Inday TrendingInday Trending
Masugid at Matiyagang Manligaw ang Lalaki at Sinusunod ang Lahat ng Maibigan ng Nililigawan; Makuha Kaya Niya ang Matamis Nitong Oo?

Masugid at Matiyagang Manligaw ang Lalaki at Sinusunod ang Lahat ng Maibigan ng Nililigawan; Makuha Kaya Niya ang Matamis Nitong Oo?

Matagal nang nagliligawan sina Juanito at Marian. Nagkakilala sila sa pamantasang kanilang pinapasukan, bagama’t magkaiba sila ng kursong pinag-aaralan. Nasa 3rd Year na sa kursong Commerce si Juanito at nasa 2nd Year naman sa kursong Office Administration si Marian.

Sa tuwing lumalabas sila, laging si Juanito ang taya, at hindi niya pinapayagan si Marian na maglabas ng kahit singkong duling. Palibhasa, may kaya naman si Juanito subalit hindi siya ganoon kagwapo, hindi matangkad, at medyo patpatin ang pangangatawan.

Minsan, tinanong ni Juanito si Marian kung may pag-asa ba siya rito.

“Iisipin ko pa. Parang hindi pa kasi ako handa na makipagrelasyon. Siguro, mas dalhin mo pa ako sa mamahaling restaurant, sawa na kasi ako sa fast-food chain o sa food court. Kasi kung hindi mo ko kayang dalhin sa mga mamahaling restaurant, paano na lamang kung mag-asawa na tayo? Huwag ka namang kuripot.”

“Kapag nadala na kita sa mga mamahaling restaurant, may pag-asa ba na sagutin mo na ako?” tanong ni Juanito.

“Tingnan natin.”

Sa mga sumunod na araw ay sa mamahaling restaurant nga siya dinala ni Juanito. Dumating pa sa punto na nagde-date sila sa restaurant ng hotel upang mas maging espesyal pa.

Makalipas ang isang buwan, muling tinanong ni Juanito si Marian.

“Napakain na kita sa mga mamahaling restaurant. Gusto ko ulit sanang itanong kung may pag-asa ba akong makuha ang matamis mong oo.”

“Puwede naman, pero sana naman mamasyal tayo. Gusto ko sa ibang lalawigan. Baka puwede naman tayong magpunta kahit sa Galera o Boracay?”

“Pagkatapos ba nating gawin ‘yun, sasagutin mo na ‘ko?”

“Tingnan natin.”

Hindi nag-atubili si Juanito at Marian na bumili ng tiket para sa kanilang dalawa ni Marian papunta sa hiling nito na Boracay. Ngunit nagulat siya nang sabihin sa kaniya ni Marian na hindi ito papayag na dalawa lamang sila.

“Isasama ko ang dalawa kong kaibigan. Ayos lang ba kung pakidamay na rin sila? Ayaw kasi akong payagan nina Mama at Papa eh, kung hindi sila kasama.”

Medyo may kamahalan man ang tiket, pumayag na rin si Juanito para makasama si Marian. Sarili niyang gastos ang lahat: magmula sa tiket, pagkain nila, hanggang sa tinuluyan nila. Hindi rin naman niya nakausap o nakasama nang sarilinan si Marian dahil laging nakabuntot dito ang kaniyang mga kaibigan.

Matapos ang kanilang Boracay getaway, muling tinanong ni Juanito si Marian.

“Kailan mo ba ko sasagutin?”

“Ah, kapag nabilang mo ang mga bituin sa langit!” wika ni Marian habang nginangasab ang pasalubong na doughnut ni Juan. Walang mintis sa pagbibigay sa mga paborito niyang pagkain ang binata.

Laging may hiling si Marian kung ano ang gusto niyang dalhin sa kaniya nito.

Hindi kumibo si Juanito.

“Ginagawa mo namang biro ang mga bagay na seryoso ang tanong ko eh,” malungkot na sabi ni Juanito.

Natawa lamang si Marian.

Isang araw, maagang natapos ang isang klase ni Juanito dahil pinapunta sila ng propesora sa silid-aklatan. Ibinigay ang nalalabing oras upang makapagsaliksik sila para sa kanilang thesis.

Habang naghahanap ng thesis na maaari niyang pagbatayan, napansin niya na naroon din si Marian. Lalapitan sana niya ito subalit may kausap itong kaklaseng babae. Narinig niya ang pinag-uusapan nila.

“Kailan mo ba sasagutin yung nanliligaw sa iyo?” tanong ng babae kay Marian.

“Naku, wala akong balak sagutin ‘yun. Hindi ko siya type. Nagkataon lang na may kaya siya kaya sinasamantala ko lang. Nagpapauto naman ang loko,” wika ni Marian.

Labis na nasaktan si Juanito. Alam niyang siya ang tinutukoy ni Marian, batay sa pahayag nito.

“Ay manggagamit ka, girl?” pabirong sabi ng kausap nito.

“Medyo. Gamitan lang naman sa mundo, lalo na at ang ganda ko. Hindi niya ako deserve.”

Makalipas ang ilang araw, linggo, at buwan… hindi na nagparamdam si Juanito kay Marian. Iniiwasan niya na ito simula nang marinig ang mga sinabi nito.

Si Marian naman ang hindi nakatiis. Isang araw, siya naman ang tumawag kay Juanito.

“Kailan ka ulit magpaparamdam? Pagdalhan mo naman ako ng paborito kong doughnuts,” walang habas na sabi ni Marian sa manliligaw na matagal na nanahimik at umiwas sa kaniya.

“Ah ganito, bilangin mo muna ang mga hibla sa buhok mo. Tawag ka ulit kapag nabilang mo na?”

Natahimik si Marian.

“Ha?”

“Oh ‘di ba, sabi mo sa akin, bilangin ko muna ang mga bituin sa langit bago mo ako sagutin? Eh pasensya ka na, hindi ko kayang gawin ‘yun. Matutulog na lang ako o kaya hahanap ng karapat-dapat na babae na deserving sa pagmamahal ko, at nakikita ang halaga ko bilang tao. Masaya ako na napakain kita sa mamahaling restaurant at nakasama ka sa Boracay, pero may hangganan din naman ang lahat. Paalam!”

At ibinaba na ni Juanito ang kaniyang telepono.

Lumuwag ang kaniyang dibdib. Alam niyang tama ang kaniyang desisyon.

Alam niyang balang-araw ay makikilala rin niya ang babaeng magpapahalaga sa kaniya nang tapat, at hindi titingin sa kung anuman ang maaari niyang maibigay na materyal na bagay.

Advertisement