Inday TrendingInday Trending
Walang Pambili ng Krayola ang Batang Ito Para Pangkulay sa Kanilang Takdang Gawain; Makapagpasa Kaya Siya sa Guro?

Walang Pambili ng Krayola ang Batang Ito Para Pangkulay sa Kanilang Takdang Gawain; Makapagpasa Kaya Siya sa Guro?

Gustong-gustong lumapit ni Gino sa kaniyang ina upang humingi ng perang pambili ng krayola na kailangan niyang gamitin sa paaralan. Ngunit sa tuwing nakikita niya ang palihim nitong pag-iyak sa gabi dahil kailangan nitong pagkasyahin ang kakarampot na sinusweldo ng kanilang ama, napapahinto at tumitiklop siya.

Hindi niya alam kung paano mairaraos ang pagkakaroon ng pangkulay. Ni baon nga sa paaralan ay pinagkakasya niya. 5 piso lamang ang ibinibigay sa kaniya dahil mas inuuna raw ang mga kuya at ate niya na mag-aahon sa kanila sa hirap, kaya sila ang mas dapat na pagkagastusan, narinig niyang sabi ng kanilang ama.

Problemado ngayon si Gino kung paano niya kukulayan ang kaniyang takdang gawain. Kailangan daw kulayan ang magagandang tanawin na nasa kanilang aklat.

Naisip niyang manghiram ng krayola sa kaniyang kalarong si Tolits ngunit naalala niya, masungit ang Mama nito sa kaniya. Gayunman, mas nanaig pa rin ang takot niyang hindi makagawa ng gawaing ibinigay ng kanilang guro.

Lakas-loob siyang nagtungo sa kanilang kapitbahay. Si Tolits sana ang pakay niya subalit nagkataon namang ang Mama nito na si Aling Maya ang nabungaran niya.

“Tulog si Tolits. Ikaw, matulog ka rin para lumaki ka pa,” wika sa kaniya ni Aling Maya na noon ay nag-aayos ng kaniyang mga pananim kanilang bakuran.

“Eh, hindi naman po ako makikipaglaro kay Tolits. Hihiram lang po sana ako ng krayola sa kaniya…”

“Naku, hindi puwedeng hiramin ‘yun, baka mabali mo eh, magagalit ang Papa niya. Papa niya ang nagbigay sa kaniya niyon eh. Sabihan mo ang Tatay mo na mag-abroad din para mabilhan ka rin ng matataba at malalaking krayola.”

Nahihiyang umalis na lamang si Gino. Alam niya kasi, malalaki at matataba ang mga krayola ni Tolits. 40 iba’t ibang uri ng kulay. Inggit na inggit nga siya nang makita iyon.

Nag-isip pa si Gino. Naisip niya, baka may krayola si Meryl, ang isa pa nilang kalaro. Agad siyang nagpunta roon.

“Meryl, baka puwede akong makahiram ng krayola?” tanong niya nang tamang-tamang makita niya ito sa bakuran nila at nakikipaglaro sa mga kapatid.

“Naku, wala na ang mga krayola ko! Tinunaw ko na kanina kasi iyon ang gawain namin sa paaralan. Gagawa kami ng painting gamit ang mga tinunaw na krayola, heto tingnan mo…” saglit na pumasok si Meryl sa loob ng kanilang bahay. Paglabas niya, ipinakita niya rito ang kaniyang gawa.

“S-Sige, salamat na lang…”

Malungkot na umuwi na lamang si Gino. Wala na siyang ibang kakilala na maaaring mapaghiraman ng krayola.

Pero hindi naman puwedeng hindi siya gagawa ng takdang gawain para sa paaralan.

Hanggang sa may naisip siyang paraan.

Kinabukasan, nakapagpasa naman ng kaniyang takdang gawain si Gino, subalit kabang-kaba siya. Alam niya kasing maaaring ipatawag siya ng kanilang guro dahil sa kaniyang ginawa.

Hindi nga siya nagkamali. Pinasahan siya ng isang maliit na papel ng kanilang guro. Nakalagay sa papel na huwag muna siyang uuwi mamayang dismissal. Kakausapin siya nito.

Tila may paruparo sa kaniyang sikmura; tila may daga sa kaniyang dibdib.

Inihanda niya ang sarili upang magpaliwanag.

Kaya nang nagsiuwi na ang kaniyang mga kaklase, agad siyang nagtungo sa faculty room kung saan naroon ang kanilang gurong si Bb. Cruz.

“Ma’am, pasensya na po kayo, wala po akong pangkulay kaya ang ginawa ko na lang po, nilagyan ko na lang po ng label yung kulay na gusto kong ilagay sa bawat parte para malaman po ninyo kung anong kulay ang gusto kong ilagay doon,” naiiyak na pag-amin ni Gino.

“Gino, huwag kang umiyak. Pinatawag kita hindi para pagalitan. Pinatawag kita kasi gusto kitang batiin sa ginawa mo. Kahit wala kang krayola, ginawan mo pa rin nang paraan para makapagpasa ka ng gawain natin. Natutuwa ako sa ginawa mo. Kaya may sorpresa ako sa iyo,” sabi ni Bb. Cruz, at inilabas ang mga malalaking pangkulay na binili niya para kay Gino.

“Para sa iyo ito, Gino. Para sa susunod na kailangan mong magkulay, may magagamit ka na.”

Tuwang-tuwa si Gino nang kunin niya ang iniaabot na pangkulay ng guro.

“Maraming-maraming salamat po, Ma’am. Malaking tulong po ito sa aking pag-aaral.”

Bukod sa krayola, binigyan din siya ni Bb. Cruz ng iba pang mga kagamitan gaya ng papel, lapis, pantasa, at pambura upang may magamit siya.

Kaya naman sa tuwing may pinapakulayan ang mga guro sa kanila, masayang-masayang ginagawa ito ni Gino, at hindi rin siya nangingiming magpahiram nito sa mga kaklase niyang nakakalimutang magdala nito sa paaralan.

Advertisement