Kumpyansa ang Panangga ng Dalaga sa Lahat; Makamit Niya Kaya ang Inaasam na Posisyon?

Kumpyansa ang Panangga ng Dalaga sa Lahat; Makamit Niya Kaya ang Inaasam na Posisyon?

FunKarmaStories

“Anak! Saan ka pupunta at sobrang bihis na bihis ka naman yata?” takang tanong ng ina ni Sylvia. 

Sinipat ni Sylvia ang sarili sa kaharap na salamin. Napangiti siya nang makita ang perpekto niyang mukha’t postura. 

“Maghahanap po ako ng trabaho, ‘Nay. Sa malaking kompanya po ako susubok, kaya dapat lang na maganda ang postura ko para maganda ang impresyon nila sa akin, hindi ba?” nakangiting sagot niya. 

Nakangiti itong tumango. Bakas sa mukha nito ang admirasyon. 

“Good luck, anak. Sana ay matanggap ka!” 

“Oo naman po! Ako pa ba? Makita pa lang nila ako, siguradong tatanggapin nila ako agad bilang manager. Nasa akin na ang lahat ng hinahanap nila,” mayabang niyang saad habang may bahagyang ngisi. 

“Naku, ‘wag ganyan, anak. Maging mapagpakumbaba ka. Hayaan mong ang ibang tao ang makakita na magaling ka. Hindi mo kailangan ipangalandakan sa iba,” naiiling na paalala ng kaniyang ina, na ipinagkibit balikat na lang ni Sylvia.  

Magmula kasi noong bata pa siya, busog na siya sa papuri ng mga tao. Hindi lang siya ubod ng ganda, likas pa siyang matalino at mahusay sa lahat ng bagay kaya’t ganon na lang ang kumpyansa niya sa sarili.

Taas noo siyang nagtungo sa isang sikat ng kompanya at doon niya naabutan ang mga kapwa niya nagbabalak mag-apply sa parehong posisyon.

Isa isa niyang sinuyod ng tingin ang mga ito mula ulo hanggang paa hanggang sa isang babae ang umagaw ng atensyon niya. Pamilyar kasi ito. Pakiramdam niya ay kilala niya ito. 

Nanlaki ang mata niya nang tuluyang rumehistro sa isip niya kung sino ang babae. Nilapitan niya pa ito para makasigurado. 

“Lizelle? Ikaw ba ‘yan?” anito. 

Nang sumulyap ito sa kaniya ay noon niya nakumpirma na si Lizelle nga ito. Noong una ay nakakunot ang noo na parang kinikilala kung sino siya.

“Sylvia?” gulat na bulalas nito.

“Oo, ako nga. Akala ko hindi mo na ako naaalala,” nakangiwing wika niya sa dating kaklase.  

Kaklase niya ito noong kolehiyo. Mahinhin ito, tahimik at hindi kagaya niya, halos wala itong kaibigan. 

Hindi na nakapagtataka dahil mahirap lang ito. Wala itong panahon makisama sa kanila dahil abala ito sa kung ano-anong trabaho kaya hindi rin sila naging malapit sa isa’t-isa. Nang makatapos sila ng kolehiyo, wala na silang nakuhang balita tungkol dito. Ngayon niya na lang ulit nakita ang babae.

Palihim niya itong sinuyod ng tingin, wala itong pinagbago. Napakasimple pa rin ng hitsura at pananamit nito.

“Anong ginagawa mo rito?” usisa nito nang makabawi sa pagkabigla. Kapansin-pansin kung paano nito sinuyod ng tingin ang suot niya.

“Mag-apply ako bilang manager dito! Ikaw ba? Mag-aapply rin?” usisa niya. 

Halos matawa siya nang makita ang pag-aatubili nito. Malamang ay matatakot na itong mag-apply gayong magkakasabay sila. 

Nang hindi ito makasagot ay pinasaringan niya na lang ang dating kaklase. 

“Siguradong ako na ang makukuha. Alam mo ba ‘yung mga nag-apply, karamihan mga jologs! Porma pa lang, wala na,” pabulong niyang tsismis sa babae. 

“Ano ka ba! ‘Wag mo naman sabihin ‘yan. Lahat ng nandito, may tyansa na makuha ang posisyon,” umiiling na pahayag nito. 

“Lizelle naman! Maging totoo tayo rito. ‘Wag mo sanang masamain pero sa tingin niyo ba talaga matatanggap kayo sa ganito kalaking kompanya?” sarkastiko niyang tanong.

Natahimik ang babae saka bumuntong-hininga.

“Hindi ka pa rin talaga nagbago, ano? Mula noon hanggang ngayon, napakataas pa rin ng tingin mo sa sarili mo. Maliit pa rin ang tingin mo sa iba…” 

Bakas ang pagkadismaya sa mukha nito. Napangisi na lang si Sylvia.

“Mayabang ako kasi may ipagyayabang ako,” bulalas niya. 

Magsasalita pa sana siya nang may isang empleyado na tumawag sa dating kaklase.

“Ma’am Lizelle! Nariyan na po pala kayo! Pwede na po tayong mag-interview. Marami-rami rin ang aplikante natin ngayong araw,” magalang na pagbabalita nito sa babae.

“O sige, papunta na ako. Ayos na ba ang lahat? Kailangan nating makahanap ng magaling na manager sa lalong madaling panahon,” sagot ni Lizelle bago siya bahagyang sinulyapan. 

Hindi makapagsalita si Sylvia. Litong-lito siya sa naririnig na usapan.

“Ano’ng ibig sabihin nito? Bakit ma’am

“Hindi pa ba halata? Dahil ako ang boss nila. Ako ang may-ari ng boutique na ito, Sylvia. Ako ang magiging boss mo kung sakali,” paliwanag nito. 

Pilit niyang hinamig ang sarili bago buong kumpyansang ngumiti. 

“Kung ganoon pala ay hindi na ako mahihirapan. Alam na alam mo kung ano’ng mga kaya kong gawin. Alam mong magaling ako,” aniya. 

Ito naman ang ngumiti. 

“Oo naman. Kilalang-kilala na kita.” 

Lalong lumapad ang ngiti ni Sylvia. Hindi talaga siya kayang pahindian ng kahit na sino. 

Subalit taliwas sa inaasahan niya ang sumunod na sinabi ni Lizelle. 

“Alam kong kaya mong mang-api, mangmaliit, magmagaling, at magmarunong.”

Nag-init ang mukha niya sa sinabi ng babae.

“Kilalang-kilala na kita kaya asahan mong hinding-hindi ka makakapasok sa lugar na ‘to.” 

Nanlamig siya. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Bago pa siya makaimik ay taas noo itong nagsalita. 

“Hindi ko hahayaang makapasok ka rito bilang empleyado matapos mo akong maliitin, pati na ang mga taong narito. Hindi talino ang kailangan ng empleyado ko kundi respeto. ‘Wag mo nang sayangin ang oras natin pareho. Makakaalis ka na,” matalim nitong asik saka dire-diretsong naglakad paalis.

Mas lalo pa siyang napahiya nang kuryosong magtanong ang sekretarya nito. 

“Girl, anong ginawa mo? Sobrang bait ni Ma’am Lizelle, pero nagalit sa’yo? Good luck,” tila nang-aasar na sabi nito bago siya iniwan. 

Yukong-yuko na lumabas ng eleganteng gusali si Sylvia. Nang makauwi siya ay pinag-isipan niya nang labis ang mga salita ni Lizelle, maging ng kaniyang ina.

Marahil ay panahon na para isipin niya kung paano niya tingnan ang kakayahan ng iba.

More Stories