Inday TrendingInday Trending
Pineke ng Ginang ang Dokumento Upang Makapunta sa Ibang Bansa; Hindi Niya Akalain na Ito ang Karma na Kaniyang Aabutin

Pineke ng Ginang ang Dokumento Upang Makapunta sa Ibang Bansa; Hindi Niya Akalain na Ito ang Karma na Kaniyang Aabutin

Abalang-abala sa kaniyang selpon itong si Rowena nang biglang dumating ang kaniyang kaibigang si Sally.

“Ang sabi ng mister ko ay dumaan ka raw sa bahay kanina kaya naman naisipan kong daanan ka muna. Ano ba ang dahilan?” tanong ni Sally.

Hindi pa man nakakasagot si Rowena ay dumating na ang kaniyang asawang si Dante at may pasalubong itong bibingka para sa kaniya.

“Maiwan ko na muna kayong magkaibigan riyan at magpapalit lang ako ng damit,” saad naman ng ginoo.

“Ibang klase din ‘yang asawa mo, ano, Rowena? Hanggang ngayon ay inuuwian ka pa rin ng pasalubong. Samantalang ako ay walang maasahan sa mister ko. Galit pa kung hingan ko ng lambing! Swerte ka talaga diyan kay Dante!” wika ni Sally.

Nang malayo na si Dante ay hinila ni Rowena ang kaibigan sa may bakuran kung saan hindi sila maririnig ng mister.

“Sally, gusto ko lang kasing itanong sa iyo kung may kilala ka bang nag-aayos ng mga dokumento? Ano ba ang tawag sa mga iyon? Fixer? Hindi ba’t sa munisipyo ka nagtatrabaho? Baka matulungan mo naman ako!” pabulong na sambit ni Rowena.

“Naku, ipinagbabawal ang mga fixer, mare. Ano ba ang kailangan mong ipaayos at titingnan ko kung ano ang magagawa ko,” saad naman ni Sally.

“Sally, ipangako mo sa akin na hindi makakalabas ito kahit kanino. Ikaw lang kasi ang naisip kong p’wedeng makatulong sa akin. Kailangan ko kasi ng katibayan na hindi pa ako kinakasal. Kailangan ko ng tinatawag na “CENOMAR” o certificate of no marriage. Baka naman maaari mo akong matulungan?” saad pa ni Rowena.

“Kung mamarapatin mo, p’wede ko bang itanong kung para saan mo ito gagamitin? Ilegal kasi ang nais mong mangyari,” wika naman ng kaibigan.“Kaya nga sana ay walang makakalabas. Nais ko kasing pumunta ng ibang bansa. Alam mo na, ang hirap ng buhay, hindi ba? Gusto kong tulungan itong asawa ko nang sa gayon ay makaipon na. Siguro sa pagkakataon na iyon ay p’wede na rin kaming magkaanak. Gustung-gusto ko na kasing magkaroon ng sariling pamilya. Ngunit ayaw pa ni Dante dahil mahirap daw ang magkaanak,” pahayag naman ng ginang.

“Bakit kailangan pang palabasin na wala kang asawa? Ano ba ang magiging trabaho mo sa ibang bansa?” muling tanong ni Sally.

“Domestic helper. Pero ayaw raw kasi ng magiging amo na mayroong asawa at anak ang kukunin nila. Ito na lang ang pagkakataon ko para matupad ang pangarap ko. Sana ay matulungan mo talaga ako! Nagmamakaawa ako, Sally. Ikaw na lang ang malalapitan ko at mapagkakatiwalaan ko,” pagsusumamo pa ni Rowena.

Dahil nga nahabag si Sally sa kalagayan ng kaniyang kaibigan ay ipinakilala niya ito sa isang kaibigan din na nagtatrabaho naman sa Recto.

“Sa tingin ko ay siya ang makakatulong sa iyo, Rowena. Kaso hindi garantisado na magtatagumpay ito. Sa totoo lang ay natatakot ako sa gagawin mong ito. Labag kasi ito sa batas, mars,” wika naman ni Sally.

“Kahit gaano pa kadelikado ay susugalan ko na ‘yan, mars. Gusto ko lang talagang mag-iba ang buhay ko!” wika pa ni Rowena.

