
Hindi Inaasahang Kaibigan ang Nahanap ng Bata sa Telepono; Sa Paglipas ng Panahon ay Muli Silang Pagtatagpuin ng Tadhana
Simula nang lumipat ng tirahan ang pamilya ng batang si Sandy ay lagi na lang siyang nagkukulong sa kwarto. Wala kasi siyang makalaro at wala ring mga kakilalang kapitbahay. Wala rin siyang malapit na kamag-anak at ang tanging nakakasama lang niya sa bahay ay ang kasambahay na si Lilian. Madalas ay abala pa ito sa mga gawaing bahay.
“Manang Lilian, kailan po ba uuwi ang mga magulang ko? Hindi ba’t kaya naman kami lumipat sa bahay na ito ay para mapalapit sila sa trabaho? Bakit hindi ko pa rin po sila nakakasama?” tanong ng Sandy sa kasambahay.
“Huwag ka nang magtampo sa mga magulang mo at tiyak akong nasa proseso rin sila ng pag-a-adjust sa opisina. Kapag gamay na nila ang lahat ay nasisiguro kong lagi mo na silang makakasama,” paliwanag naman ng ginang.
Bumalik na lang si Sandy sa kaniyang silid upang magbasa ng libro. Hindi rin naman siya papayagan ng kaniyang mga magulang na maglaro ng video games lalo pa’t hindi niya pa tapos ang kaniyang mga aralin.
Habang ginagawa ang kaniyang mga takdang aralin ay may hindi maunawaan itong si Sandy. Tinanong niya ang kaniyang Yaya Lilian ngunit wala rin itong maisagot.
“Hintayin mo na lang ang mommy at daddy mo at sa kanila mo itanong. Wala akong alam talaga sa mga bagay na ‘yan, hijo. Isa pa, abala ako sa paglalaba ng mga damit ninyo!” saad ng kasambahay.
Pilit na hinanap ni Sandy sa mga libro ang kasagutan sa asignatura ngunit hindi niya talaga ito maunawaan. Naiinis na siya at gusto na niyang matapos ang gawain. Ilang sandali pa ay nakita niya ang telepono. Pag-angat niya rito ay nakita niya ang nakasulat na numerong 117 at nakalagay ay operator.
Pinindot niya ang naturang telepono at hindi nagtagal ay may sumagot sa kabilang linya.
“Operator, ano ang maipaglilingkod ko?” sambit ng babaeng tinig.
“Operator, maaari po ba akong magtanong sa inyo? Mahalaga kasing matapos ko ang asignatura ko at ipapasa ko na ito bukas, ngunit hindi ko po maintindihan. Wala pa rin ang mga magulang ko para maitanong ko ang sagot. Hindi rin naman alam ng kasambahay namin at abala pa siya sa paglalaba. Wala pong makakatulong sa akin dahil wala kaming kilala sa lugar na ito. Kakalipat lang po namin,” inosenteng pahayag ng bata.
“Swerte ka ngayong araw at narito ako para tulungan ka. Ano nga ba ang katanungan at susubukan kong sagutin sa abot ng aking makakaya?” magiliw na wika ng babae sa kabilang linya.
Sinambit ni Sandy isa-isa ang mga katanungan na hindi niya alam ang sagot at magiliw naman siyang tinuruan ng babae sa kabilang linya ng telepono hanggang sa matapos niya ang kaniyang asignatura.
“Maraming salamat po, operator. Ngayon ay hindi na ako mapupuyat sa kahihintay sa mga magulang ko para lang malaman ang kasagutan. Sana kapag tumawag po ako ulit bukas ay matulungan n’yo ako. Maraming maraming salamat po! Napakabait mo po, Operator!” dagdag pa ng bata.
Simula nang araw na iyon ay nawili na itong si Sandy na tawagan ang naturang numero. Madalas siyang magtanong ng asignatura sa babaeng kaniyang nakakausap. Minsan naman ay tumatawag lang siya upang may makausap at maikwento niya ang nangyari sa kaniya sa paaralan.
Magiliw naman siyang kinakausap ng naturang operator.
Isang araw ay malungkot itong si Sandy. Yumao kasi ang alaga niyang rabbit.
“Nilibing namin ni Yaya si Robby Rabbit sa bakuran. Ang sabi pa ni yaya ay magiging pataba raw ito sa lupa. Nalulungkot ako, operator. Bakit kailangan pang mawala ni Robby? Siya na nga lang ang tanging kaibigan ko,” pagtangis ni Sandy.
“Ayos lang naman na maging malungkot ka, Sandy. Pero isipin mo na lang na nasa langit na siya ng mga kuneho. Masaya at malayang nakikipaglaro sa mga kapwa niya kuneho. Hindi na siya magkakasakit pa at mahihirapan. Saka isa pa, narito naman ako at handang makinig sa mga kwento mo. Kaibigan mo rin ako,” dagdag pa ng babae.
Naibsan ang kalungkutan ni Sandy dahil sa mga sinabi sa kaniya ng naturang operator.
Nagpatuloy ang kaniyang pagtawag sa loob ng halos isang taon. Hanggang sa kailangan na naman nilang lumipat ng bahay.
“Hindi maganda ang takbo ng kompanya na napasukan namin ng daddy mo. Kaya kailangan nating lumipat muli. Sayang naman ang magandang offer sa amin sa ibang bansa. Hayaan mo at kapag malaki ka na ay p’wede ka namang bumalik sa lugar na ito,” saad pa ng ina ni Sandy.
