
Hindi Inintindi ng mga Anak ang Inihandang Salo-salo ng Ama; Isang Magandang Balita ang Nakahanda para sa Nag-Iisang Taong Nakadalo
Panay ang tawag at pagpapadala ng mensahe ni Alejandro sa kaniyang mga anak. Ni isa kasi sa mga ito ay wala pang nagkukumpirma kung darating sa maliit na salo-salong kaniyang inihanda para sa kaniyang pamilya.
Kaya naman naisipan ng matanda na tawagan ang assistant ng panganay na anak.
“Sir Billy, nakailang tawag na po sa akin ang daddy ninyo. Tinatanong po kung p’wede raw po kayo sa susunod na linggo at may inihanda raw po siyang isang salo-salo para sa inyong magkakapatid,” saad ni Rudy, assistant ni Billy.
“Tawagan mo ang mga kapatid ko. Unahin mo na si Kate dahil siya ang babae at dapat siya ang laging tumitingin kay daddy. Isa pa, alam naman nilang abala ako ngayon dahil hindi maganda ang lagay ng kompanya. Uunahin ko pa ba ‘yang party na ‘yan?” inis na sambit ni Billy.
“Bakit hindi n’yo na lang po sabihin sa daddy ninyo na hindi kayo makakapunta nang sa gayon ay mailipat niya sa ibang araw ang salo-salo? Matanda na po ang daddy ninyo. Baka mamaya ay magsisi kayo kung hindi n’yo na siya makasama pa,” dagdag pa ng assistant.
“Hinihingi ko ba ang opinyon mo, Rudy? Narito ka sa opisina ko upang sundin ang utos ko hindi para magbigay ng payo sa akin. Tawagan mo ang mga kapatid ko at sila ang kausapin mo! Hindi kako ako makakapunta dahil abala ako!” giit pa ng ginoo.
Tinawagan ni Rudy ang mga kapatid ng kaniyang amo na sina Kate at Ralph alinsunod na rin sa utos nito. Ngunit maging ang mga kapatid nito ay hindi rin makakapunta dahil sa may kailangan silang asikasuhin sa kani-kanilang mga buhay.
“Bakit ba biglang naisipan ni daddy na magkaroon ng isang salo-salo? Hindi ako makakarating dahil abala rin ako. Sabihin mo diyan sa amo mo na siya mismo ang magsabi kay daddy. Saka sa susunod ay siya naman ang kumausap sa akin! Bakit kailangan pang iutos sa iyo?” pagtatalak ni Kate.
“Abala po kasi si boss ngayon kaya hindi niya masabi sa inyong ama. Tinawagan ko na rin po si Sir Ralph pero hindi rin daw po makakapunta dahil may naka-book daw po silang mag-asawa na flight papuntang Hong Kong,” wika naman ni Rudy.
“E, bakit ako ang pinagtutulakan ng boss mo na pumunta? Bakit hindi na lang siya? Sabihin mo na hindi ako makakapunta at huwag niya akong utusan dahil may sarili rin akong pamilya!” sigaw pa ng ginang sabay bagsak ng telepono.
Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay natarayan na naman si Rudy ng kapatid ng kaniyang amo.
Hindi naman kasama sa trabaho ni Rudy ngunit parang naging tagasangga na rin siya ng mga galit ng mga kapatid ng amo. Pati na rin ang ama ng mga ito ay siya na rin ang kinukulit. Awang-awa naman siya dahil nauubusan na rin siya ng idadahilan sa matandang ama ng amo.
Kinabukasan ay nakatanggap na naman ng tawag si Rudy mula kay Alejandro.
“Sumagot na ba si Billy kung makakarating siya? Alam ko namang abala siya sa trabaho pero baka naman maaari niya akong bigyan ng kahit isang araw lang. Kausapin niya ang mga kapatid niya na magkasama-sama kami dahil matagal na namin itong hindi nagagawa. Saka isa pa, may nais akong sabihin sa kanila. Isa itong magandang balita,” pakiusap ng matanda.
