
Nagtatampo ang Anak dahil Inako ng Inang OFW ang Pagpapaaral sa Pamangkin Nito; Hindi Niya Akalain na Ganito ang Nangyari
“O, anak, bakit ka biglang napatawag? May kailangan ka ba?” tanong ng OFW na si Mila sa kaniyang dalagang anak na si Ruth.
“Wala naman po, ’ma, nais ko lang po kayong kumustahin. Saka narinig ko kasi sa mga kapatid ninyo na pag-aaralin n’yo raw po ang anak ni Tita Hilda. ‘Nay, bakit n’yo naman po inako ang ganoong kalaking responsibilidad? Malalakas pa naman iyong mag-asawa. Saka ultimo baon ay sa inyo pa rin manggagaling. Wala naman pong masama sa pagtulong pero nag-aalala po ako dahil ang tagal n’yo na riyan sa Saudi ngunit wala pa rin po kayong naiipon. Saka hindi po ba’t nag-usap na tayo na isang taon na lang po kayo riyan at uuwi na kayo rito sa Pilipinas?” sambit naman ng dalaga.
“Anak, kawawa naman kasi ang pinsan mong si Carmela. Maswerte ka at narito ako sa ibang bansa at napag-aral kita. Mahina naman ang kita ng tito at tita mo sa pagtitinda ng isda. Humingi sila ng tulong sa akin. Hindi ko naman mahindian dahil naaawa talaga ako sa pinsan mo, anak. Parang anak na rin kasi ang turing ko kay Carmela,” sambit naman ng ina.
“Paano na po ang plano nating pagreretiro ninyo sa susunod na taon? Huwag nyong sabihin sa akin na purnada na naman. ‘Nay, ang tagal na po natin nitong pinag-usapan, ‘di ba?” giit pa ni Ruth.
“Anak, tandaan mo na mas higit na pinagpapala ang nagbibigay. Malakas pa naman ako at kaya ko pang magtrabaho. Isa pa, ano rin naman ang gagawin ko riyan sa Pilipinas pag-uwi ko? Dito na lang muna ako sa Saudi hanggang may lakas pa ako, makakatulong pa ako sa ibang nangangailangan,” saad pa ng ina.
“Ang akala ko po kasi ay nais n’yo na akong makasama, lalo pa ngayon at may trabaho na rin naman ako. Hindi n’yo na po kailangan pang magpagod. Sana po ay magkasama pa tayo hangga’t malakas kayo. Makabawi naman tayo sa oras na nawala sa atin noon,” pagtatampo pa ng dalaga.
Kahit anong kuminbinsi ni Ruth sa kaniyang ina na huwag nang magtrabaho at huwag nang sagutin ang pag-aaral ng pinsan ay buo na ang desisyon nito.
Hanggang isang araw ay nakita ng dalaga na nasa bingguhan ang kaniyang tiyahin.
“Tita, hindi na kayo nahiya sa nanay ko. Habang nagpapakapagod siya sa ibang bansa ay narito lang kayo at nagsusugal?!” kompronta ni Ruth.
“Bakit, Ruth? Dahil ba ang nanay mo ang nagpapaaral sa anak ko ay hindi na ako p’wedeng mag-aliw? Isa pa, bakit kung makaasta ka ay parang sa iyo nanggagaling ang perang pinapaaral sa anak ko? Napakayabang mong bata ka!” saad ng tiyahing si Hilda.
“Ang sa akin lang naman ay dapat kayo ang gumagawa ng paraan para makapag-aral ang anak ninyo. Bakit ang nanay ko ang kailangang magsakripisyo?” dagdag pa ng dalaga.
“Huwag mo akong iskandaluhin dito, Ruth. Ang nanay mo ang nagsabi na siya ang magpapaaral sa anak ko! Saka huwag kang magtaray kung gusto akong tulungan ni Ate Mila. Kapatid ako, anak ka lang! Umalis ka na nga rito at minamalas ako!” mariing sambit pa ng ginang.
