
Hindi na Sila Nagkasundo ng Kapatid Mula Noon Hanggang Ngayong Malalaki na Sila; Bakit Naiiyak Siya sa Ibinato Nitong Bag?
“Mag-iingat ka doon ah,” mangiyak-ngiyak na bilin ni Sonya sa dalagang anak na si Tasha.
“Opo, ma, pa, mag-iingat ako roon. Pang-isang daang beses niyo nang ipinaalala iyan sa’kin,” kunwa’y reklamo ni Tasha sa ina.
Bitbit nito ang kaniyang maletang dadalhin ay mas lalo itong humagulgol ng iyak sa kaniyang sinabi. Ano ba ang nasabi niyang mali? Gusto lang naman niyang patawanin ito.
“Dalaga ka na pero para sa’kin, baby ka pa rin,” anang ina.
Hindi naiwasan ni Tasha ang mapangiti. Kinailangan niya munang humiwalay sa pamilya dahil sa pagkakadestino niya sa ibang branch ng kanilang kumpanya, sa Cebu City. May mga kinakailangan siyang asikasuhin na importanteng bagay doon kaya pansamantala ay doon na muna siya titira at iiwanan ang pamilya rito sa Maynila.
Naiintindihan niya ang kaniyang ina kung bakit labis itong nalulungkot. Dalawa lamang silang magkapatid nang kaniyang Kuya Alvin at siya ang bunso. Kung maaari nga lang ay ayaw nitong mahiwalay sila ng kaniyang kapatid sa mga magulang, kahit hanggang sa makapag-asawa sila. Ang dahilan nito ay malaki naman ang bahay nila at paniguradong magkakasya silang lahat doon kahit madagdagan pa ang pamilya nila.
“Nand’yan na ang lahat ng kailangan mo. Basta ah, anak, huwag mong pababayaan ang sarili mo doon. Malayo kami ng papa mo para mapuntahan ka namin kaagad sa Cebu, ingatan mo ang sarili mo ah,” anito, saka niyakap siya nang mahigpit.
“Opo, ma,” humihibi niyang sambit.
Tiningnan niya ang kaniyang ama na mangiyak-ngiyak ding nakatingin sa kanilang mag-ina. Hinawakan niya ito sa braso upang pasalihin sa ma-emosyong yakapan nila ng ina. Iiyak na sana siya nang marinig ang nang-uuyam na boses ng kaniyang Kuya Alvin.
“Asus! ‘Yan na naman kayo sa ka-dramahan niyo,” ani Alvin, ang kaniyang panganay na kapatid.
Bumaba ito ng hagdanan at pinaghiwalay silang tatlo saka malakas na tumawa na para bang isang malaking biro para dito ang pag-iyak ng kaniyang mga magulang. Bakit ba ito pa ang naging kapatid niya? Wala naman itong ibang ginawa kung ‘di asarin sila.
Matalim ang tinging ipinukol niya sa kapatid. Kahit kailan talaga ay epal ito sa buhay niya. Mula pa noong mga bata pa sila’y hindi na sila nagkasundong dalawa, para silang mga aso’t pusa kung magbangayan. Umiiyak ang araw kapag hindi sila nagsuntukan at nagkakasakitan.
“Sumakay ka na sa kotse, Tasha, at aalis na tayo. Maiiwan ka pa niyan sa eroplano, sa iyakan niyong tatlo,” anito saka dere-deretsong pumasok sa loob ng kotse.
Naiinis man sa kapatid ay humarap siya sa maniyakngiyak niyang magulang nang nakangiti. Bago tuluyang pumasok sa loob ng kotse ay niyakap niya muna ang dalawa at muling nagpaalam.
Habang nasa biyahe ay walang sinuman sa kanila ng kapatid ang may balak na basagin ang katahimikan. Hindi niya napansin kung ilang oras din silang nagbiyahe at ngayon ay nasa airport na sila at ibinababa na niya ang kaniyang maleta. Kahit papaano ay tinulungan naman siya ng kaniyang kapatid.
“Oh!” anito sabay tapon sa kaniya ng maliit na bag.
Naiinis na tiningnan niya ito dahil masakit rin ang pagkakatama ng bag sa mukha niya. Pwede naman kasing iabot nito iyon nang maayos, bakit kailangan pang itapon sa mukha niya! Salubong ang kilay na binuksan niya ito at tiningnan kung ano ang mayroon sa loob.
