
Minamaliit ng mga Kamag-Anak ang Dalaga dahil Mapurol Daw ang Utak Nito; Babait Sila Kapag Natunghayan Nila ang Narating Nito
Taas ang noo ni Sylvia na ipinagmamalaki ang anak na si Belle. Magtatapos kasi ito sa kolehiyo nang may karangalan.
“Sa galing ng anak ko ay hindi siya mahihirapan na makahanap ng magandang trabaho sa paliparan. Pangarap niyang maging isang flight attendant. Bukod sa malaki ang sahod ay makakarating pa siya sa iba’t ibang bansa!” pagmamalaki pa ng ginang.
Habang nagsasalita ito ay nakita niya ang pamangking si Mylene. Nilalapitan ito ng iba pang mga pamangkin upang tanungin sa ilang bagay. Magiliw naman itong sinasagot ng dalaga. Hanggang sa sawayin sila ng masungit na tiyahin.
“Mga bata, bakit kayo nagtatanong riyan sa Ate Mylene ninyo? Ni hindi nga nakatapos iyan ng hayskul. Dito kayo magtanong sa Ate Belle ninyo dahil matalino ito. Nakapagtapos sa isang magandang unibersidad nang may karangalan!” sambit pa ni Sylvia.
Bahagyang napahiya si Mylene. Hindi naman siya makalaban sa kaniyang tiyahin dahil alam niyang totoo naman ang sinasabi nito. Hindi talaga siya nakatapos ng hayskul, ngunit hindi naman talaga mapurol ang utak niya. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral dahil sa hirap ng buhay.
Sunud-sunod kasi ang dagok na dumating sa kanilang pamilya. Nagkasakit ang kaniyang ina at naaksidente naman ang kaniyang ama. Nang maulila ay tanging siya na lang ang inaasahan na tumingin sa kaniyang nakababatang kapatid. Kaya naman wala siyang ibang pagpipilian kung hindi magbanat agad ng buto.
Tindera sa palengke itong si Mylene. Bukod sa pagtitinda sa pwesto ay nagtitinda rin siya sa mga kapitbahay. Nagpapahulugan siya ng mga paninda at nilalagyan niya ito ng kaunting tubo nang sa gayon ay may dagdag silang kabuhayan ng kapatid. Ayaw niya rin kasing pahintuin sa pag-aaral ang bunso dahil para sa kaniya ay mabuti nang siya na lang ang walang narating sa kanila.
Ang kinakasama ng loob ng dalaga ay ang maliit na pagtingin sa kaniya ng mga kaanak. Lalo pa at mahilig siyang ihambing sa pinsang si Belle. Aminado naman siyang wala siyang ibubuga rito ngunit hindi niya maiwasan ang maghinanakit dahil kapamilya pa niya ang humahamak sa kaniya.
Upang hindi na madamay pa ang ilang pinsan ay pinagsabihan na lang ni Mylene na doon na lamang sila magtanong kay Belle.
Ang akala niya ay titigil na ang kaniyang Tiya Sylvia sa pangungutya sa kaniya ngunit hindi pa pala ito tapos. Lalo na nang makausap nito ang kaniyang mga amiga.
“Hindi naman naging mahirap sa amin ang pag-aralin sa magandang unibersidad si Belle dahil nga may ibubuga rin naman. Kapag ganyan talaga ang anak mo ay sisipagin kang pag-aralin, ‘di ba?” saad ni Sylvia.
“Siguro ay matatalino ang lahat ng lahi n’yo, ano? Nabalitaan ko rin kasi na ‘yung isang pamangkin mo ay nagtapos din nang may karangalan,” saad ng isang kaibigan.
“Naku, hindi lahat! Nakita n’yo ba ‘yung babaeng iyon? Pamangkin ko rin ‘yun pero napakahina ng kokote. Maraming pagkakataon na pinag-aaral ng magulang pero talagang hindi makapasa. Kaya hindi man lang nagkaroon ng pagkakataon kahit makapagtapos ng hayskul. May mga ganyang uri talaga ng tao, ano? ‘Yung mahirap umintindi kahit paano mo pa ituro. Kawawa nga dahil tiyak akong walang mararating sa buhay! ‘Di tulad nitong si Belle ko!” pagmamalaki pa ng ginang.
