Inday TrendingInday Trending
Tinanggap ng Gipit na Dalaga ang Hamon ng Isang Lalaking Naghahanap ng Mapapangasawa Upang Makuha ang Pabuya Nito; Mapagtagumpayan Kaya Niya Ito?

Tinanggap ng Gipit na Dalaga ang Hamon ng Isang Lalaking Naghahanap ng Mapapangasawa Upang Makuha ang Pabuya Nito; Mapagtagumpayan Kaya Niya Ito?

“Handa ka na ba?”

Napalingon si Angeline sa seryosong pagtawag sa kaniya ng lalaking hindi nagpakilala sa kaniya.

“Oo. handang-handa. Talakayin mo na sa akin ang nilalaman ng kontrata.”

“Sige. Sumunod ka sa akin.”

Nagsimula nang lumakad ang lalaki patungo sa isang opisina. Sumunod si Angeline. Kinakabahan siya…

Naghahanap siya ng malaki-laking raket. Kailangan niya ng malaking pera upang mabayaran ang bahay na kanilang tinutuluyan, kung hindi ay kukunin na ito ng bangko. Ayaw niyang mawala ang naturang bahay sa kanila.

Marami silang magagandang alaalang pinagsaluhan doon ng kaniyang mga magulang.

Doon na siya lumaki, nagkaisip.

Doon niya balak manatili hanggang sa sumunod na rin siya sa mga magulang niya na nasa langit na.

Isa pa, ayaw ng mga kapatid niya na umalis sa kanilang lugar. Paano na nga naman ang mga kalaro nila? Mahirap lisanin ang isang lugar na kinasanayan na.

“Upo ka.”

Naupo naman si Angeline. Kabadong-kabado siya. Isang kapitbahay ang nagsabi sa kaniya ng kakaibang ‘raket’ na ito. Huwag na lamang daw ipagsasabi sa kahit na kanino.

“Titira ka sa isang bahay sa loob ng isang buwan. Pagkatapos ng isang buwan, mamili ka kung mananatili ka at pakakasalan ang lalaking makakasama mo. Kung ayaw mo naman, babayaran ka niya ng 500,000 piso. Pipirma ka ng kontrata na wala ka nang hahabulin sa kaniya kapag natanggap mo na ang pera. Kapag hindi ka naman nagustuhan, paaalisin ka niya at wala ka ring matatanggap na pera.”

Napalunok si Angeline. Isang buwang mananatili sa isang bahay kasama ang isang estrangherong lalaki? At pakakasalan pa ito?

“P-Puwede bang pag-isipan ko muna? P-Puwede bang malaman kung sino ang lalaking ito?”

“Sige, pagbibigyan kita na makapag-isip-isip hanggang bukas. Magpunta ka ulit dito. Bibigyan kita ng paunang bayad na 10,000 piso kapag pumirma ka sa kontrata, pero babawiin namin iyan sa iyo kapag sa kalagitnaan ay aalis ka na.”

Nang gabing iyon ay malalim na nag-isip si Angeline. Hindi naman siguro masamang tao ang lalaking makakasama niya sa iisang bubong.

Isa sa mga requirement na hinihingi sa kasunduan, kailangang walang nobyo. Matagal na siyang walang nobyo. Niloko lamang siya ng huling nakarelasyon niya.

Kaya nagpaalam na siya sa mga kapatid niya na isang buwan siyang mawawala para sa bago niyang trabaho. Iniwan niya ang 10,000 piso na inisyal na bayad para may panggastos sila.

Bumalik siya sa opisina ng lalaking assistant ng lalaking naghahanap ng mapapangasawa.

“Halika na. Kailangan mo nang makilala si Mr. Gustav Almorin.”

Hindi makapaniwala si Angeline na isang mahabang kotse na tinatawag na limousine ang susundo sa kanila.

Pagdating sa mansyon ng lalaking naghahanap ng pakakasalan, parang nais nang umurong ni Angeline. Ngunit naisip niya ang kanilang bahay, ang kaniyang mga kapatid na naghihintay sa kaniya.

