
Sa Kabila ng Pagiging Numero Uno sa Kaniyang Eskwelahan Noon, Nalubog sa Utang ang Binata; Paano Kaya Niya Ito Aaminin sa Inang Umaasa?
“Kumain ka na ba, ‘nak?”
“Mayroon ka pa bang mga ulam sa ref mo?”
“Kailan ka ulit bibisita dito sa akin, ‘nak?
Ilan lamang ito sa mga tanong na araw-araw ay natatanggap ni Edwin mula sa kaniyang ina na nasa kanilang probinsya. Sa tuwing mababasa ito ni Edwin, lalo lamang siyang napanghihinaan ng loob upang sabihin ang totoong sitwasyon niya sa Maynila. Buong akala kasi ng kaniyang ina ay matagumpay na siyang negosyante sa siyudad. Ibinuhos ni Aling Sita ang kanilang napagbentahan ng lupain sa probinsya upang masuportahan ang nag-iisang anak na makapag-aral ng kolehiyo sa Maynila.
Dahil na rin sa katalinuhan ni Edwin, hindi naging mahirap para sa kaniya ang manguna sa lahat ng antas at klase na kaniyang pinasukan noong siya ay estudyante pa lamang sa kolehiyo. Bunga nito, labis siyang ipinagmamalaki ng kaniyang ina. Habang ang ama naman niya ay sumakabilang buhay na noong panahong naibenta na ang kanilang lupain.
Kaliwa’t kanan din kung ikwento siya ng kaniyang ina sa probinsya habang ito ay nagtitinda na lamang ng mga gulay sa palengke. Hindi kasi niya maiwasang banggitin ang anak lalo pa nga’t ang akala nito ay matagumpay na ito sa siyudad at nagpapayaman na. Hindi na makapaghintay pa si Aling Sita na muling makapiling ang anak at ipagluto man lang ito ng kaniyang mga paboritong ulam.
Isang tanghali, narinig ni Edwin ang malalakas na tahol ng mga aso at mga nagkakagulong tao. Nang kaniyang sipatin sa may bintana, nakita niya ang mobil ng mga pulis. Nataranta ang binata at hinakot ang kaniyang mga damit sabay patagong umalis sa kaniyang tinutuluyang kwarto na nirentahan lamang.
Ilang sandali pa, nang makasiguro na siya ay malayo na sa mga pulis. Sandaling nagpahinga si Edwin sa may kanto habang naghihintay ng pampasaherong bus. Bigla na lamang tumunog ang kaniyang selpon at nakitang tumatawag ang ina.
“Hello, ‘nay?” mabilis niyang tugon.
“Ay, naku! Anak, bakit naman hindi ka sumasagot? Sobra ka bang abala at hindi mo man lang makausap ang ina mo?” mahinahong tanong kaagad ni Aling Sita sa anak. Sasagot na sana si Edwin nang makita ang isang mamang pulis na nakatingin sa kinaroroonan niya. Agad niyang binaba ang selpon at sumakay sa dumaang bus.
Muling nakahinga nang maluwag si Edwin dahil nakatakas siyang muli. Nalubog kasi sa utang ang binata matapos nitong malulong sa sugal. Marami na ring mga mayayamang tao ang naghahanap sa kaniya dahil may atraso siya sa mga iyon na ukol din sa pera. Halos hindi na makatulog nang ayos ang binata sa tuwing maiisip kung gaano kalaking pera ang kailangan para lamang makabayad.
Pagkalipas ng ilang minuto, doon lamang napansin ni Edwin na ang sinasakyang bus pala ay sasakyan ng mga turista. Marami roon ang mga banyaga na nais lamang bumisita sa siyudad. Maya maya pa ay may sumakay na isang lalaki na naka-sumbrero’t nakasuot ng itim na kamiseta na katulad sa kaniya. Muling nagpahinga si Edwin hanggang siya ay makatulog dahil na rin sa pagod.
Nang makalagpas na sila sa siyudad, doon lamang nagising si Edwin. Pinilit niyang makiusap sa pahinante ng bus upang bumaba na rin kaagad subalit hindi maaari dahil nasa kalagitnaan sila ng malawak na daanan ng mga sasakyan. Ilang sandali pa, bigla na lamang dumilim at nawalan ng ilaw. Nagulat ang lahat at nagsisisigaw ang mga banyaga.
Nang bumukas ang ilaw, tumayo ang pahinante at ang lalaki na pinakahuling sumakay. May hawak ang mga iyon ng baril at matalim na bagay. Sumigaw ang mga iyon na siyang ikinagulat ng lahat.
“Walang kikilos nang hindi namin sinasabi!” wika ng pahinante ng bus.
Ilang sandali pa, inutusan sila na ilabas ang kanilang mga selpon, mga pera at mga alahas. Habang ang lahat ay abala sa paglalabas ng kanilang mga ari-arian, isang daang papel lamang ang mayroon si Edwin at selpon na sira sira. Nang mapansin naman ito ng lalaking kr*minal, hinablot niya sa damit si Edwin at dinala sa may harapan.
“Ganito ang mangyayari sa inyo kapag hindi kayo sumunod sa amin na lahat ay ilalabas ninyo!” sigaw nito habang nakatutok sa ulo ni Edwin ang baril nito. Ilang sandali pa ay maririnig ang limang malalakas na putok habang ang bus ay tumigil sa kalagitnaan ng daan. Kasunod ng mga putok ay ang malalakas na sigaw mula sa pagkagulat at takot ng mga pasaherong banyaga.
Katahimikan ang bumalot matapos marinig ang mga putok mula sa bus. Hindi rin nagtagal ay dumating na ang mga pulis. Nang pumasok ang mga pulis sa loob ng bus, nakatali ang drayber ng bus habang ang dalawa naman ay binawian na ng buhay. Lumaban si Edwin sa dalawang lalaki at napagtagumpayan niyang masagip ang mga pasahero.
Matapos ang insidente, nakilala ng kapulisan si Edwin na agad namang dinakip. Subalit dahil sa hiling ng mga banyaga na mayayaman pala ay pinakawalan din kaagad ang binata. Nakatanggap ang binata ng napakalaking halaga bilang pabuya, higit pa sa kung magkano ang lahat ng kaniyang pagkakautang. Kasabay pa nito ay ang malaking oportunidad na binigay sa kaniya na magtrabaho sa Amerika.
Kumalat ang balita sa siyudad, habang si Aling Sita naman ay walang kaalam-alam sa nangyari dahil siya ay nasa probinsya. Muling umuwi si Edwin bitbit ang pera niya sa kaniyang bangko pati na ang malinis na pangalan.
Nang makita ang mukha ng matandang ina, hindi napigilan ni Edwin ang maluha at yumakap nang mahigpit sa ina. Doon mismo, ikinuwento ni Edwin ang malagim na pangyayari sa kaniya pati na ang naging daan upang malinis ang kaniyang pangalan.
Ngayon, handa na muling umangat si Edwin at sa pagkakataong ito, ipinangako niya sa sarili at sa ina na hindi na siya muling malululong sa kahit na anong temptasyon. Hinding hindi niya sasayangin ang pangalawang pagkakataong ipinagkaloob sa kaniya.

Lima ang Anak ng Ginang at Lahat ay Panganay Kaya Hindi na Nakapagtataka na Maging Suki Siya ng mga Tsismosa; Isang Magandang Payo ang Ibabahagi Niya sa Kapwa