Nakipagkasundo si Rowena na magbabayad ng malaking halaga sa taong ipinakilala ni Sally upang gawan ng paraan ang dokumentong kailangan.

Ilang araw lang ay nakuha na niya ang nasabing dokumento. Isang pagpapatunay na wala ngang asawa si Rowena.

“Mukhang totoo naman ang dokumentong ito, Sally. Maraming salamat! Kapag nasa ibang bansa na ako at maunlad na ang buhay ay hindi kita malilimutan!” sambit ni Rowena.

Tuwang-tuwa si Rowena dahil sa wakas ay hawak na niya ang inaasam na dokumento. Hindi na siya makapaghintay pa na makarating ng ibang bansa.

Hanggang sa isang araw ay nakausap ni Sally ang dati niyang kaibigang si Lorena. Nasa Amerika ito at nakapangasawa na ng ‘Kano at maganda na ang buhay roon.

“Kumusta naman ang buhay may-asawa mo riyan, Lorena? Aba’y napakatagal na rin ng panahon na hindi tayo nakapag-usap na magkakaibigan,” saad ni Sally sa dating kaklase.

“Ikaw lang naman itong laging abala. Lagi ko kayang nakakausap si Rowena. Sa katunayan nga ay ipinakilala ko pa siya sa isang kaibigan ng asawa ko. Nagustuhan siya at handa siyang pakasalan! Sa katunayan nga ay inaayos na ang mga papeles niya para makapunta na siya rito sa Amerika,” kwento ni Lorena.

Nabigla naman si Sally dahil buong akala niya ay aalis itong si Rowena upang maging isang domestic helper sa ibang bansa.

“Paanong magpapakasal itong si Rowena, e, kasal siya sa asawa niya dito sa Pilipinas at matagal na silang nagsasama?!” sambit naman ni Sally.

“Ibinalita niya sa akin na matagal na silang hiwalay. Sa katunayan nga ay nagpa-annul na raw sila ng kasal. Kaya nga naayos agad ang mga papeles niya papunta dito sa Amerika. Sa susunod na linggo na ata ang alis niya,” dagdag pa ni Lorena.

Hindi alam ni Sally kung paanong sasabihin sa kaniyang kaibigan ang lahat ng katotohanan. Kaya naman si Rowena na lang ang kaniyang pinuntahan at kinompronta.

“Rowena, bakit ka nagsinungaling sa akin? Nakausap ko si Lorena. Alam ko na ang lahat ng plano mo! Bakit mo nagawang lokohin ang asawa mong si Dante?” sambit ni Sally sa kaibigan.

“Hinaan mo nga ang boses mo, Sally, at baka mamaya ay marinig ka ni Dante. Wala siyang alam sa mga plano ko! Magiging madali lang naman sa kaniya na kalimutan ako dahil wala kaming mga anak. Maaari pa naman siyang maghanap ng ibang papalit sa akin. Basta, ako, ayaw ko na ng buhay ko rito. Mataas ang pangarap ko at hindi maibibigay iyon sa akin ni Dante,” sagot naman ni Rowena.

“Ano ba ang problema kay Dante? Ayos naman siyang asawa sa nakikita ko. At isa pa, hindi ba’t maayos naman ang pakikitungo niya sa iyo? Noong isang araw nga ay may pasalubong pa siya sa iyong pagkain pag-uwi niya galing opisina. Mahal na mahal ka ng asawa mo, Rowena. Huwag mo itong gawin sa kaniya!” wika pa ng kaibigan.

“Sawa na ako na mamaluktot sa buhay na ibinibigay niya sa akin. Inggit na inggit ako kay Lorena dahil ibinibigay ng asawa niya ang lahat ng gusto niya. Ganung asawa ang nais ko. Kaya hayaan mo na lang ako na magpakasal sa ‘Kanong iyon! Buo na ang desisyon ko, Sally. Malaki ang utang na loob ko sa iyo at hindi kita kakalimutang padalhan ng balikbayan box kapag nasa Amerika na ako at nahihiga sa salapi,” saad pa ng ginang,

Kahit anong kumbinsing gawin ni Sally kay Rowena ay hindi na siya pinakikinggan nito. Hanggang sa lumipas nga ang araw at tuluyan nang umalis si Rowena papuntang ibang bansa.