“Ano ‘to?” aniya. Halos mapasinghap nang malakas nang makita kung ano ang laman ng maliit na bag. “Bakit ang daming pera?” bulalas niya.
“Baunin mo iyan, baka mahirapan kang mag-adjust sa Cebu, mas maiging may baon ka niyan.” Sagot nito.
“May pera naman ako, kaya huwag na. Inipon mo ito kaya ikaw ang dapat na makinabang,” aniya saka ipinasa pabalik ang bag.
“Para nga ‘yan sa’yo!” inis na wika nito. “Inipon ko ‘yan para sana sa kasal mo, pero mukhang malayo pang mangyari iyon, kaya gamitin mo na iyan.”
“Ayoko nga!” patuloy niyang tanggi.
“Tasha!” matigas na sambit nito sa pangalan niya. “Hindi mo pa alam ang buhay sa Cebu, ito ang unang beses na mahihiwalay ka sa’min at alam kong may sapat na pera kang dala, pero mas maigi na rin iyong may sobra para mas siguradong hindi ka mahihirapan doon,” paliwanag nito.
Nakikita niya sa mga mata ng kapatid ang labis na pag-aalala nito sa kaniya. Kahit kontrabida ito sa buhay niya ay mahal na mahal siya nito.
“Malayo kami sa’yo at ikaw lang mag-isa sa estrangherong lugar na iyon. Kapag nahirapan ka doon ay gamitin mo ang perang iyan pabalik dito sa Maynila, o kung kahit anong gusto mong gawin. Basta tanggapin mo iyan at dalhin, malaki ang maitutulong niyan sa’yo,” patuloy pa nito.
Gusto niyang kontrahin ang kapatid at muling ibato ang pera rito, ngunit hindi niya magawa. Gusto niyang maiyak sa saya dahil sa nakikitang pagmamahal nito sa kaniya. Ilang beses niyang tinanong sa sarili noon kung kapatid nga ba niyya talaga ito o ampon lamang siya. Pero ngayong nakikita niya ang pag-aalala at pagmamahal nito sa kaniya’y saka niya nasabi na magkapatid nga pala talaga silang dalawa.
Ilang beses man silang magsuntukan, magbatuhan ng kung ano-anong gamit at magbangayan ay hindi mababago ang katotohanang iisa lamang ang dugong nananalaytay sa mga kaugat-ugatan nila. Humakbang si Tasha palapit sa pwesto ni Alvin at niyakap ito nang mahigpit.
“Salamat, kuya,” aniya habang yakap-yakap ito.
Gusto niyang humagulhol ng iyak, ngayon pa lang ay nararamdaman niyang mamimiss niya ito, lalong-lalo na ang bangayan at suntukan nilang dalawa.
“Mag-iingat ka doon, bunso. Pag-uwi mo, magsusuntukan pa tayo,” nakangiting wika ni Alvin.
Sinuntok naman niya ito ng mahina. “Oo ba!” aniya.
Saka malakas silang nagtawanan na dalawa. Inakbayan siya nito at inihatid sa may pasukan patungo sa loob ng airport. Yakap-yakap ang ibinigay nitong pera ay kinawayan niya ang kapatid bago tuluyang pumasok sa loob. Matagal pa ang balik niya, at ngayon pa lang ay miss na niya ang kaniyang pamilya, lalo na ang mortal niyang kaaway ang kaniyang kuya.
Maraming magkapatid ang hindi nagkakasundo. Madalas ay napapatanong tayo sa sarili natin kung bakit sila pa ang ibinigay ng Diyos sa atin, lalo na kung hindi natin makayanan ang ugali ng isa’t-isa. Lagi lamang pakatatandaan na walang kapatid ang hindi mahal ang kaniyang kapatid. Hindi lang siguro nila kayang sabihin o iparamdam iyon sa iyo nang personal, pero mahalaga ka para sa kapatid mo.

Kahit na Niloloko na ng Mister, Hinahayaan Lamang Ito ng Misis Para sa Kanilang mga Anak at Manatiling Buo ang Pamilya; Magbabago Pa Kaya Ito?
