
Kahit na Niloloko na ng Mister, Hinahayaan Lamang Ito ng Misis Para sa Kanilang mga Anak at Manatiling Buo ang Pamilya; Magbabago Pa Kaya Ito?
“Napakawalanghiya mo talaga, Roger! Kailan ka ba magbabago? Ang lalaki na ng mga anak natin, hanggang ngayon ay nambababae ka pa rin?”
Umiiyak si Ludy at halos lumuhod naman sa pagmamakaawa sa kaniya ang mister na si Roger, na nahuli niyang may nagpadala ng ‘I Love You’ sa text message.
“Ano ka ba naman Ludy, nakita mo bang nag-reply ako doon sa nagpadala ng I Love You? Hindi ba, hindi ko naman tinugunan? Kasi hindi ko siya kilala. Malay mo naman, nagkamali lamang ng napadalhan. Huwag mo naman akong husgahan,” paliwanag ni Roger.
Nasa kanilang kuwarto ang kanilang tatlong anak na tinedyer na sina Abel, Lucas, at ang bunsong anak na babae na si Trisha. Nakikinig lamang sila sa away ng kanilang mga magulang. Sanay na sila—at ang laging pinag-aawayan ng mga ito ay tungkol sa pagiging babaero ng kanilang ama, na nakalakhan na nilang isyu.
Masyado rin namang selosa ang kanilang ina.
Pero may batayan naman talaga ang pagseselos nito. Ilang beses na nitong nahuling may ibang babae ang mister. Masisisi mo ba siya?
“Roger, hindi mo ako madidiktahan sa kung anuman ang maramdaman ko. Babae ako. Saka, hindi ito ang unang beses na nagloko ka. Pakiusap ko lang sa iyo, tigilan mo na ito dahil matanda ka na, hindi ka na bumabata. Mahiya ka naman sa mga anak natin. Malalaki at may mga isip na sila. Maging mabuting ehemplo ka naman sa kanila!”
“Ang hirap sa iyo, lagi ka na lamang naghihinala eh. Lagi ka na lang nagseselos. Maniwala ka naman na kaya kong magbago. Sige, sabihin na natin na naging malikot ako noon, na nahilig ako sa pagtingin sa iba, pero tingnan mo naman—nandito pa rin ako, ‘di ba? Hindi ko kayo iniwan. Hindi ako sumama sa iba. Mas pinili kita dahil mahal kita,” at nilapitan ni Roger ang misis at niyakap ito.
Kapag ganyan na, tumitiklop na si Ludy. Mahal na mahal niya kasi si Roger. Tama naman ito. Ilang beses na niya itong ipinag-alsa balutan. May mga pagkakataon pang siya pa ang naglagay ng mga damit at gamit nito sa maleta upang kukunin na lamang sa paglayas. Subalit hindi pa rin umalis ang mister, bagkus ay nanatili sa kaniyang tabi. Sa kanilang tabi.
Halos makumpleto na ni Roger ang mga letra sa alpabeto sa mga naging ‘chicks’ nito noong mga panahong kakakasal lamang nila, nagbuntis siya sa mga anak nito, hanggang sa lumalaki na ang mga anak nila.
Tandang-tanda niya ang mga pangalan nila: sina Alma, Brenda, Cherie Ann, Digna, Erizza, Frealyn, Gigi, Helen, Ivana, Jaclyn, Kerry Lee, Luisana, Margaux, Nerissa, Opaline, Petra, Queenie, Rosanna, Sheryl, Thalia, Ursula, Vanessa, Winnaflor, Xyra, Yayo, at Zefanie.
“Abel, Lucas, makikinig kayo sa akin ha? Huwag na huwag ninyong gagayahin ang tatay ninyo. Kapag dumating na sa punto na may mga asawa na kayo, huwag na huwag ninyo silang lolokohin. Maging tapat kayo sa kanila,” laging paalala ni Ludy sa kaniyang mga anak na lalaki.
Ipinangako ng kaniyang mga anak na hindi sila gagaya kay Roger.
“Nanay, bakit sa kabila po ng mga panloloko sa inyo ni Tatay, nanatili pa rin po kayo sa kaniya? Bakit hindi mo po siya hiniwalayan?” tanong naman sa kaniya ni Trisha.
“Mahal ko ang tatay ninyo, at ayokong masira ang pamilyang ito. Gusto ko, tayo-tayo pa rin ang magkakasama. Saka, may karapatan naman ako dahil kasal kami. Asawa ko pa rin siya, kahit na ano’ng mangyari.”
“Kahit na nababastos na po kayo?”
“Oo, anak. Tatandaan mo lagi. Bilang ilaw ng tahanan, kailangan mong maging malakas para sa mga magiging anak mo, kahit na niloloko ka pa ng asawa mo. Kailangang maging matiisin ka.”
Makalipas ang ilang taon, nagkaroon na rin ng sariling pamilya sina Abel at Lucas. Naging tapat at mapagmahal naman sila sa kani-kanilang mga misis dahil ayaw nilang tularan ang ginawa ng ama sa kanilang ina.
Si Trisha naman ay nakararanas ng panloloko mula sa kaniyang mister. Isang gabi, umiiyak itong umuwi sa kanilang bahay. Agad siyang niyakap ng kaniyang ina.
“Ayoko na, Nay. Hindi ko hahayaang lokohin ako ni Edwin.”
“Anak, hindi na ba talaga maaayos ang gusot? Likas naman talaga sa mga lalaki ang pagiging babaero, hayaan mo na lang. Ang mahalaga, ikaw ang legal na asawa. Mas matimbang iyon. Huwag mong hayaang mapunta sa kabit o sa ibang babae niya ang mga pinaghirapan ninyo,” payo ni Ludy. “Tingnan mo ako… ganoon ang ginawa ko sa tatay ninyo.”
“Nay, pasensya ka na, pero hindi ko kayang gawin ang sinasabi ninyo. Hindi ko po kayo kayang tularan. Kung naaatim po ninyo na niloloko kayo ni Tatay noon at nagkikibit-balikat lamang kayo, ako po, hindi ko kayang gawin. Hindi niya ako puwedeng api-apihin, tapak-tapakan, at babuyin ang pagkababae ko. Kaya ko ang sarili ko ‘Nay kahit na wala siya sa buhay ko.”
Natahimik si Ludy sa mga pahayag ng kaniyang anak. Napagtanto niyang mas matapang ito kaysa sa kaniya.
Pinayagan nina Ludy at Roger na manuluyan na sa kanila si Trisha at tuluyang iwanan ang mister nitong nanloko sa kaniya.
Sising-sisi si Roger. Parang sinusundot ng mga kutsilyo ang puso niya. Nadudurog ang kaniyang kalooban kapag nakikita niya ang anak na lihim na umiiyak.
“L-Ludy, patawarin mo ako sa mga nagawa kong kasalanan sa iyo noon. Naging marupok ako. Hindi ko alam na si Trisha ang magbabayad sa mga kasalanang nagawa ko noon. Napakasakit pala talagang makita mo ang anak mong nagdurusa sa isang kasalanan na ikaw rin mismo ang gumawa. Patawarin mo ako at salamat dahil nanatili ka sa piling ko sa kabila ng lahat…”
“Mahal kita Roger, at nangako ko sa iyo na mamahalin kita, sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya…” naiiyak naman na wika ni Ludy.
Ipinasya ni Roger na pakasalang muli si Ludy sa simbahan kung saan sila unang ikinasal para sa kanilang ‘renewal of vows’. Pangako niya, mamahalin na niya nang tapat at lubusan ang kaniyang kabiyak.