
Sobra ang Pag-iingat ng Ale na Ito Upang Hindi Mahawa sa Kumakalat na Sakit; Tuluyan Nga Kaya Siyang Makaiwas at Manatiling Malusog?
“Oh, sige. Ganito ha, kapag pupunta ka ng market, ayaw kong makikita ka o maaamoy man lang. Siguruhin mong maayos ang lahat. Naiintindihan mo ba?” sunod-sunod ang utos ng among si Perla. Lahat naman ng tugon ng kaniyang yaya ay walang iba kundi tango at opo.
“Siguraduhin mo, neng, ha? Dahil ako nga, hindi lumalabas, tapos ikaw itong hindi mag-iingat. Aba, hindi pupwede iyan!” huling bilin pa ni Perla at saka ibinaba ang telepono.
Animnapu’t pitong taong gulang na si Perla subalit wala itong anak at asawa. Aniya, hindi niya kailangan ng sariling anak at asawa upang maging masaya sa buhay. Hangga’t may pera at nakakapunta raw siya sa mga lugar na nais niyang puntahan ay wala siyang dapat na ikalungkot. Ang tanging kasama niya sa malaking bahay ay ang kaniyang dekada nang kasambahay na si Myrna.
Subalit nang magsimula ang pandemya at kumalat ang nakakahawang sakit, lubhang nag-alala ang matanda para sa kaniyang kalagayan. Hindi na siya muling lumabas pa ng bahay at nakihalubilo sa ibang mga tao. Kahon kahon din ang kaniyang mga biniling pagkain at mga panlinis upang masiguro na ligtas siya sa loob ng kaniyang bahay.
Lumipas ang mga buwan, ang tanging nagagawa na lamang ng matanda ay ang bumili nang bumili ng mga mamahaling mga gadgets tulad ng pinakabagong selpon, laptop pati na telebisyon. Ito ay upang maibsan ang pagkabagot niya sa loob ng bahay. Ngunit habang tumatagal, lalo namang nararamdaman ng matanda ang pagka-aburido.
Isang tanghali, nakakunot ang noo ni Perla dahil sa labis na pagkagutom. Agad siyang nagsuot ng face mask, face shield, plastik na gloves pati na plastik na kapote at nagtungo sa silid ni Myrna. Malakas niyang binuksan ang pinto at nakitang nakahiga ang kasambahay na mas lalo niyang ikinagalit.
“Hoy, Myrna! Ano ba naman ‘yan! Wala na ngang almusal, pati tanghalian ay wala pa rin. Ano’ng klase ‘yang katamaran mo?” galit na sambit ni Perla sa kasambahay. Nang mapansin na hindi man lang kumukurap ang kasambahay, nilapitan niya ito at hinampas nang malakas.
Nang humarap si Myrna sa kaniya, pawis na pawis ito at nanginginig ang buong katawan. Napasigaw nang malakas dahil sa gulat ang matanda at tumakbo palabas. Mabilis siyang nagtanggal ng kaniyang mga suot at itinapon ito sa basurahan. Naligo siya kaagad at nag-alcohol ng buong katawan.
Nang matapos ang paglilinis niya ng kaniyang katawan, agad niyang kinontak ang isang ospital upang magtungo sa kaniyang bahay at tingnan ang kasambahay. Isa pa ay tumawag siya sa isang naglilinis ng bahay upang mawala raw ang dumi at sakit na dala ng kaniyang kasambahay. Ang huli, kinontak niya ang kaniyang nakatatandang kapatid upang doon muna manatili hangga’t hindi pa natatapos ang paglilinis ng buong bahay niya.
Pagkalipas ng ilang buwan, tuluyan na ngang namaalam si Myrna sa kaniyang mga minamahal. Nadapuan siya ng sakit na labis na kinakatakutan naman ni Perla. Dahil hindi kaya ng matanda ang mag-isa sa bahay, nagpahanap siyang muli ng magiging kapalit ni Myrna. Doon niya nakilala ang dalaga pang si Angelika.
“Oh, neng, alam mo na ang gagawin mo ha? Ayaw ko sa lahat ‘yong babagal bagal at makupad kumilos. Siyempre ayusin mo ang trabaho mo dito. Huwag mo rin kakalimutan, mamamalengke ka kada dalawang linggo para doon ako sa kapatid ko. Alam mo naman, may sakit na kumakalat, hindi ba? Ayaw ko namang mahawa dahil senior na ako,” paliwanag pa ni Perla sa bagong kasambahay. Magalang naman itong sumagot sa kaniya at sumang-ayon sa lahat ng kaniyang mga nais.
Nagpatuloy pa ang mga araw at linggo na walang problema si Perla sa kaniyang bagong kasambahay. Malinis itong magtrabaho at maagap sa lahat ng mga gawain at mga bilin niya. Dahil dito, naging kampante si Perla na maging mapanuri sa kaniyang bagong kasambahay.
Isang hapon, muling dumating si Perla sa kaniyang bahay dahil tapos na ang dalawang linggo na lumabas ng bahay si Angelika. Dahil akala niya’y ligtas na siya, muli niyang nilibot at sinuri ang bahay kung maayos ito at napapanatili ang kalinisan. Nang makita niyang halos kumikintab ang mga pigurin, natuwa siya nang labis at inanyayahan na maghapunan kasama si Angelika.
Buong gabi, hindi napigil ni Perla ang magkwento sa kasambahay ng mga masasayang alaala niya. Kasabay pa nito ang mga litrato na kaniyang pinapakita kay Angelika. Sa kabila pala ng mga halakhak ng matanda ay ang nagbabadyang trahedya na paparating.
Pagkaraan ng dalawang linggo, muling bumalik si Perla sa kaniyang kapatid. Sa pag-aakalang ligtas siya at malinis, niyayakap pa niya ang mga pamangkin at kapatid. Subalit isang araw, uuwi na sana si Perla sa kaniyang bahay nang bigla na lamang siya nakaramdam ng panlalamig. Noong araw din na iyon, isa-isa silang nagkaroon ng sakit. Lahat sila ay isinugod sa ospital dahil hindi raw sila makahinga nang maayos.
Sa ospital, habang nakahiga sa kaniyang kama, naisip ni Perla na kung sana ay mayroon siyang anak, mayroon sanang mag-aalaga sa kaniya at mag-aalala. Puno ng pagsisisi si Perla dahil hindi niya nagawang magkaroon ng sariling pamilya at maiiwan lamang daw sa wala ang kaniyang mga yaman. Ilang sandali lamang at tumawag si Angelika.
“Maramdaman mo rin sana kung paano naghirap ang nanay ko dahil mas inuna mo pa ang sarili mo kaysa ipagamot si nanay!” galit ang tono ng kasambahay na labis namang ikinagulat ni Perla.
Sinadya pala ni Angelika na mahawaan ng sakit ang matanda bilang ganti dahil hindi nito inasikaso ang kaniyang ina na si Myrna kahit na matagal itong nanilbihan sa kaniya. Ngayong wala na siya kahit malusog na pangangatawan, walang nagawa si Perla kundi ang magsisi hanggang sa tuluyan na niyang hindi nakayanan ang pakikipaglaban sa nakuhang sakit.