“Sige po at sasabihin ko po kaagad kay Sir Billy. Ang sabi nga po niya sa akin ay mag-order na ako ng mga pagkain na idadagdag sa salo-salo ninyo. Huwag po kayong mag-aalala at naaalala po niya,” pagsisinungaling pa ni Rudy.
Ngunit nang sabihin ito ni Rudy sa kaniyang amo ay muli siyang binulyawan nito.
“Ang kulit mo, Rudy, bakit kasi lagi mong sinasagot ang tawag ng daddy ko? Alam mo naman ang numero niya, ‘di ba? Huwag mo na kasing sagutin!” saad pa ni Billy.
“Umaasa kasi ang daddy n’yo, sir. Sa tingin ko ay kailangan n’yong pumunta dahil may magandang ibabalita raw ang inyong ama. Saka isa pa, nangungulila na rin po iyon sa inyong magkakapatid,” giit pa ni Rudy.
“Hindi ko nga alam kung paano pa pagkakasyahin ang oras ko sa lahat ng mga ginagawa ko sa buhay. Hindi ako maaaring pumunta sa araw ng salo-salo na yan dahil nakakompromiso ako ng golf sa kina Mr. Yamata. Kailangan ko ang deal na ito para mapalago ko ang kompanya,” wika pa ng ginoo.
Alam ni Rudy na hindi na niya mapipilit ang kaniyang amo at ang mga kapatid nito na dumalo sa naturang party na hinanda ng ama ng mga ito. Batid din niyang umaasa ang matanda na makikita nito sa araw na iyon ang mga anak nang sama-sama.
Nang dumating ang naturang araw ay walang nagawa si Rudy kung hindi magpunta. Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay lagi niyang pinupuntahan si Alejandro lingid sa kaalaman ng kaniyang boss.
“Sinabi ko na nga ba at hindi na naman makakapunta ang mga anak ko. Kaya ba lahat sila ay hindi sinasagot ang tawag ko?” napatigil ang matanda sa pag-aayos ng mesa nang makita niya itong si Rudy.
“Abala lang po talaga si Boss Billy, sir. Pero nagpadala naman siya ng mga pagkain,” saad pa ng ginoo.
“Huwag mo nang pagtakpan ‘yang si Billy. Kilala ko ang panganay ko. Hindi talaga niya prayoridad ang kaniyang ama. Hanggang ngayon ay mababa pa rin nang tingin niya sa akin dahil sa hindi magarbo ang buhay na naibigay ko sa kanilang magkakapatid,” saad pa ng matanda.
“Huwag po kayong mag-isip ng ganiyan, sir. Mahal po kayo ng mga anak ninyo kaso lang po ay abala sila sa kani-kanilang mga buhay at pamilya.”
“Kaya ba nakalimutan na rin nila ang matandang ito? Nakalimutan na nila ang nagsimula ng pamilyang ito? Ngayon na lamang ako humihingi ng pagkakataon sa kanila ngunit hindi pa rin nila ako pinagbigyan. Mahalaga pa naman ang araw na ito sa akin dahil may maganda akong ibabalita sa kanila,” saad pa ni Alejandro.
“Huwag na po kayong malungkot at narito naman ako. Pinasunod ko rin po rito ang aking asawa at mga anak nang sa gayon ay maituloy natin itong salo-salo ninyo. Ituring po ninyo kaming pamilya,” saad pa ni Rudy.
Ilang sandali pa ay dumating na nga ang pamilya ni Rudy. Simple lang ang pamumuhay ng kaniyang pamilya. Madalas ay nawawalan pa siya ng panahon sa mga ito, mabuti na lang at nauunawaan naman ng kaniyang asawa at apat na anak.
Kahit paano ay naging masaya si Alejandro sa munting salo-salo na kaniyang inihanda kahit wala ang kaniyang mga anak.
“Sir, hindi po ba, may maganda kayong ibabalita? Ano po ba iyon? Maaari ko po bang malaman?” tanong naman ni Rudy.