Minabuti na lang ni Mylene na umuwi na ng bahay. Sa totoo lang ay ayaw naman niyang pumunta sa selebrasyon ng graduation ng kaniyang pinsan ngunit pilit siyang pinapunta ng tiyahin upang makatulong daw sa mga gawain. Dahil sa pakikisama ay pumayag naman siya. Hindi niya alam na lalait-laitin lang pala siya ng tiyahin at gagawing katatawanan.
Mula noon ay ipinangako ni Mylene sa kaniyang sarili na kahit wala siyang pinag-aralan ay hindi ito makakahandlang upang makamit niya ang pinapangarap na magandang buhay para sa kanilang magkapatid.
Nagpatuloy siya sa pagtitinda sa palengke. Hanggang sa may suhestiyon sa kaniya ang kaniyang bunsong kapatid.
“Ate, alam mo bang pinagkakaguluhan ng mga kaklase ko ang bagong bukas na tindahan daw ng bagong damit? Nang puntahan namin ang lugar ay hindi naman ito talaga tindahan kung hindi bahay lang. Nagbebenta raw sila online, at ang laki ng kita nila. Naisip ko kasi na baka p’wede mong itinda rin sa internet ang mga tinda ninyo sa palengke lalo na ‘yung mga damit at bestida. Kahit na ako na ang maghatid sa mamimili pagkatapos ng klase ko!” saad pa ng bunso.
Naisip ni Mylene na magandang ideya ito. Noong una ay mga kaklase lang ng nakababatang kapatid niya ang bumibili sa kaniya. Hanggang sa nabalitaan na ito ng mga taga-ibang lugar. Sa paunti-unting kita ay bahagyang nakaipon ang magkapatid.
“Huwag nating gastusin ang mga kinikita natin sa pagtitinda. Ipunin natin nang sa gayon, kapag may magandang oportunidad ay may magagamit tayo,” saad pa ng dalaga.
Patuloy sa kanilang ginagawa ang dalawa. Nang malaman naman ni Sylvia ang ginagawang pagtitinda ng magkapatid ay pinagtawanan niya ang mga ito.
“Ano’ng mapapala nila sa pagtitinda lang? Sa isang lipad lang ng anak ko sa eroplano kapag naging flight attendant siya ay baka kulang pa ang isang taong kita nila! Napakababa talaga ng pangarap ng magkapatid na ‘yan!” natatawang sambit pa ng ginang.
Lumipas ang panahon at hindi nagpapigil itong si Mylene at kaniyang kapatid sa pagtitinda. Hanggang sa umalis na nga nang tuluyan ang dalaga sa pinapasukan nitong tindahan sa palengke.
Sumugal sa negosyo si Mylene. Hindi naging madali sa kaniya ang lahat. Pabalik-balik naman itong si Sylvia sa internet upang tingnan ang online tindahan ng kaniyang mga pamangkin. Tuwang-tuwa siya nang malaman na padalang na nang padalang ang pagpo-post ng mga ito.
Hanggang sa isang araw ay muli silang nagkita.
“Papunta kami ng anak ko sa isang sikat na airline dahil may interview siya. Sigurado ako na sa pagkakataong ito ay magiging ganap na siyang flight attendant! Kumusta naman kayo ng kapatid mo? Nakakakain pa ba kayo?” pagmamayabang muli ni Sylvia.
“Ayos naman po kami ng kapatid ko kung iyon po ang tinatanong ninyo. Sige po at good luck po sa interview ni Belle. Aalis na po kami ng kapatid ko dahil may kailangan pa po kaming asikasuhin,” wika naman ni Mylene.
“Sa susunod na magkikita tayo ay paalis na ang anak ko patungong ibang bansa. Kawawa naman kayo. Baka hanggang d’yan na lang kayo ng kapatid mo!” dagdag pa ng tiyahin.
Hindi na lang iniintindi ng dalawa ang pang-aalipusta ng kanilang tiyahin. Ayaw kasing sirain ng magkapatid ang araw na ito. Sumakay ng jeep ang dalawa. Bumaba ang mga ito sa isang malaking warehouse.