Malungkot man ay wala nang nagawa si Sandy kung hindi sumama sa kaniyang mga magulang sa ibang bansa. Lumilipas ang araw at patuloy niyang naalala ang kaibigan niyang si Operator.
Hanggang sa tuluyan nang nagbukas ang klase. Nagkaroon na ng mga kaibigan si Sandy. Hindi nagtagal ay nagbinata na rin siya at tuluyan nang nalimutan ang kaniyang kaibigan.
Sa ibang bansa na rin siya nakapagtapos at nagkaroon ng trabaho.
Isang araw ay naisipan niyang magbakasyon sa bahay ng kaniyang pinsan na nasa Pilipinas. Habang naroon siya sa bahay nito ay nakita niya ang isang telepono at nagbalik sa kaniya ang alaala ng nakaraan.
Sinubukan niyang pindutin muli ang mga numerong kaniyang tinatawagan noon upang makausap ang kaibigang si Operator sa pagbabakasakaling makausap niya itong muli.
Isang lalaki ang kaniyang nakausap.
“May emergency po ba? Maaari ko po bang malaman ang pangalan ninyo at eksaktong lokasyon?” tanong ng lalaki.
“W-wala naman po, ginoo. Nagbabakasakali lang po ako na makausap ko ang isang dating kaibigan. Hindi ko alam ang kaniyang pangalan pero “Operator” ang tawag ko sa kaniya,” saad pa ng binata.
“Ikaw ba si Sandy? Matagal na naming hinihintay ang tawag na ito. Mahigit dalawang dekada na rin ang nakalipas. Ang hinahanap mo ay ang dating operator sa linyang ito na si Maribeth. Ibinilin niya sa amin na kapag tumawag ka ay ibigay ang kaniyang numero nang sa gayon ay makausap ka niya. Hindi na siya nagtatrabaho pa rito. Ang huling balita namin ay nagpapagamot siya dahil may matindi siyang karamdaman,” pahayag pa ng lalaki.
Nang makuha niya ang numero ng dati niyang kaibigan ay agad niya itong tinawagan. Hindi makapaniwala si Maribeth nang marinig muli ang tinig ng ngayong binata nang si Sandy.
“Operator, alam kong matagal na panahon na rin na hindi tayo nagkakausap. Sana naman sa pagkakataong ito ay makita na kita nang harapan nang sa gayon ay makwentuhan kita ng lahat ng mga nangyari sa akin ng mga nakalipas na taon,” saad ni Sandy.
Sa isang ospital nakipagkita itong si Maribeth. Sakay ng isang wheel chair at halata mo ang panghihina dahil sa kapayatan ng kaniyang katawan at nalalagas na buhok, sinalubong pa rin ng ginang nang buong saya itong si Sandy.
Sa unang pagkakataon ay nasilayan din ng binata ang babaeng nasa likod ng tinig sa telepono.
“Masaya ako na sa wakas ay nakilala na rin kita. Alam mo bang sa tagal ng pagtatrabaho ko bilang isang operator ay ikaw ang nagbigay ng dahilan sa akin upang manabik na pumasok kinabukasan? Lagi kong hinihintay ang tawag mo. Kaya ganoon na lang din akong nalungkot nang hindi na kita nakausap pa,” saad ni Maribeth sa binata.
“Pasensya na po at lumipat na kami ng bahay at hindi ko na po nakuhang magpaalam. Ang buong akala ko talaga ay naroon ang numerong iyon upang tawagan ko sa panahon na kailangan ko ng makakausap. Hindi ko po alam na para pala ito kung mayroong nagaganap na sakuna o emergency. Maraming salamat at naging napakahaba ng pasensya ninyo sa akin,” wika naman ni Sandy.
“Naaalala ko kasi sa’yo ang yumao kong anak. Siguro ay kasing tanda mo na rin siya ngayon. Napakalungkot ko noon pero nang marinig ko ang boses mo at noong palagi ka nang tumatawag ay parang nabuhayan muli ang loob ko. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya na sa mga nalalabi ko sa mundong ito ay natupad pa ang isang hinahangad ko, ang makilala ka,” muling wika ng ginang.
Nagpatuloy ang pagkakaibigan ni Sandy at Maribeth. Palagi pa ring tinatawagan ng binata ang ginang upang kwentuhan ng mga nangyayari sa kaniya sa trabaho at buhay sa ibang bansa. Maligaya naman ang ginang na pakinggan ang bawat kwento ng binata.
Sa katunayan pa nga ay tinulungan din ni Sandy ang kaibigan sa pagpapagamot nito. Ngunit tuluyan nang kumalat ang impeksyon sa katawan ng ginang at hindi nagtagal ay sumakabilang buhay na rin ito.
Sa huling pagkakataon ay nagbigay ng kaniyang respeto si Sandy. Matapos ang libing ay may iniabot sa kaniya ang isang kaanak ni Maribeth.
Huwag kang malungkot at nasa langit na ako. Malaya sa sakit at masayang nakikipaglaro sa aking anak. Maraming salamat sa hindi ko inaasahang pagkakaibigan. Sa mundong ito ay ikaw ang nagbigay muli sa akin ng mga ngiti. Sa muli nating pag-uusap.
Ang iyong kaibigan,
Operator
Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ni Sandy habang walang patid ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Habambuhay niyang hindi malilimutan ang pagkakaibigang nabuo nang dahil lamang sa isang tawag sa telepono.