“Tayo ay magsaya muna at mamaya ko sasabihin pagkatapos ng salo-salo. Ikaw na rin ang bahalang magsabi sa mga anak ko dahil sa tingin ko ay wala pa rin silang oras na pakinggan ang ibabalita ko,” saad naman ng matanda.
Matapos ang gabing iyon, bago umuwi si Rudy at ang kaniyang pamilya ay may iniabot sa kaniya si Alejandro. Pagkatapos ay may ibinulong ito sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ni Rudy. Pilit niyang kinakausap ang ginoo ngunit naging mapilit ito.
“Ikaw na ang magsabi sa mga anak ko, Rudy. Tutal ikaw naman ang laging nariyan para sa akin,” saad pa ng matanda.
Pag-uwi sa bahay ay binuksan ni Rudy ang inabot na envelope sa kaniya ng matanda. Nakita niyang ipinamana nito ang lahat ng kayamanan nito sa kaniya. Maging ang mga ari-arian na nagkakahalaga ng dalawampung milyong piso.
Nang malaman ito ng kaniyang mga anak ay nagsilakbo ang mga damdamin ng mga ito.
“Bakit?! Ni hindi ninyo kamag-anak ang lalaking iyan! May ganyan pala kayong kalaking pera ngunit bakit hindi n’yo man lang sinabi sa amin?” sambit ni Billy sa ama.
“Hindi ba’t palagi ko kayong niyayaya sa bahay ko upang makausap? Kayo naman ang tumatanggi sa akin. Si Rudy ang laging narito sa aking tabi. Alam kong pinagtatakpan ka lang niya at tumatakas lang siya sa iyo at sa kaniyang asawa upang puntahan ako. Lagi siyang naglalaan ng oras para siguraduhing nasa mabuti akong kalagayan. Gayong ang mga sarili kong kadugo ay hindi man lamang ako naaalala,” pahayag ng ginoo.
“Kahapon ay naghanda ako ng isang salo-salo para magkakasama naman tayo ng iyong mga kapatid. Ngunit wala man lamang sa inyo ang nag-abala na puntahan ako kahit saglit. Maganda pa naman ang ibabalita ko sa inyo. Mawawalan na kayo ng alalahanin at ng kukulit sa inyo dahil may taning na ang buhay ko. Isang buwan na lang ang sinabi sa akin ng mga doktor. Sa panahong iyon sana ay nais ko kayong makasama ngunit para akong namamalimos ng oras lagi sa inyo. Kaya karapat-dapat si Rudy sa lahat ng pamana na maiiwan ko, kadugo ko man siya o hindi,” dagdag pa ng ama.
Higit na mas naging mayaman na ngayon itong si Rudy kaysa sa kaniyang amo. Mariing bilin ni Alejandro na sa kaniyang pagyao ay huwag na huwag bibigyan ang kaniyang mga anak dahil tinalikuran na siya ng mga ito.
Nagbilin din ito kay Rudy na itabi ang kaniyang mga labi sa himlayan ng kaniyang yumaong asawa nang sa gayon, sa huling hantungan ay muli silang magkasama.
Pilit mang habulin ng magkakapatid ang malaking halaga na ipinamana ng kanilang ama sa assistant na si Rudy ay wala na silang magawa dahil pinal na at legal ang kasulatan na ibinigay ni Alejandro. Bago pa yumao ang matanda ay gumawa pa siya ng salaysay na bukal sa kaniyang kalooban na walang iniwan sa kaniyang mga anak dahil alam niyang hindi rin naman kailangan ng mga ito ang anumang manggagaling sa kaniya.
Labis na pinagsisisihan ng magkakapatid ang pagtalikod sa kanilang ama.
Ngunit masakit pa rin kay Rudy na malaman na nanghihinayang lang ang mga ito dahil sa yaman na naiwan nito, hindi dahil sa pagmamahal na inalay nito para sa kaniyang mga anak.