“Sa wakas ay ito na ang pinapangarap natin. Sa laki ng kinikita natin ay kaya na nating upahan ang lugar na ito. Hindi na ako makapaghintay pa na dumating ang mga produkto galing sa ibang bansa. Unti-unti ay makakaalpas na tayo sa hirap,” saad ni Mylene sa kapatid.
Nang araw rin na iyon ay nagsimula na ang magkapatid na ayusin ang naturang warehouse. Pagod man ay walang hindi kakayanin ang dalawa. Ngayon pa ba sila susuko? Ngayong halos hawak na nila ang tagumpay?
Samantala, ilang araw nang naghihintay si Sylvia na matawagan ang kaniyang anak ng pinag-apply-an nitong airlines, ngunit bigo pa rin siya.
Habang abala sa kaniyang selpon ay nakita niya ang post ni Mylene sa social media – larawan nilang magkapatid sa pagbubukas ng kanilang warehouse.
Nanlaki ang mga mata ni Sylvia. Ang akala niya ay namamalikmata lang siya dahil hindi niya akalain na ito na pala ang naabot ng magkapatid. Lalo na itong si Mylene na hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral.
Agad na pinuntahan ng ginang ang naturang warehouse at naabutan niya roon ang magkapatid na namamalakad ng kanilang negosyo.
“Ano ang ginawa n’yong magkapatid upang magkaroon kayo ng ganitong kalaking pera? Ibinenta mo ba ang katawan mo? Isinanla mo ba ang kaluluwa mo sa demonyo, Mylene? Sumagot ka!” bulyaw ni Sylvia dahil sa labis na inggit.
“Wala akong pinagbentahan ng katawan ko o ng kaluluwa ko, tita! Ano po bang sinasabi ninyo? Lahat ng ito ay dugo at pawis namin ng kapatid ko sa pagbebenta!” sagot pa ng dalaga.
“Pero nakasubaybay ako sa mga posts ninyo at hindi ko naman kayo nakikitang nakakabenta!” dagdag pa ng ginang.
“Tiya, hindi na po namin kailangan pang magpost sa social media dahil may sarili na po kaming website. Saka hindi na po kami kailangan pang magbenta dahil kami po ay supplier na. May mga nagbebenta na po para sa amin,” paliwanag naman ng bunso.
“Paano mo ito nagawa gayong wala ka namang pinag-aralan? Hindi ka nga nakatapos ng kolehiyo, ‘di ba?”
“Sipag at tiyaga lang po, tita. Saka abilidad at diskarte sa buhay. Aanhin ko naman ang diploma kung gagamitin ko lang ito para hamakin ang kapwa ko? Mabuti nang sabihan akong hindi matalino pero wala namang ginagawang masama sa iba,” sagot pa ni Mylene.
“Saka huwag na po kayong mainggit sa amin, tiya. Hindi po ba’t nag-apply na ng trabaho si Belle sa isang airline at sigurado kayong matatanggap siya? Baka nga ang isang lipad niya ay isang taong kita na namin,” saad naman ng bunso.
Tiyempo na pagkasabing ito ng nakababatang kapatid ni Mylene ay may natanggap na tawag si Sylvia. Mula ito sa paliparan kung saan nag-apply si Belle. Ngunit isang masamang balita ang inihatid nito. Hindi raw nakapasa ang dalaga at tapos na ang paghahanap nila ng mga flight attendant.
“Ito na ang huling pagkakataon ni Belle para maging isang flight attendant. Matalino naman ang anak ko ngunit bakit hindi siya natatanggap sa trabaho? Samantalang kayong mga walang pinag-aralan ay nagtagumpay! Hindi ako makakapayag!” sambit pa ng tiyahin.
“Kung ako sa inyo ay maging masaya na lang po kayo sa tagumpay na aming naaabot. Baka sakali po na dapuan din kayo ng pagpapala ng Diyos. Tandaan niyo po na itinataas ang mga nagpapakumbaba at ibinababa naman ang mga nagmamataas. Hanggang sa muli, Tiya Sylvia. Makakaalis na po kayo dahil marami pa po kaming kailangang gawin,” nakangiting sambit ni Mylene.
Sa huli ay matamis ang naging tagumpay ng magkapatid. Pinatunayan ni Mylene na kahit hindi siya nakatapos ng pag-aaral ay hindi ito naging hadlang upang makamit niya ang pag-asenso na kanilang minimithi.