Labis naman ang sama ng loob ni Dante dahil sa pang-iiwang ginawa sa kaniya ng asawa.

“Ginawa ko ang lahat, Dante, upang pigilan si Rowena nang malaman ko ang plano niya. Ngunit hindi siya nakinig sa akin. Patawarin mo ako kung ako pa ang naging daan para maisakatuparan niya ang mga plano niya. Ang sabi niya kasi sa akin ay nais niyang maging isang domestic helper upang makatulong sa iyo. Kapag nakaipon daw kasi kayo ay gugustuhin mo nang magkaanak,” paliwanag ni Sally.

“Wala kang kasalanan, Sally. May sariling utak si Rowena at pinili niyang lokohin ako. Ito pala ang dahilan kung bakit ayaw man lang niyang magtabi kami at makabuo ng anak. Matagal na niya sigurong plano ang iwan ako at sumama sa iba na mas mapera,” sambit naman ni Dante.

Masama man ang loob ay pilit pa ring hinanap ni Dante itong si Rowena upang makausap nang masinsinan at ayusin nila ang kanilang pagsasama.

Ngunit nang makausap niya ito sa telepono ay lalong nasaktan ang kaniyang damdamin.

“Hinding-hindi na ako babalik sa iyo, Dante. Ang pangarap ko na magkaroon ng magandang buhay ay abot kamay ko na. Nakahiga ako ngayon sa kama. Bakit pa ako babalik sa papag? Kahit kailan ay hindi naman ako naging masaya sa iyo. Kaya sana ay kalimutan mo na ako dahil wala na akong pakialam pa sa iyo, Dante! Kalimutan mo na ako!” sigaw ni Rowena sabay baba ng telepono.

Sa lalong madaling panahon ay naitakda ang kasal ni Rowena sa nobyong “Kano. Ang buong akala niya ay magiging maayos na ang kaniyang buhay tulad ng kaibigan niyang si Lorena.

Ngunit pagkatapos ng kasal ay biglang nagbago ang pakikitungo sa kaniya ng bagong asawa.

Habang tumatagal na nakakasama niya ito sa iisang bubong ay unti-unti niyang nakikilala ang tunay na anyo nito.

Madalas siyang ikulong nito sa bahay. Kinakandado ang lahat upang hindi siya makaalis. Nais din ng ‘Kano na palaging pinagsisilbihan. Masyado itong seloso sa puntong nasasaktan na siya nito.

Bandang huli ay hindi rin siya naging masaya. Tila naging alipin siya at bilanggo sa isang pantasyang kaniyang ginawa. Hindi niya tuloy maiwasan na maisip ang dating asawang si Dante. Kahit kailan kasi ay hindi man lang dumapo ni dulo ng daliri nito sa kaniya. Palagi pa siyang sinusunod nito sa lahat ng kaniyang gusto. Hindi man nga siya nito mabigyan ng maluhong buhay ay pilit naman siya nitong binibigyan ng magandang kinabukasan.

Labis na nagsisisi si Rowena. Kaya naman isang araw, nang makakita ng pagkakataon ay tinawagan niya si Dante upang humingi ng tawad at pati na rin ng tulong upang siya ay mailigtas sa mapang-abusong kinakasama.

Nang sagutin nito ang telepono ay nagulat siya nang marinig ang tinig ng isang babae.

“Maaari ko bang makausap si Dante?” malumanay na tanong ni Rowena.

“Pasensya ka na ngunit wala pa rito ang asawa ko. Pinabili ko kasi ng lanzones sa palengke dahil naglilihi ako. Sasabihin ko na lang na tumawag ka. Maaari ko bang malaman kung sino ito?” sagot naman ng babae.

Hindi naiwasan ni Rowena na tumulo ang kaniyang luha. Hindi siya makapaniwala na sa pagkakataong ito ay naiinggit siya dahil sa pag-aasikaso ni Dante sa bago nitong asawa. Hindi na niya sinabi pa ang kaniyang pangalan at binaba na lang niya ang telepono.

Sa puntong iyon ay tinanggap na lang ni Rowena ang kinahinatnan ng kaniyang panloloko sa asawa. Matapos ang lahat, siya rin naman ang may kagagawan ng lahat ng nangyayaring ito sa kaniyang buhay.

Advertisement