
Lima ang Anak ng Ginang at Lahat ay Panganay Kaya Hindi na Nakapagtataka na Maging Suki Siya ng mga Tsismosa; Isang Magandang Payo ang Ibabahagi Niya sa Kapwa
“Alam mo, Freda, si Mareng Josefa at ang asawa niya ngayon ay naghiwalay na naman daw!” ani Mareng Berta, isa sa ninang ng kaniyang mga anak.
May binili kasi siya sa tindahan nito kaya heto at may nasagap na naman siyang tsismis tungkol naman sa isa pa nilang kumare na si Josefa.
“Bakit daw? Ano’ng nangyari?” usisa niya.
“Hindi ko alam, narinig ko lang din sa iilang tsismosa nating kapitbahay ang nangyari sa kaniya. Hindi pa naman ako nakakapunta sa kaniya dahil abala nga rin ako sa tindahan. Sabi lang sa’kin kanina ay may ibang babae raw ang asawa ni Mareng Josefa, at mukhang ngayon ay naroon na ito sa bagong babae nito. Kawawa naman si Mareng Josefa, pangalawang asawa na niya iyan at may anak na naman siya d’yan na iiwan ulit sa kaniya. Hindi pa rin talaga siya sini-swerte,” anito. Halata sa boses ang labis na pagkaawa sa kumareng ngayon ay alam nilang labis na nasasaktan sa pag-ibig.
Nagkibit-balikat na lamang si Freda. “May mga ganoon rin talagang babae, mars. Tingnan mo naman ako,” aniya sabay turo sa sarili. “Lima na ang anak ko at lahat iyan ay puro panganay. Ganoon talaga, may mga taong hindi masyadong swerte sa pag-ibig pero bawi-bawi na rin naman sa anak, at saka kahit ganoon ay kailangan pa rin ni Josefa na lumaban, dahil may dalawa siyang anak na umaasa sa kaniya.” Komento niya.
Iyon ang totoo… lima ang anak niya at lahat iyon ay puro panganay. Grabe kasi siyang magmahal, bigay todo at halos walang itinitira para sa sarili. Tapos sa bandang huli ay siya rin naman ang maiiwan sa ere na luhaan. Pero kahit ganoon ay hindi siya kailanman nagtanim ng sama ng loob sa mga lalaking kaniyang inibig noon at siyang mga ama ng kaniyang mga anak.
Ang katwiran niya kasi ay bakit siya magtatanim ng galit sa taong minsang naging parte ng buhay niya? Nagmahalan naman sila noon kaya nga sila nagkaanak. Sadyang may mga pagkakataon nga lang talagang hindi ang mga ito ang itinadhana para sa kaniya.
“Kaya nga rin ako bilib sa’yo, mare, kasi ang lakas mo rin talaga. Alam kong hindi madali ang pinagdaanan mo, pero nagawa mong palakihin ang mga anak mo kahit ikaw lang mag-isa,” ani Mareng Berta.
“Ganoon siguro talaga ang isang ina, mare,” aniya.
Marami siyang mali na nagawa. Ilang beses na nadapa, pero patuloy at pauli-ulit na bumabangon, para sa kaniyang mga anak. Wala naman siyang ibang ginusto kung ‘di ang mahanap ang lalaking para talaga sa kaniya. Ang kaso nga lang ay palagi siyang pumapalpak, kaya ayan tuloy… naka-lima siya.
“Kahit pinagtatawanan at punong-puno ako ng panghuhusga ay binalewala ko iyon lahat, mare. Parte iyon ng buhay ko – ang madapa at bumangon, basta ang mahalaga, bumabangon ako kahit ilang beses man akong madapa at mabigo sa buhay pag-ibig. Patuloy lang naman ang buhay e. Madadapa, babangon, tatayo at madadapa ulit. Basta ang mahalaga, bumabangon tayo at patuloy na lumalaban. Iyon ang sabihin mo kay Mareng Josefa, kapag nagkita kayo,” bilin niya sa kumare.
“Sabihin mo sa kaniya na kahit ano man ang mangyari sa buhay pag-ibig niya, huwag siyang panghihinaan ng loob. May dalawang anak siyang mas nangangailangan sa kaniya. Marami pang lalaki ‘kamo, kaya laban lang at huwag madadalang umibig. Ano’ng pakialam ng iba, sila ba ang nasasaktan?” dugtong ni Freda.
Matamis na ngumiti si Berta saka marahang tumango. “Tama ka d’yan, mare. Hayaan mo, pupuntahan ko siya mamaya at ipaparating ko ang mga sinabi mo. Hindi lang si Josefa ang nabigyan mo ng payo, pati ako ay may natutuhan sa sinabi mo. Tama ka, kahit ilang beses tayong madapa, wala namang halaga iyon, dahil ang mas mahalaga ay kung paano tayong bumnagon at muling lumaban sa buhay,” ani Berta.
Matamis na ngumiti si Freda. “Tama ka d’yan mare,” sang-ayon niya. “Hayaan na lamang niya kako ang mga tsismis na maririnig niya, normal iyon huwag na lamang niyang dibdibin. May mga tao talagang ang hilig magbigay opinyon sa buhay ng iba pero hindi nakikita ang sariling buhay nila. Tandaan niya na hindi kailanman pwedeng maapektuhan ang kinabukasan nilang pamilya sa nangyari sa nakaraan niya. Tingnan na lang niya kako ako, habang dumadami ang anak ko sa iba’t-ibang lalaki ay mas lalo akong tumatapang,” aniya saka nginitian si Berta.
“Tama ka d’yan, mare. Sana mapuntahan mo rin minsan si Mareng Josefa, para magkausap kayong dalawa. Alam kong kailangan niya ngayon ang mga salitang iyan,” ani Berta.
Tumango si Freda. “Kapag day-off ko sa trabaho ay dadaanan ko siya,” aniya. “Sige na mare at kailangan ko pang maligo,” paalam niya rito saka nagmadali ng naglakad pabalik sa bahay niya.
May trabaho pa siya at kailangan niyang kumayod para sa kaniyang limang anak na hindi naman naging pabigat sa kaniya at naiintindihan ang kaniyang sitwasyon.
Walang babae ang may gustong paiba-iba ang lalaki at puro panganay ang magiging anak. Kung pu-pwede nga lang sana ay kung sino ang nauna ay siya na ring huli. Pero hindi pwedeng ipilit ang mga bagay na hindi talaga pwede at siyang itinadhana. Itinadhana sa kaniyang maging isang ulirang ina ng limang anak na galing sa iba’t-ibang lalaki at tanggap niya iyon.
Iba’t-iba man ang tatay ng kaniyang mga anak, ang mahalaga ay siya ang ina nila at kahit na naging masalimuot ang buhay pag-ibig niya’y hindi niya kailanman pinabayaan ang mga ito – at masaya na siya roon.