noon siya binalot ng kalungkutan.

Hindi namalayan ni Amelia ang pagtulo ng kaniyang luha. Namalayan niya na lang na may isang tao na nag-aabot sa kaniyang ng isang puting panyo.

Nang tumingala siya ay nakita niya ang anak na si Sheena. May tipid na ngiti sa labi ng dalaga.

“Mama, bakit ka naman umiiyak?” naatawang wika nito.

Mas lalong lang siyang napahagulhol. Kahit kasi matanda na ang anak ay hindi pa ito kailanman nahiwalay sa kaniya. Ngayon pa lang.

Nang hindi siya tumigil sa pag-iyak ay naramdaman niya ang marahan nitong paghaplos sa likuran niya.

“Mama, hindi naman tayo magkakahiwalay… Hindi ka naman maiiwan mag-isa,” anito.

Umiling siya. Hindi siya naniniwala. Ganoon din kasi ang sinabi ni Amelia sa kaniyang ina noon, ngunit wala rin naman siyang nagawa noong ginusto ng namayapa niyang asawa na bumukod na.

Kaya sabihin man ni Sheena na hindi ito aalis, alam niya na dapat niya ring pakawalan ang anak.

Mabilis na lumipas ang mga araw, at dumating ang pag-iisang dibdib ng mag-asawa. Akala ni Amelia ay handa na siya, ngunit bumuhos pa rin ang luha niya nang masaksihan na ikinakasal ang kaniyang anak, na magandang-maganda sa suot nitong traje de boda.

Nang matapos ang kasalan ay isang sorpresa ang narinig niya mula sa mag-asawa.

“Mama, kung pwede po sana ay doon muna kami sa bahay n’yo makipisan,” magalang na tanong ni Daniel, asawa ng anak niya.

Napangiti siya nang malapad. Binalot ng saya ang puso niya.

“Aba’y oo naman, hijo! Welcome na welcome kayong mag-asawa sa bahay,” nagniningning ang matang sagot niya. Mukhang tutuparin nga ni Sheena ang pangako nito na mananatili silang magkasama!

Buo ang paniniwala ni Amelia na iyon ang mangyayari. Kaya naman makalipas ang ilang linggo ay labis ang sama ng loob niya nang kausapin siyang muli ng mag-asawa.

“‘Ma, pwede ba na ikuha ka namin ng apartment? Doon ka na muna manuluyan,” sabi ni Sheena isang umaga habang kumakain sila ng almusal.

Napamaang siya.

“B-bakit naman, anak?” aniya habang pinaglalabanan ang pagkadismaya.

Nagkibit balikat ang dalaga.

“Para kasing masyadong maliit ang bahay para sa ating tatlo, Mama…” paliwanag naman ni Daniel.

Kita ni Amelia ang makahulugang tingin ng mag-asawa. Hindi naman siya t*nga para hindi makatunog sa kung anong gustong mangyari ng dalawa. Nais ng mga ito na solohin ang bahay.

Nais niyang magdamdam sa anak. Tila kasi nalimutan nito na ang bahay na iyon na lang ang nagsisilbing alaala ng namayapa niyang asawa.

Luma man ang bahay na iyon ay marami silang alaala roon. Pangarap pa naman nila na mapaayos ang bahay, ngunit mukhang wala na siya sa bahay kapag nangyari iyon.

Ngunit sa huli ay nanaig pa rin ang kaniyang pusong ina. Naisip niya na marahil ay tama nga na siya ang bumukod kaysa ang mag-asawa. Nag-iisa lang naman siya.

Kaya naman nang sumunod na linggo rin ay naghanap sila ng apartment na malilipatan. Nakahanap naman sila, subalit malayo iyon sa dating niyang bahay kaya naman hirap siya na bumisita sa mag-asawa.

Mas lalo lamang lumala ang tampo niya dahil tila tuluyan na siyang nalimutan ng dalawa. Ni ha ni ho ay wala siyang narinig sa mga ito. Pakiramdam niya tuloy ay pinalayas siya sa sarili niyang bahay bago siya tuluyang naitsapwera.

Ilang buwan na rin siyang naninirahan sa maliit niyang apartment nang bisitahin siya ng mag-asawa.

Iyon ang unang beses na bumisita ang dalawa sa loob ng maraming buwan. Wala sana siyang plano na harapin ang mga ito, ngunit nanaig ang kaniyang pusong ina. Hindi niya maipagkakaila na na-miss niya rin si Sheena.

“Anong kailangan n’yo?” matabang na salubong niya sa mag-asawa.

“Happy birthday po, Mama!” masiglang bulalas ng anak niya.

Napasulyap siya sa kalendaryo bago napabuntong-hininga. Ni hindi niya na namalayan na sumapit na pala ang kaarawan niya.

“Mabuti naman at nakaalala kayo,” nakaingos na komento niya, hindi pa rin nawawala ang matinding sama ng loob.

Naglalambing na niyakap siya ni Sheena. “Pwede ko ba naman po kalimutan ang birthday ng nag-iisang nanay ko?” anito bago iniabot sa kaniya ang isang regalo.

“Ano ‘to?” kunot ang noong baling niya sa mag-asawa.

“Regalo namin sa’yo ni Daniel, Mama,” ani Sheena.

“Buksan n’yo na po, Mama,” udyok naman ni Daniel.

Maingat niyang inalis ang balot ng maliit na kahon. Tumambad sa kaniya ang isang susi.

Mas lalong lumala ang gatla sa noo ni Amelia.

“Para saan ang susi?”

“Syempre kapag may susi, may sususian. Halika, Mama, may ipapakita po ako sa inyo,” yaya ni Sheena.

Akala niya ay sa labas lang sila ng bahay pupunta kaya nagulat siya nang sumakay sila sa sasakyan at bumiyahe.

Pamilyar kay Amelia ang daan na tinatahak nila. Mukhang papunta sila sa dati nilang bahay. Ilang sandali pa ay huminto ang sasakyan.

Nang makababa siya ng sasakyan ay nanlaki ang mata niya. Ibang bahay na kasi ang nakatayo sa dati nilang lote. Ang luma nilang bahay ay wala na, napalitan na iyon ng isang bago at eleganteng bahay.

Nanlalaki ang matang nilingon niya ang anak.

“Ito ang bahay natin?” aniya.

Malapad ang ngiti na tumango ito bago inginuso ang susi na hawak pa rin niya.

“Bakit hindi mo subukan ang susi, Mama?” udyok nito.

Nanginginig ang tuhod na lumapit siya sa pinto. Alam niyang mamahalin iyon at gawa sa narra.

Nang mabuksan niya ang pinto ay dumoble lang ang pagkamangha niya. Paano’y mas maganda pa sa loob! Kumpleto na iyon sa gamit mula sa sala, kusina, at sa iba’t-iba pang bahagi ng bahay.

Nang tuluyang remehistro kay Amelia ang nangyari ay saka lamang siya napaluha.

“Pasensya na at pinalipat kita sa apartment, Mama. Gusto ko lang na i-sorpresa ka. Ito po ang regalo ko sa iyo, Mama, bilang pasasalamat sa pagpapalaki mo sa akin,” ani Sheena.

“Hindi naman ito kailangan, anak…”

“Alam ko po na pangarap niyo ni Papa na mapagawa ang bahay natin. Dahil wala na siya, ako ang tutupad noon,” anito bago siya mahigpit na niyakap.

Patuloy lang ang paglandas ng luha ni Amelia. Sa totoo lang ay higit pa sa sapat ang regalo na iyon. Ang swerte-swerte niya.

Advertisement