
Limang Buwan Siyang Buntis nang Biglang Nagbago ang Pakikitungo ng Kaniyang Mister; Tuluyan na nga bang Kumupas ang Pag-Ibig Nito sa Kaniya?
“Si Adrian, mama, bumisita ba siya rito habang natutulog ako?” tanong niya sa ina.
Kababalik lamang ng kaniyang ulirat. Matapos niyang umire nang sobra-sobra ay nawalan siya ng malay kaya hindi na niya alam kung ano ang mga nangyari. Hiniling niya na sana sa muling pagmulat ng kaniyang mga mata ay mukha na ng kaniyang asawa ang masilayan niya. Ngunit labis ang kaniyang pagkadismaya nang hindi ito ang kaniyang nagisnan kung ‘di ang kaniyang ina.
“Dumaan siya rito kanina, anak, tapos umalis din agad kasi kailangan pa raw niyang pumasok sa trabaho,” anang ina.
Mas lalo lamang siyang nadismaya sa narinig. Kahapon ay ramdam na niyang manganganak na siya dahil sa kakaibang hilab ng kaniyang tiyan. Sinabihan niya ito at nakiusap na huwag na munang pumasok sa trabaho dahil baka kakailanganin niya ang tulong nito, ngunit tila wala itong narinig at mas pinili pa ring pumasok sa trabaho.
Nariyan naman daw ang kaniyang mga magulang at ang mga magulang nito. Isang tawag lang sa mga ito’y naroroon na ang mga ito at handang tulungan siya. Na para bang mas may obligasyon ang mga magulang nila pareho kaysa ritong kaniyang asawa.
“Nandito na ang anak mo, Leslie,” anang kaniyang ina at ipinasa sa kaniya ang bagong silang na sanggol.
Agad siyang napangiti nang makita ang kaniyang anak, at tuluyang nakalimutan ang nagtatampong pakiramdam para sa asawang mula noong nagbuntis siya’y doon niya napansin ang paglayo ng loob nito. Kay lapit lamang nito, ngunit pakiramdam niya’y hindi niya ito kayang abutin.Makalipas ang limang araw ay pinayagan na si Leslie na umuwi ng mga doktor. Nahihirapan man siyang gumalaw ay medyo nakakayanan na niya. Ayaw man sanang pumaliban ng kaniyang asawang si Adrian sa trabaho ay wala itong nagawa kung ‘di huwag na munang pumasok upang samahan siya sa pag-uwi.
“May problema ka ba, Adrian?” tanong ni Leslie sa asawa.
Gusto niyang malaman kung ano ba talaga ang dahilan ng panlalamig nito. Hindi naman ito ganoon dati, napansin lamang niya ang pagdistansya nito noong limang buwan na siyang buntis.
“May problema ba?” p*t*y-malisya nitong balik tanong.
“Ikaw! Ikaw ang may problema, Adrian! Noon ko pa napapansin ang paglayo mo sa’kin. Bakit? Ano’ng nangyari? May iba ka na bang babae? Hindi mo lang ako magawang iwanan kasi naaawa ka sa’kin! Ganoon ba?” dere-deretso niyang wika.
Hindi na niya kayang itago ang nararamdaman. Ilang buwan rin niyang tiniis ang sariling damdamin dahil buntis siya noon at ayaw niyang maapektuhan ang bata na nasa kaniyang sinapupunan. Pero ngayong nakalabas na ito’y wala nang dahilan upang hindi niya ilabas ang sama ng kaniyang saloobin.
“Walang problema, Leslie, ikaw lang ang nag-iisip na mayroon. At wala rin akong ibang babae,” anito.
Kaysa patulan siya’y pinili ni Adrian na puntahan ang anak at doon magpalipas ng oras at gabi. Hindi man sabihin ng asawa ay ramdam niyang mayroong problema sa pagitan nila.
Iyon na ang huli nilang pag-uusap. Hindi na rin sinubukan pang muli ni Leslie na komprontahin ang asawang si Adrian. Sinasabi lang kasi nito palagi na walang problema at maayos naman sila, pero hindi naman iyon ang nararamdaman at nakikita niya.
Hindi siya pinapansin ni Adrian, papansinin lamang siya nito kung may kailangan itong itanong na mahalaga sa kaniya at kapag may mga bagay itong nais malaman na gagawin sa anak nila, sa anak na lang, wala na sa kaniya.
“Bakit ka nakikipaghiwalay sa’kin?” tanong ni Adrian, matapos niyang makiusap na maghiwalay na lamang silang dalawa.
“Iyon na lang kasi ang alam kong paraan upang maging maayos tayong dalawa,” aniya. “Matagal nang may problema sa pagitan nating dalawa, Adrian, alam kong alam mo iyon. Hindi ko alam kung saan nagsimula, pero hindi na kita kayang abutin simula noong inilayo mo ang sarili mo sa’kin. Kaysa mas magkasakitan pa tayong dalawa, ‘di ba’t mas maiging tapusin na lang natin ang kung anong mayroon tayo,” dugtong niya.
Hindi sumagot si Adrian, nanatili lamang itong nakatitig sa asawa, tila nag-iisip nang malalim. Maya maya ay nagsalita ito at nais niyang humagulhol nang iyak sa inamin ni Adrian.
“Patawarin mo ako, Leslie, hindi ko rin alam kung kailan nangyari, pero bigla na lang akong nagising isang araw na hindi na kita mahal. Wala akong iba, mahal ko kayo ng anak ko, pero naguguluhan ako sa sarili ko. Ayokong mawala kayo pareho sa’kin, pero hindi ko na maramdamang mahal pa rin kita,” pag-amin nito.
Humakbang si Leslie upang yakapin si Adrian. Mahal niya ang asawa pero nahihirapan na siyang ipaglaban ang pag-ibig para rito. Masakit ang desisyong ito, pero alam niyang sa una lang naman masakit ang lahat. Masasanay rin siya… masasanay siyang wala na ito.
Mas maigi na rin ang desisyon nilang maghiwalay bilang mag-asawa at manatiling magulang sa anak nila. Nangako si Leslie kay Adrian na hindi niya ilalayo ang anak nila sa asawa. Naghiwalay man sila bilang mag-asawa, magkakaisa sila bilang mga magulang ng nag-iisa nilang anak.
Anim na buwan na ang nakakalipas mula noong nagdesisyon sina Leslie at Adrian na maghiwalay. Nagkikita pa rin sila at nanatiling magkaibigan kahit na naghiwalay na sila bilang mag-asawa. Nakakatingin na siya sa mukha ni Adrian na nakangiti at walang pagtatanong kung ano ang nangyari sa relasyon nila. Kagaya niya’y wala naman itong ibang nakarelasyon, pareho silang nilalasap ang pakiramdam na walang asawa.
Para sa anak nila ay gagawin nila ang lahat upang mas maging mabuti kahit hindi naging maganda at masaya ang katapusan ng relasyon nila.

Hindi na Sila Nagkasundo ng Kapatid Mula Noon Hanggang Ngayong Malalaki na Sila; Bakit Naiiyak Siya sa Ibinato Nitong Bag?
