
Parang Pamilyar ang Ginang sa Lasa ng Pansit at Iba Pang mga Ulam na Pasalubong sa Kaniya ng Anak; Hanggang sa Naalala na Niya Kung Saan at Kanino Niya Ito Natikman
Sinulyapan ni Aling Natie ang malaking orasang nakasabit sa kanilang dingding. 7:00 ng gabi. Tamang-tama, alam niyang mga ganitong oras kung umuwi ang kaniyang anak na si Dondon mula sa trabaho. Luto na ang paborito nitong ulam na kare-kare.
Nagtatrabaho bilang isang bookkeeper sa bangko si Dondon, na mag-isa niyang itinaguyod simula nang ‘sumakabilang-bahay’ ang kaniyang mister, na hanggang ngayon ay wala na siyang balita.
Ipinagmamalaki niya ang anak dahil kahit na mag-isa lamang niya itong naitaguyod, napagtapos niya ito ng pag-aaral, at nakahanap ng magandang trabaho.
Hindi rin ito nakalilimot na magbigay ng pasalubong sa kaniya. Hindi ito umuuwi ng bahay mula sa trabaho na walang bitbit na kahit na anumang pagkain; lalo na ang pansit bihon na talaga namang paborito niya.
Maya-maya, narinig na niya ang pagkatok sa kanilang pinto. Narinig na rin niya ang pagtawag nito. Nariyan na ang kaniyang anak.
“Oh, anak, nandiyan ka na pala. Pasok ka na at kakain na tayo, tamang-tama at nakaluto na ako,” wika ni Aling Natie sa kaniyang anak.
Pumasok na nga si Dondon sa loob ng kanilang bahay, inilapag ang kaniyang bag, at nagmano sa kaniyang nanay.
“Kaawaan ka ng Diyos, anak,” wika naman ni Aling Natie kay Dondon.
Ipinakita nito ang dalang pasalubong na maliit na bilao ng pansit.
“Parang napapadalas ang pagbili mo ng pagkain anak, lalo na ang pansit.”
“Gusto ko lang po talagang mapasaya kayo, ‘Nay. Mamaya, kainin natin itong pansit,” wika naman ni Dondon.
Matapos makapaghilamos at makapagpalit ng damit-pambahay ay dumulog na sa hapag-kainan si Dondon. Pinagsaluhan nila ang lutong kare-kare at ang pansit na pasalubong kay Aling Natie.
Tinikman ito ni Aling Natie.
“Ay, napakasarap ng pansit…”
Sinubo ito ni Aling Natie. Sa kaniyang pagnguya, tila napahinto siya.
Napatingin sa kaniya si Dondon.
“Bakit po? Hindi po ba masarap?”
Napatingin naman si Aling Natie sa kaniya.
“H-Hindi naman anak, masarap… malasa… kaya lang, parang nalasahan ko na ito noon. Parang pamilyar sa akin ang lasa ng pansit na ito. Hindi ko lang maalala kung saan ko natikman ang lasang ito, pero sigurado akong pamilyar sa akin. Saan mo ba ito nabili?” untag ni Aling Natie.
Hindi naman nakasagot si Dondon.
“Hayaan mo na nga anak. Baka lang sa mga dating pansit na dinadala mo sa akin. Pero, kakaiba ang pansit na ito, anak. Bakit nga pala walang tatak kung saan mo binili, hindi kagaya ng mga dati mong binibili? Lutong-bahay ba ito?”
“Ah, kuwan ‘Nay… gawa po kasi ng kasamahan ko ‘yan, sa kaniya po ako bumili,” tugon ni Dondon. Parang may tinatago ito.
Napatango-tango naman si Aling Natie. Tumahimik na siya at ipinagpatuloy ang pagkain ng pansit.
Kinagabihan, akala ni Dondon ay tapos na ang pag-iisip ng kaniyang nanay tungkol sa pansit. Ang hindi niya alam, hindi na ito nawala sa isipan ni Aling Natie.
Palaisipan sa kaniya ang lasa ng pansit na dinala sa kaniya ni Dondon.
Maging ang lasa ng adobong manok na dinala nito noong isang linggo ay pamilyar din sa kaniya.
Maging ang sinigang na baka.
Maging ang puchero.
Hanggang sa naalala na niya kung kaninong luto niya nalasahan ang mga iyon.
Kinabukasan, agad na kinumpronta ni Aling Natie si Dondon.
“Anak, magsabi ka ng totoo. Nagkikita ba kayo ng Tatay mo?”
Hindi nakakibo si Dondon.
“Alam ko na at naalala ko na kung kaninong luto ko nalalasahan ang ilang mga lutong ulam at pansit na iniuuwi mo rito sa bahay para pasalubong sa akin. Ganoon ang lasa ng lutong-ulam ng Tatay mo, noong magkasama pa kami rito. Nagkikita ba kayo?”
“N-Nay… opo. Nagkikita po kami ni Tatay. At siya po ang nagpapadala ng mga pagkain, para sa inyo.”
Hindi kumibo si Aling Natie. Pakiramdam niya ay nasaktan siya sa sinabi ng anak. Naglihim ito sa kaniya.
“P-Paano naman kayo nagkita? Paanong nangyari na nagpupunta ka sa kanila?”
“Pinuntahan po niya ako sa opisina, ‘Nay. Doon po nagsimula. Nahihiya raw po siya sa inyong lumapit. Gusto niyang humingi ng tawad sa inyo.”
“M-May… may sarili na ba siyang pamilya?”
Matagal bago tumango si Dondon.
“Sabihin mo sa Tatay mo, magpunta siya rito at mag-usap kami.”
Kinabukasan, hindi inaasahan ni Dondon ang lalaking kasama ng kaniyang anak.
Ang dati niyang kinakasama, ang ama nito.
Nag-usap sila. Nagkapatawaran. Wala namang dahilan upang magkaroon pa ng hinanakit sa isa’t isa. Malaki na si Dondon at may sari-sarili na rin silang pamilya.
Matapos niyon, nagpaalam na rin ito.
Masaya si Aling Natie dahil pakiramdam niya ay lumaya na siya. Niyakap siya ni Dondon, at magana silang nagsalo sa hapunan.