Pumasok sila sa loob ng mansyon.

Palaisipan kay Angeline kung bakit may isang taong kailangan pang magbayad at magpahanap pa ng mapapangasawa. Parang napapanood lamang niya sa pelikula, subalit totoong nangyayari pala.

Matandang hukluban kaya ang lalaking ito?

Ubod nang pangit?

Masama ang ugali? Bayolente? Masokista?

Mga tanong na nais masagot ni Angeline sa isang buwang pananatili niya roon.

Maya-maya, nakaharap na niya ang lalaki.

Hindi ito isang matandang hukluban; sa tingin niya ay nasa 35 hanggang 40 taong gulang ito.

Hindi rin ubod nang pangit kundi ubod nang gwapo!

Kaya lang, mukhang may kapansanan ito. Nakaupo sa wheelchair.

Kung masama ang ugali, bayolente, o masokista—iyon ang aalamin pa niya.

“Mr. Gustav Almorin, heto po si Angeline Manansala. Siya po ang pansampung babaeng kumasa sa hamon ninyo.”

Pansampu? Dami na palang nagdaang babae, bakit kaya hindi pumayag na pakasalan ang guwapong ito?

Kinabahan si Angeline. Baka naman tama ang naisip niya na masama ang ugali nito. Makalabas pa kaya siya nang buhay sa bahay nito?

Tumango lamang si Gustav. Pagkaraan, umalis na ito. Hindi man lamang siya kinausap.

“A-Anong gagawin ko…”

“Nagsisimula na ang hamon. Magkikita tayong muli pagkatapos ng isang buwan,” at saka umalis na ang lalaking kausap niya.

Naiwang naguguluhan si Angeline.

Anong gagawin niya ngayon? Iniwanan lamang siyang parang tanga. Wala man lamang bilin o panuto kung anong gagawin niya.

Isa pa, ni hindi man lamang siya kinausap ni isang segundo ng lalaking makakasama niya rito.

Iginala niya ang kaniyang mga mata sa loob ng malaking bahay. Nakabibingi ang katahimikan. Naisip niya, baka bahagi ng hamon ang mag-isip kung paano makukuha ang kalooban ng lalaking naghahanap ng mapapangasawa.

Wala man lamang sinabi sa kaniya kung maaari ba siyang mangialam sa mga kagamitang naroroon.

Ano ang unang hakbang na gagawin niya?

Nag-isip siyang mabuti. Muli niyang iginala ang kaniyang mga paningin. Napadako siya sa bandang kusina. Naalala niya ang laging sinasabi sa kaniya ng nanay niya noong nabubuhay pa ito. Napangiti siya at nagpunta sa kusina.

“H-Hello, Gustav. Halika na at kumain na tayo sa ibaba. Nagluto ako ng hapunan natin,” lakas-loob na aya ni Angeline sa lalaki.

Naalala niya, laging sinasabi sa kaniya ng nanay niya na ang paraan ng isang babae upang makuha ang loob ng isang lalaki ay sa pamamagitan ng kaniyang sikmura. Isang matandang kasabihan umano ito.

At parang nagustuhan naman ni Gustav ang kaniyang nilutong adobong manok. Mabuti na lamang at kumpleto sa mga sangkap ang kusina nito.

Naisip ni Angeline, kung naghahanap ng asawa ang lalaking ito, kailangan niyang ipakita rito ang mga katangian ng isang mabuting maybahay.

Gagayahin niya ang kaniyang ina.

Simula noon, gaya ng isang mag-asawa ay inasikaso ni Angeline si Gustav. Kinakausap din niya ito, kinukuwentuhan, hanggang sa nakikita na lamang nila ang sarili na nagkakatawanan. Isang bagay lamang ang hindi nila ginagawa: ang pakikipags*ping.

