Inday TrendingInday Trending
Labis ang Sama ng Loob ng Dalagita sa Kaniyang mga Magulang; Paano Niya Maiintindihan ang Tunay na Kahulugan ng Pamilya?

Labis ang Sama ng Loob ng Dalagita sa Kaniyang mga Magulang; Paano Niya Maiintindihan ang Tunay na Kahulugan ng Pamilya?

“Aalis kayo ni Daddy? Kung ganoon, paano ang presentasyon ko sa school? Sabi niyo manonood kayo pareho?” naiiyak na tanong ni Monique nang makita niyang nakagayak ang kaniyang mga magulang paalis.

“Pasensya ka na, anak. Hindi namin pwedeng ipagpabukas pa ito dahil maapektuhan nang husto ang negosyo natin kung sakali,” hinging paumanhin ng mommy niya.

Nailing na lang siya sa pagkadismaya. Bakit pa ba siya umasa sa mga ito? Hindi naman ito ang unang beses na nangako ang mga ito at hindi tinupad.

“Babawi na lang kami pag-uwi namin. Ano ba’ng gusto mo?” paglalambing nito.

“’Wag na! Tutal mas mahalaga naman ‘yang negosyo na ‘yan kaysa sa akin. Ang totoo, wala naman talaga kayong pakialam sa akin!” galit niyang sagot saka nagdadabog na pumasok sa kwarto niya at ibinalibag pasara ang pinto. Sa kwarto ay wala siyang ginawa kundi umiyak sa sama ng loob.

Gaya ng dati, siya na naman ang nag-iisang walang suporta ng magulang. Sawang-sawa na siya.

Nang tawagin ang pangalan niya dahil siya na ang susunod na sasayaw ay panay ang tingin niya sa paligid. Nagbabakasakali siya na nagbago ang isip ng mga magulang niya at nanatili na lang para panoorin siya ngunit wala. Ang tanging nagpunta doon para sa kaniya ay ang kaniyang Yaya Angie.

Nang matapos ang presentasyon niya ay sinalubong siya ng kaniyang yaya. Malaki ang ngiti nito.

“Siguradong matutuwa ang mommy at daddy mo dahil nanalo ka! Ang galing-galing mo, anak!” nakangiti nitong komento.

Mapait na napangiti na lang si Monique.

“Yaya, hindi totoo ‘yan. Wala namang ibang mahalaga kila mommy at daddy kundi ang negosyo nila. Iyon yata ang tunay nilang anak,” sarkastiko niyang sagot.

“Monique naman, hindi totoo ‘yan. Mahal ka ng mga magulang mo kaya’t wag mong isipin na hindi,” kontra nito.

“Kung totoong may pakialam sila sa akin, e ‘di sana sila ang nandito sa tabi ko at hindi kayo na hindi ko naman mga kadugo,” galit niyang giit.

Buong buhay ni Monique, malayo na ang loob niya sa magulang na walang ibang ginawa kundi ang magtrabaho nang magtrabaho at walang oras para sa kaniya.

Ang inis na nararamdaman niya para sa mga magulang, madalas niya tuloy maibunton sa mga kasambahay.

Sa tuwing makakakita siya ng ibang tao na kasama ang kanilang mga magulang, hindi niya mapigilan ang mainggit. Imbes na magulang ang kasama niya, ang nasa tabi niya ay si Yaya Angie na walang ibang ginawa kundi ipagtanggol ang mga ito.

Nang magutom ay nagpunta siya sa canteen para bumili ng pagkain. Nang buksan niya ang bag, doon niya napansin ang isang baunan na may lamang pagkain na niluto ni Yaya Angie mismo. Mukhang palihim nitong inilagay ang pagkain, hindi niya man lang napansin.

Imbes na magpasalamat, inis lang ang nararamdaman niya. Itatapon na sana niya ang pagkain nang makita niya si Lucas na kaklase at kaibigan niya na rin.

“Lucas!” bati niya dito na may malaking ngiti sa labi.

“Uy, Monique! Ano ‘yan? Adobo? Alam mo bang paborito ko ‘yan?” tanong nito nang mapansin ang hawak niya. Tila takam na takam ito sa baon niya, bagay na ikinatawa niya.

“Talaga? Gusto mo bang sa’yo na lang? Hindi kasi ako mahilig dito e,” alok niya.

Nanlaki ang mata nito sa sinabi niya bago ito tumango. Umupo ito sa harap niya para sabay silang kumain ng tanghalian.

“Ano nga palang problema? Bakit ka nakabusangot?” tanong nito nang mapansin ang eskpresyon niya.

Hindi niya napigilan ang magkuwento dahil sa labis na inis at tampo sa magulang.

“Alam mo ang swerte mo nga na may magulang ka. Tama naman ang yaya mo, siguro kailangan mo lang silang intindihin,” payo nito na inirapan niya lang.

Nang hindi siya sumagot ay naiiling na sumubo na lang ito ng pagkain.

“Bakit? Hindi ba masarap?” tanong niya dito nang mapansin niyang tila natigilan ito nang malasahan ang baon niya.

Umiling ito.

“Hindi. hindi. Ang sarap nga ng baon mo eh. Naalala ko lang bigla si Mama. Ganitong-ganito kasi ang lasa ng adobo niya,” sagot nito.

Natahimik siya. Naikuwento kasi nito sa kaniya noon na bata pa ito ng mawalay ito sa sariling ina. Ulila na ito sa ama habang ang ina naman ay kinailangan na magtrabaho. Naiwan ito sa pangangalaga ng tiyahin. Kalaunan ay nawalan na ito ng balita sa ina na hanggang ngayon hindi pa rin nito nakikita.

