
Nagtataka ang Ginang Kung Bakit Hingi nang Hingi ng Barya sa Kaniya ang Anak; Nagulat Siya sa Dahilan Nito
“Lola, heto po ang 20 piso, sige po, mag-iingat po kayo ha?”
Buong-pusong ibinigay ni Aling Celeste ang 20 piso sa nanlimos na matandang babae sa kaniya. Kasalukuyan silang nag-aabang ng masasakyang pampasaherong jeepney ng kaniyang anak na si Carlos, 8 taong gulang. Kagagaling lamang nila sa isang fast-food chain sa loob ng mall.
Halos maiyak sa katuwaan ang matandang babae nang matanggap ang 20 piso.
“Maraming salamat, ineng! Mag-ingat kayo ng anak mo. Pagpalain kayo ng Poong Maykapal,” wika ng matandang babae, bago ito naglakad paalis.
“Kawawa naman po si Lola, Mommy,” sabi ni Carlos.
“Kaya ikaw anak, maging mapagpasalamat ka sa Panginoon dahil nakakakain ka sa fast-food chain, nakain mo ang paborito mong spaghetti, burger, fries, at may ice cream pa. Marami tayong mga kababayan na nagugutom, gaya ni Lola kanina,” paalala ni Aling Celeste sa kaniyang bunsong anak.
“Salamat po, Papa Jesus!” pasasalamat ni Carlos sa Diyos. Pinagtiyap pa nito ang dalawang kamay sa anyong nagdadasal.
Maya-maya ay nakasakay na rin sa pampasaherong jeep ang mag-ina.
Pagdating sa bahay, natulog si Carlos para sa siyesta. Si Aling Celeste naman ay nagtiklop ng mga inakas niyang damit. Hinihintay niya ang video call ng kaniyang mister na si Mang Tommy na tatlong taon nang nasa ibang bansa bilang OFW.
Maya-maya, nag-ring na ang kaniyang tablet. Tumatawag na ang mister.
“Mahal, kumusta naman? Si Carlos?” tanong ng kaniyang mister habang kumakain ito.
“Heto, napagod yata sa pinuntahan namin. Pinadala ko sa iyo ang mga litrato niya kanina. Kumain kami sa fast-food, syempre, sa paborito niya,” pahayag ni Aling Celeste.
“Hinay-hinay lang sa fast-food ha? Oo nga pala, sa ika-28 na ako magpapadala, hindi sa katapusan ng buwan, napaaga ang pagpapasuweldo kasi holiday.”
Marami pa silang napagkuwentuhan ng mister hanggang sa magpaalam na ito upang bumalik sa trabaho.
Kinabukasan, matapos makapag-aral ng leksyon sa paaralan at makapag-siesta ay pinayagan ni Aling Celeste na maglaro sa labas si Carlo habang siya naman ay naglaba gamit ang washing machine.
Maya-maya, humahangos na bumalik si Carlos at kinalabit ang ina.
“Mommy, mommy, pahingi po ng piso…”
Dumukot sa kaniyang bulsa si Aling Celeste. Iniabot kay Carlos. Nagpasalamat naman ang anak, at agad itong nagtatatakbong palabas ng bahay nila upang bumalik sa kaniyang mga kalaro.
Maya-maya, muli na naman itong bumalik. 5 piso na ang hinihingi.
Dumukot ng 5 piso si Aling Celeste sa kaniyang pitakang pambarya at ibinigay kay Carlos. Tumakbo ulit ito palabas, sa kaniyang mga kalaro.
Kinabukasan, napapansin ni Aling Celeste na palaki nang palaki ang hinihingi sa kaniya ni Carlos, na ang pinakamalaki na ay 20 piso.
“Ano kayang binibili sa tindahan ng batang ito?”
Nang sumunod na araw na humingi na naman ng 20 piso ang anak, minabuti niyang sundan at tingnan kung ano ang binibili nito sa maya’t mayang paghingi nito ng pera.
Palihim niya itong sinundan.
Hindi niya inaasahan ang kaniyang makikita.
Binibigyan nito ng limos ang bawat pulubing napapadaan sa kalsada. Ang iba naman, ibinibili nito ng pagkain gaya ng fish balls at kikiam at binibigay sa kaniyang mga kalaro.
Kinagabihan, habang kumakain sila ng hapunan, inusisa ni Aling Celeste ang anak.
“Kasi po Mommy, sabi po ng mga kalaro ko, nagugutom daw po sila, kaya humingi na lang po ako ng pera para bigyan sila ng pagkain. Saka naawa po ako sa mga pulubi na naglalakad. Kasi ‘di ba kayo po Mommy, nagbibigay rin po kayo, kaya ginagaya ko lang po,” paliwanag ni Carlos.
Nabagbag naman ang kalooban ni Aling Celeste sa kaniyang mga narinig sa anak.
“Saka sabi po ninyo ni Daddy, ‘share your blessings’, ayaw ko po nagugutom ang mga kalaro at kaibigan ko, Mommy.”
Sa pagsapit ng ikasiyam na kaarawan ni Carlos, hindi na nagtaka si Aling Celeste sa hiling sa kaniya ng anak kung paano nito gustong ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.
“Mommy, gusto ko pong magbigay ng pagkain sa mga taong nasa kalsada. Okay lang po ba?”
“Oo naman, anak. Nakakatuwa ka naman anak! Tiyak na matutuwa ang Daddy mo kapag nalaman niya ang gusto mo.”
Hindi nga nagkamali ang mister nang sabihin na niya rito ang birthday wish ng anak.
“Salamat mahal,” nakangiting wika ni Mang Tommy sa kaniyang misis.
“Salamat para saan?” tanong ni Aling Celeste.
“Sa pagpapalaki mo nang maayos sa anak natin. Kahit na malayo ako, alam kong mabait at mapagmalasakit sa kapwa si Carlos. Hindi ako nag-aalala kasi alam kong pinapalaki mo siya sa tamang paraan. Kasi nakikita niya sa’yo. Napakasuwerte namin sa ‘yo ni Carlos, mahal. Hayaan mo, pag-uwi ko, babawi ako sa iyo.”
Sa pagsapit ng kaarawan ni Carlos, hindi matatawaran ang ngiti sa labi nito sa pamimigay ng mga pagkaing nakalagay sa styrofoam, sa bawat bata, lalaki, babae, o matandang pulubi na madaanan nila. Lumulundag naman ang puso ni Aling Celeste. Ipinagmamalaki niya ang kaniyang anak!

Parang Pamilyar ang Ginang sa Lasa ng Pansit at Iba Pang mga Ulam na Pasalubong sa Kaniya ng Anak; Hanggang sa Naalala na Niya Kung Saan at Kanino Niya Ito Natikman