Hindi namalayan ni Angeline ang paglipas ng mga araw. Parang bahagi na ng kaniyang sistema ang pag-aalaga at pag-aasikaso kay Gustav, kahit na noong una ay ilag ito sa kaniya at hindi masyadong palakibo.

Minsan, sinusubuan niya rin ito ng pagkain kapag tinatamad itong kumain.

At dumating na nga ang araw ng pagtatapos ng pananatili ni Angeline sa bahay ni Gustav.

“Ngayon na ang iyong pagpapasya. Kapag kinuha mo ang 500,000 piso, mababago na ang buhay mo. Kapag pinili mo si Mr. Gustav, mag-aalaga ka ng isang baldado. Alagain na siya.”

“Mas pinipili kong mapakasal kay Gustav.”

“Sigurado ka. Bakit?”

“M-Mahal ko na siya, at gusto kong alagaan siya…” taos sa pusong sabi ni Angeline.

“Ngayong nagdesisyon ka na, ang pinal na desisyon ay manggagaling kay Gustav. Kahit na gusto mo siyang pakasalan, kung ayaw niya naman sa iyo, uuwi ka ring luhaan. Hindi mo makukuha ang 500,000 piso mo.”

Napalunok si Angeline. Paano siya makasisiguradong gusto rin siyang pakasalan ni Gustav?

Kapag kinuha niya ang 500,000 piso, sigurado na ang panalo niya. Mababayaran na niya ang bahay nila, may ekstrang pera pa siya upang makapagsimula ng negosyong naiisip niyang itayo.

Kapag pinili niya si Gustav, paano kung hindi siya piliin nito? Uuwi siyang luhaan.

Ngunit kahit umuwi siyang luhaan dahil hindi niya makukuha ang 500,000 piso, alam niyang magiging masaya siya dahil nakasama niya sa loob ng isang buwan ang lalaking nagpatibok sa kaniyang puso, na hindi niya inaasahan.

“K-Kung ako ang pinipili mo, maraming salamat. Pumapayag akong pakasalan kita at maging misis ko, Angeline. Sa pananatili mo rito sa loob ng isang buwan, naramdaman ko ang tunay na malasakit mo. Naramdaman ko ang kabaitan ng puso mo, at naramdaman ko ang tapat mong pag-aalaga sa akin. Nahulog na rin ang loob ko sa iyo. Sa kabila ng kalagayan ko, na ako ay nakaupo sa wheelchair, minahal mo pa rin ako,” wika ni Gustav.

Kaya naman, agad na inasikaso ang kasalan nina Gustav at Angeline na dinaluhan ng mga kaibigan nito.

Napakaganda ni Angeline sa kaniyang trahe de boda habang naglalakad sa pasilyo patungo sa dulo ng altar.

Naghihintay na sa kaniya ang napakaguwapong mapapangasawa.

Pagdating sa dulo, hindi niya inaasahan ang susunod na mga pangyayari…

Biglang tumayo si Gustav mula sa wheelchair!

Naglakad ito palapit sa kaniya at sinalubong siya!

“M-Magaling ka na? P-Paanong…”

“Saka na ako magpapaliwanag. Lahat ng ito ay parte ng plano.”

At naikasal na nga dalawa. Matapos ang magarbong reception, agad na silang nagtungo sa hotel para sa pulot-gata.

“Isang pagpapanggap lamang ang lahat, misis ko. Naisip kong gawin ito upang mahanap ko ang babaeng tunay na magmamalasakit, mag-aalaga, at magmamahal sa akin. Yung babaeng hindi ako pakakasalan dahil sa yaman ko. Yung babaeng handang tanggapin ang isang lalaking baldado o may kapansanan. Ngunit ang totoo, nagpapanggap lamang ako.”

At siniil na ni Gustav ng kauna-unahan niyang halik ang malambot na mga labi ng kaniyang misis na si Angeline.

“Minahal ko ang lahat sa iyo, Gustav… maski na ang mga kahinaan mo…”

Isang masuyong halik pa at binuhat na ni Gustav si Angeline patungo sa naghihintay na kama.

Advertisement