
Umaasam na Maikasal ang Babaeng Ito Subalit Hindi Naniniwala sa Kasal ang Nobyo Niya; Magkatuluyan pa Kaya Sila?
Para kay Dorothy, napakapalad niyang babae dahil nakilala niya ang isang gaya ni Ross.
Mabait, masipag, responsable, at higit sa lahat, madiskarte sa buhay.
Bonus na lamang ang kagwapuhan nito at pagkakaroon ng magandang pangangatawan.
Hindi ito nawawalan ng pera dahil masipag humanap ng raket o iba’t ibang mga mapagkakakitaan. Minsan, ginagawang araw ang gabi.
Kaya naman, hindi siya nagdalawang-isip na sumama rito at makipisan sa bahay nito, nang ayain siya nitong mag-live in na sila.
“Mahal na mahal kita, Dorothy, kaya masaya ako na pumayag kang makasama ako sa iisang bubong. Gagawin kitang reyna ng bahay na ito,” pangako sa kaniya ni Ross.
Pitong taon na silang magkarelasyon, at nito ngang magwawalo na, saka lamang nila pinasyang magsama na nang tuluyan.
Alam ni Dorothy ang malaking paninindigan ni Ross.
Hindi ito naniniwala sa konsepto ng kasal.
Tandang-tanda pa niya ang naging takbo ng kanilang pag-uusap, noong ikaapat na taon ng kanilang anibersaryo bilang magkasintahan.
May sorpresa sa kaniya si Ross. Nakalagay sa isang pulang kahita. Akala niya, magpo-propose na ito sa kaniya ng kasal.
Akala niya, singsing ang isusuot nito sa daliri niya at tatanungin siya ng ‘Will you marry me?’
Hindi singsing kundi kuwintas ang handog nito sa kaniya. Nahalata yata ni Ross ang pilit na ngiting lumitaw sa kaniyang mukha.
“H-Hindi mo ba nagustuhan ang sorpresa ko? Espesyal ‘yan babe, para talaga sa iyo,” wika ni Ross.
“Nagustuhan naman. Maganda. Pero…”
“Pero ano?”
“Hindi kasi iyan ang inaasahan ko, babe. Akala ko, singsing. Akala ko magpo-propose ka nasa akin ng kasal.”
Natigilan naman si Ross. Hindi ito nakakibo. Kinuha ni Dorothy ang mga kamay ng kasintahan.
“Ako na lang ang magtatanong sa iyo, tutal, uso na ngayon ang pagiging makabagong kababaihan. Will you marry me, Ross?”
Natawa naman si Ross na nauwi sa hagalpak ng tawa.
“Anong nakakatawa sa tinanong ko? Huwag mong sabihin sa akin na wala kang balak na pakasalan ako? Ano bang balak mo sa akin? Ross, yung mga kaibigan ko, yung mga kaklase ko noong hayskul at kolehiyo, may mga asawa’t anak na. May balak ka bang pakasalan ako at iharap ako sa dambana?”
Tumigil naman sa pagtawa si Ross at seryosong hinaplos-haplos ang pisngi ni Dorothy. Hinawi ang mga buhok na nalaglag sa kaniyang magandang mukha.
“Mahal na mahal kita, Dorothy. Kaya lang… hindi talaga ako naniniwala sa konsepto ng kasal. Kasi, naniniwala naman ako na puwede namang magsama ang dalawang taong nagmamahala, bumuo ng pamilya, kahit walang kasal. Hindi pag-ibig ang kasal,” paliwanag ni Ross.
“Pero paano ang seguridad naman ng mga magiging anak natin? Paano naman ang seguridad ko?” wika ni Dorothy.
“Mahal mo ba ako?” tanong sa kaniya ni Ross.
“Anong klaseng tanong ‘yan? Ako na nga nag-aaya ng kasal, ‘di ba?”
“So, kung mahal mo ako, magtiwala ka sa akin. Hindi kita sasaktan. Hindi kita pababayaan.”
At makalipas ang tatlong taon, muling nagparamdam si Dorothy na naghahangad siya ng isang kasal. Sa pagkakataong iyon, doon na siya inaya ni Ross na magsama na sila sa iisang bubong.
“Kapag nagsama tayo, mas malalaman at makikilala natin ang isa’t isa, kung dapat nga ba tayong magpakasal,” wika ni Ross.
Pumayag naman si Dorothy. Nagsama sila ni Ross. Naging maganda naman ang pagsasama nila. Naging maayos ang kanilang paninirahan ng magkasama.
Hanggang sa isang araw, nag-away sila dahil sa isang babaeng kasamahan ni Ross sa trabaho. Bumati lamang ito ng magandang umaga kay Ross sa text, pinalaki na ito ni Dorothy.
Matinding away ang naganap.