Labis ang inis na nararamdaman ni Ruth. Simula noon ay lagi na niyang binabantayan ang kinikilos ng mga tinutulungan ng kaniyang ina. Kinausap niya rin ang kaniyang Nanay Mila tungkol sa nangyaring ito ngunit siya pa ang pinagalitan.
“Matanda pa rin ang Tiya Hilda mo sa iyo kaya hindi mo siya dapat hinihiya. Saka isa pa, anak, nais kong makatulong sa kanila. Huwag ka nang magalit at darating din ang panahon na magkakasama tayo,” wika ng ina.
“‘Nay, niloloko at ginagamit ka lang ng mga ‘yun. Umuwi ka na lang dito at magpahinga. Ako na ang bahala sa iyo. Hindi mo na kailangan pang magtrabaho!” pilit pa ni Ruth.
“Anak, manghihina ako kapag hindi ako nakapagtrabaho. Hayaan mo na ako at hindi rin magtatagal at makakatapos ang pinsan mo,” dagdag pa ni Mila.
Patuloy na naghanap ng dahilan si Ruth upang maniwala sa kaniya ang ina sa panggagamit na ginagawa ng mga kapatid nito. Sa tuwing nagsasabi naman ang dalaga ay hindi rin naman kumbinsido ang ina.
Hanggang sa nakita mismo ni Ruth ang pinsan si Carmela na nasa mall at may kasamang lalaki. Naka-uniporme ito ngunit halatang hindi pumasok sa klase.
“Hindi ba’t dapat ay nasa klase ka? Ano’ng ginagawa mo rito sa mall? Saka bakit may kasama kang lalaki, nobyo mo ba siya?” usisa ni Ruth sa pinsan.
“Wala kaming klase ngayon, Ate Ruth. Saka bakit ba ang dami mong tanong? Sisiraan mo na naman kami sa nanay mo. Hindi ka ba nagsasawa? Hindi naman naniniwala sa iyo ang nanay mo. Mas pinaniniwalaan niya kami kaysa sa iyo. Kaya kung ako sa iyo ay titigilan ko na ang pagsunud-sunod sa amin. Nagmumukha ka lalong tanga at kawawa!” saad pa ni Carmela.
Sa sobrang gigil ni Ruth ay nais na niyang saktan ang pinsan, ngunit kailangan niyang pigilan ang kaniyang sarili.
Muli niyang sinumbong sa kaniyang ina ang kaniyang nakita ngunit hindi na naman siya nito pinanigan.
“Anak, alam kong nagagalit ka sa kanila dahil nagtatampo ka sa akin. Huwag mo na silang siraan sa akin. Hindi maganda ‘yan, anak. Sinabi na sa akin ng Tiya Hilda mo na ginagawan mo raw sila ng kwento. Saka ipinangangalandakan mo raw na ako ang nagpapaaral sa pinsan mo. Huwag naman, anak. Kawawa na nga sila dahil sa pinagdadaaanan nila sa buhay tapos ay hihiyain mo pa!” wika ni Mila.
Sa puntong ito ay nagsawa na si Ruth sa pagdepensa sa kaniyang ina.
“Kayo na po ang bahala, ‘nay, kung kanino n’yo po gustong maniwala. Pinapaalala ko lang sa inyo na hindi n’yo po ako pinalaking sinungaling. Sabagay, hindi n’yo naman ako pinalaki dahil malayo kayo sa akin. Sino nga ba ako para magsalita sa inyo? Anak mo lang naman ako. Gawin n’yo na po ang nais n’yong gawin. Sana lang ay huwag n’yong pagsisihan ang lahat ng ito,” dagdag pa ng dalaga.
Mula noon ay hindi na nakialam pa si Ruth sa pagpapaaral ng kaniyang ina sa kaniyang pinsan. Madalang na rin siyang tumawag sa ina, at wala na siyang ganang kausapin pa ito.