Pakiramdam ni Monique ay naipasa niya lang sa kaibigan ang kalungkutan. Napaisip tuloy siya kung anong magandang sabihin para gumaan naman ang pakiramdam nito.

“Gusto mo bang pumunta sa bahay? Papaluto ko kay Yaya ‘yung mga gusto mong pagkain. Sigurado ako magugustuhan mo,” pagbabago niya sa usapan.

Awtomatikong nangningning ang mga mata ni Lucas.

Lihim siyang napangiti. Mukha talaga itong pagkain!

“‘Ya, pupunta si Lucas dito sa Sabado, luto po tayo ng pagkain,” aniya sa kaniyang Yaya.Nang hindi ito magsalita ay nilingon niya ang matanda.

“‘Ya?” untag niya sa pagkakatulala nito.

“A-anong sabi mong pangalan ng kaibigan mo, hija?” usisa nito.

“Lucas po.”

Tumango ito. Hindi na umabot sa paningin niya ang malungkot na ekspresyon sa mukha ng matanda.

Dumating ang araw ng Sabado. Sabik na sabik si Monique sa pagbisita ni Lucas. Hindi naman kasi siya madalas magyaya ng tao sa bahay nila. Nagpaluto siya ng sandamakmak na pagkain kahit si Lucas lang naman ang bisita niya.

Nang marinig niya ang doorbell, inunahan niya ang mga kasambahay na pagbuksan ito ng pinto para batiin ito ng may malaking ngiti.

“Monique, ang laki pala ng bahay niyo, ano?” komento nito. Bakas sa mukha nito ang labis na pagkamangha.

“Pasok ka! Doon tayo sa sala tumambay habang naghahain si Yaya,” aniya.

Nang maupo sa sala ay agad silang naging abala sa kwentuhan. Natigil lang sila nang dumating si Yaya Angie na may dalang juice para sa kanila.

Tila kasi nakakita ng multo si Lucas habang nakatitig sa kaniyang yaya. Nang lingunin niya si Yaya Angie ay ganoon din ang nakita niyang ekspresyon. Namumutla ito at bahagyang nanginginig.

“’Ma? I-ikaw ba ‘yan?” nauutal na tanong nito sa kasambahay.

“Lucas…” bulong nito.

Dahan-dahang nitong nilapitan ang kaibigan niya habang may luhang namumuo sa mga mata nito. Nang tila makasigurado ay nagyakap ang dalawa kasabay ng kanilang mga hagulgol. Doon niya pa lang unti-unting napagtanto kung ano ang nangyayari.

“’Ma, ang tagal kitang hinanap. Narito ka lang pala,” umiiyak na sabi ni Lucas.

“Patawad, anak. Akala ko kasi galit ka sa akin dahil iniwan kita, kaya hindi na ako nagtangka pang puntahan ka. Pero maniwala ka anak, hindi kita nalimutan kahit na minsan. Hindi porke’t magkalayo tayo, hindi na kita mahal…” litanya ni Yaya Angie.

Nangilid ang mga luha ni Monique habang naririnig ang usapan ng mag-ina. Ni minsan ay hindi niya inakala na si Yaya Angie pala ang inang matagal nang hinahanap ni Lucas.

“’Ma, kahit kailan hindi ako nagalit sa’yo. Alam ko namang kahit hindi tayo magkasama, kahit minsan hindi mo ‘ko nakalimutan.”

Natigilan si Monique sa narinig. Naalala niya kasi ang kaniyang mga magulang. Noon niya napagtanto ang parating sinasabi ng kaniyang yaya. Palagi man silang magkakalayo, hindi ibig sabihin ay hindi na siya mahal ng mga ito.

Noon naman niya narinig ang sasakyan sa garahe at nang tingnan niya iyon, nakita niya ang sasakyan ng mga magulang.

“Mommy? Bakit po kayo nandito? ‘Di ba sa susunod na linggo pa dapat ang uwi niyo?” gulat na usisa niya nang sumungaw ang kaniyang mga magulang sa pinto.

“Hindi na namin tinapos ang conference. Ang sabi ni Yaya Angie, nanalo ka raw. Binilhan ka namin ng cake! Congrats, anak!” sagot ng kaniyang ina.

“Pasensya na, anak. Sayang hindi ka namin napanood. Hayaan mo, sa susunod mong panalo, naroon na kami ni Mommy mo,” wika naman ng ama niya. Nasa mukha nito ang panghihinayang.

Bago pa tumulo ang luha ni Monique ay niyakap niya na ang mga magulang. Dahil sa nangyari, napagtanto niya kung gaano siya kamahal ng mga magulang. Pagmamahal na pilit ipinararamdam ng mga ito sa kaniya sa ibang paraan, ‘yun nga lang ay hindi niya kaagad nakilala at pilit niyang inignora.

“Mommy, Daddy…sorry po sa mga nasabi ko. Hindi ko man lang nakita ang mga sakripisyo niyo para sa akin,” umiiyak niyang pahayag.

Nagkatinginan ang mga ito sa gulat ngunit sa huli ay nginitian siya ng mga ito at niyakap nang mahigpit.

“Patawad din anak kung naparamdam namin sa’yo na hindi ka mahalaga, pero hindi totoo ‘yun. Dahil ikaw ang pinakamahalaga sa amin ng mommy mo. Lagi mo ‘yan tatandaan.”

Maraming beses niya nang narinig iyon, ngunit ngayon ay ramdam na ramdam niya ang katapatan ng bawat salitang binitiwan ng kaniyang ama. Ngayon, alam niya na may iba’t-ibang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal ang bawat magulang—at sa bawat paraan na iyon ay naroon ang mga pusong mapagmahal at hindi makasarili.

Advertisement