“Diyos ko naman, babe! Bumati lang sa akin yung tao, nakita mo bang nireplyan ko? Saka hindi ko siya gusto. Sige aaminin ko na sa iyo, nagpaparamdam siya sa akin na gusto niya ako, pero ilang beses ko nang sinabi sa kaniya na walang patutunguhan ang ginagawa niyang panghaharot sa akin, dahil may karelasyon na ako…”
“Pero hindi mo asawa! Hindi ako legal na matatawag na misis, sa harap ng Diyos at sa harap ng batas. Wala akong maisasampal na marriage contract sa mukha niya, sa mukha ng kung sinumang babaeng malandi na magkakagusto at magkakainteres sa ‘yo!”
Natigilan si Ross.
“So ito pa rin ang isyu natin, all this time? Kasal pa rin? Hindi ba ipinaliwanag ko na sa iyo na hindi ako naniniwala sa konsepto ng kasal? Maayos naman tayo ‘di ba…”
“Sabihin mo nga sa akin… kaya ba ayaw mong magpakasal sa akin para anumang oras na gustuhin mong humanap ng iba, o makipaghiwalay sa akin, madali na lamang para sa iyo? Hindi na kailangan pa ng annulment, diborsyo, o kung ano-ano pang legal na proseso? Wow! Ang galing mo rin ‘no?” sumbat ni Dorothy.
“Hindi naman sa ganoon, babe kaya lang…”
“Kaya lang ano, ha? Ross, kahit saan mo tingnan, ako ang magiging dehado rito. Puwede akong mabuntis, magka-anak. Ako ang mahihirapan, ako ang babae ‘di ba? Eh ikaw? Iyang lawit mo lang ang bitbit mo!”
“Ayoko sa kasal, babe, dahil alam mo namang produkto ako ng broken family, ‘di ba? Natrauma na ako sa nangyari sa mga magulang ko, na ayoko ring mangyari sa atin! Naghiwalay sila dahil sa pangangaliwa, at kasal sila. Tandang-tanda ko ang sinabi ng nanay ko na pinagsisisihan niyang pinakasalan niya ang tatay ko. Sana raw nagsama na lamang sila, para kahit maghiwalay sila, wala nang mga prosesong iintindihin.”
“Bakit? Mambabae ka ba? Magtataksil ka ba? Hindi ka ba sigurado sa sarili mo na hindi mo ako sasaktan?”
Hindi nakakibo si Ross.
Wala siyang nagawa nang mag-alsa balutan si Dorothy at umuwi sa mga magulang nito.
Sa loob ng halos walong taong pagsasama, hiwalay na sila, dahil lamang sa konsepto ng kasal.
Inukilkil sa sarili ni Dorothy na kung hindi siya kayang pakasalan ni Ross, mas mabuti pang maghiwalay na lamang sila. Wala siyang mapanghahawakan sa relasyon nila. Ang emosyon ng tao ay mabilis na nababago.
Makalipas ang dalawang linggo…
“Anak, may bisita ka…”
“Sino po?”
Si Ross. May dalang mga pulumpon ng mga bulaklak.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” malamig na tanong ni Dorothy.
“B-Babe, patawarin mo na ako sa mga nasabi ko sa iyo. Mahal na mahal kita. Wala akong ginawang kasalanan. Hindi ako nagtaksil. Sana naman bumalik ka na sa akin,” wika ni Ross.
May inilabas itong kahita.
“Sa dalawang linggong paghihiwalay natin, napag-isip-isip ko na sa tagal ng pinagsamahan natin, parang ang tagal na nating mag-asawa. Ngayon pa ba tayo bibitiw? Umabot na tayo ng walong taon. Kaya napag-isip-isip ko, pumayag kang sumama sa akin at nagsakripisyong mapalayo sa pamilya mo. Hindi naman siguro masama na ako naman ngayon ang magbababa ng prinsipyo para sa iyo, para sa babaeng mahal ko.”
Hinawakan nito ang singsing. Lumuhod sa harapan niya.
“Babe, Dorothy Cruz, will you marry me?”
Hindi na napigilan ni Dorothy ang pagbalong ng luha sa kaniyang mga mata. Tinakpan niya ang kaniyang mga bibig ng kaniyang mga kamay.
“Ikaw lang ang gusto kong makasama habambuhay, babe. Wala nang iba pa…”
“Yes! Pakakasalan kita!” sagot ni Dorothy.
Isinuot ni Ross ang singsing sa palasinsingang daliri ng nobya. Tumayo siya at siniil ng maalab na halik ang kaniyang fiancee.
Makalipas ang isang buwan, ikinasal na rin sa wakas ang magkasintahan. Selyado na ang kanilang pagmamahalan.
May basbas ng batas.
May basbas ng Diyos.
May marriage contract na mapanghahawakan habambuhay.

Masugid at Matiyagang Manligaw ang Lalaki at Sinusunod ang Lahat ng Maibigan ng Nililigawan; Makuha Kaya Niya ang Matamis Nitong Oo?