Hanggang sa isang araw ay nabalitaan na lang ni Ruth na buntis daw itong si Carmela at matagal nang hindi pumapasok sa paaralan, ngunit alam niyang patuloy pa rin ang pagpapadala ng kaniyang ina ng pangmatrikula nito. Samakatuwid ay talagang niloloko na lang ng mga ito ang kaawa-awa niyang ina.
Dahil dito ay hindi na siya nakatiis pa. Naisipan niyang gumawa ng paraan upang ang ina mismo ang makakita sa kalagayan ni Carmela.
Pinalabas ni Ruth na may isang supresa silang inihanda para sa kaniyang ina, ngunit kunwari siyang nadulas.
“Huwag n’yo pong sabihin sa kanila na nasabi kong may inihahanda ang buong pamilya na surpresa sa inyo. Baka magalit na naman po sa akin sina Tiya Hilda. Ngayon lang po kami nagkaayos. Sabi ko nga po ay ako na ang sasagot ng tiket niyo sa eroplano nang sa gayon ay makauwi naman kayo,” wika ng dalaga.
Kaya naman inilihim ni Mila sa kaniyang mga kamag-anak ang kaniyang pag-uwi. Tanging si Ruth lamang ang nakakaalam na babalik ng Pilipinas ang ina.
Tuluyan ngang nakabalik ng Pilipinas itong si Mila. Inilapag lang ng ginang ang ibang gamit sa kaniyang bahay saka sila nagtungo sa bahay ng kapatid. Doon ay nakita niya si Carmela na malaki na ang tiyan at naroon lang sa bahay kasama ang kinakasama nito. Habang si Hilda naman ay naglalaro ng binggo at ang asawa nito ay nasa tong-its-an.
“Totoo nga ang sinasabi mo sa akin… Napakalaki kong tanga at naniwala ako sa panloloko ng mga ‘yan! Halos tinalikuran ko na makasama ka para lang matulungan sila tapos ay ganito pala ang ginagawa nila sa akin,” galit na sambit ni Mila.
“Simula ngayon ay wala na silang mapapala sa akin. Makikita nila ang galit ko dahil sa panlolokong ginawa nila!” dagdag pa ng ginang.
Nagpakita si Mila sa kaniyang kapatid at pamangkin. Gulat na gulat naman ang mga ito nang makita sa kanilang harapan ang ginang. Pilit silang nagpapaliwanag ngunit nakita nang lahat ni Mila ang dapat niyang makita.
“Mas pinanigan ko kayo kaysa sa anak ko sa pagnanais kong makatulong, ngunit niloloko n’yo lang pala ako! Wala kayong kasing sama! Diyos na ang bahala sa ginawa ninyong ito sa akin!” muling sambit ni Mila.
Humingi ng tawad si Mila sa kaniyang anak dahil sa kaniyang mga pagkukulang. Agad naman siyang pinatawad nito sapagkat ang tanging nais lang naman nito ay makasama ang ina.
“Itutuloy ko na ang plano natin, Ruth. Magpapaalam na ako sa amo ko. Hindi na ako babalik pa sa Saudi nang sa gayon ay magkasama na tayo. Maraming taon din ang kailangan kong bunuin. At tama ka, hanggang malakas ako ay kukunin ko na ang pagkakataong ito para makabawi naman sa iyo,” naluluhang pangako ng ina sa anak.
Simula noon ay natupad na ang pinaka hinihiling ni Ruth – ang makasama ang kaniyang ina.
Samantala, hindi naman naging madali ang naging buhay ni Hilda at ng kaniyang anak. Madalas pa rin silang humingi ng tulong sa ginang ngunit tinatanggihan na sila nito.
Wala mang ipon at naipundar dahil sa labis na pagtulong sa iba ay nariyan naman si Ruth upang siguraduhing may magandang hinaharap pa rin ang inang ubod nang bait at mapagbigay.