Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Awa ay Pipilitin ng Babaeng Ito na Mag-Abroad na lang ang Dati Niyang Kaklase; Matatawa na Lang Siya sa Maririnig sa Babae

Dahil sa Awa ay Pipilitin ng Babaeng Ito na Mag-Abroad na lang ang Dati Niyang Kaklase; Matatawa na Lang Siya sa Maririnig sa Babae

“Hay naku, huwag niyo nang hintayin iyang si Noemi kasi sigurado naman na hindi iyan makakapunta. Ako na lang talaga ang naaawa sa kaklase nating iyon. Mantakin mo, nahinto ang mundo niya dahil lang sa asawa niya,” wika ni Lenny sa mga kaibigan sabay taas ng kanilang mga baso.

Isang dekada na rin ang lumipas at ngayon lang sila muling nag-reunion ng mga kaklase niya sa hayskul.

“Sabi ko naman sa inyo, darating siya! Ayan na!” biglang tayo ni Mara upang salubungin si Noemi at kaagad nilang niyakap ito.

Isa sa pinakasikat, matalino at maganda ang kaklase nilang si Noemi, noon pa man ay palaging sinasabi ng mga guro nila na malayo ang mararating nito sa buhay. Bukod pa roon ay talagang tinitingala ito ng marami noong panahon nila.

“Hoy, ang tahimik mo naman, Noemi, para namang hindi ikaw ‘yan! Nung hayskul tayo ay bangka ka sa grupo. Huwag ka munang mag-isip ng kung ano-ano riyan. Enjoy muna natin ang oras na ito,” masayang sabi muli ni Mara sa babae.

“Wala naman ako masyadong ikukwento, masaya na akong makinig sa inyo,” bungisngis ni Noemi sa kanila.

“Naku, ang sabihin mo kasi, wala na talagang ganap sa buhay mo! Nabalitaan namin ang nangyari sa asawa mo, kumusta ka naman?” diretsong banat ni Lenny rito.

“A, ayos naman, masaya pa rin, in love pa rin,” maiksing balik ng babae.

“Alam mo, Noemi, hindi lang ako makapaniwala na may mga babaeng katulad mo pa. Hindi ka ba nanghihinayang sa talento mo, sa oras mo, tapos may anak pa kayo? Gusto mo ba tulungan kita?” alok muli niya rito.

“Alam ko na ikaw ang nag-aalaga sa paralisado mong asawa at hindi biro ang balitang nalaman ko na ikaw na rin pala ang bumubuhay halos ng pamilya niya, ng pamilya niyo. Hoy, tayo-tayo lang naman ‘to, pwede ka umiyak sa amin kung nabibigatan ka na o kung nahihirapan ka,” wala pang tigil na sabi niya sa kaklase.

Tahimik ang lahat habang nakatingin lang kay Noemi na hanggang ngayon ay nakangiti lang sa kanila.

“May opening sa opisina namin sa Dubai, kung gusto mo, tulungan kitang makapasok. Sayang naman kasi ang talino mo! Hindi naman tayo nabubuhay ng pag-ibig kaya hindi ko talaga makitaan ng paghanga ang mga sitwasyon na mayroon ka,” batid muli ni Lenny rito.

“Alam mo, hindi naman kayo kasal, tapos ‘di ba hindi na siya nakakagalaw? E ‘di wala na rin kayong labing labing niyan? Para saan pa at ang ganda at alam mo na, kung ganyan lang kayo?” hindi napigilang tanong ng iba niyang kaklase.

“Bakit pakiramdam ko ay inimbitahan niyo lang yata ako para makibalita sa kung anong nangyayari sa buhay ko?” natatawang sagot ni Noemi sa kanila.

“Hindi, hindi naman sa ganoon pero kasi, maging praktikal na tayo. Sa mga Pinoy na katulad natin, ‘yung mga OFW lang talaga ang nakakahon agad sa hirap lalo na nga pag maraming problemang pinansiyal. Sige, huwag mo nang iwan ‘yung asawa mo pero mag abroad ka nalang, at least doon pwede kang magbuhay dalaga ulit. Hindi ‘yung ganyan na taga-punas ka lang ng pw*t ng asawa mo!” halakhak ni Lenny sa dating kaklase.

Walang imik pa rin ang babae at nakangiti lamang ito sa lahat.

“Hayaan mo na, alam ko na mahirap mag share ng ganyang bagay kapag maraming tao. Next topic na tayo!” singit naman ng isa nilang kaklase. Hanggang sa natapos ang gabi at tahimik lamang ni Noemi na nakikinig at nakikipagtawanan sa mga kaklase.

“Ano, gusto mo ba magtrabaho sa abroad? Opisina ang papasukan mo at ako ang baker mo kaya wala kang dapat ipagalala. Ihanap na ba kita ng kasambahay o caregiver man lang para may mag-alaga sa asawa mo,” muling suhestiyon ni Lenny kay Noemi nang maiwan ito sa may labas at nakatingin lang sa malayo.

“Lenny, salamat ha,” sagot ng babae.

“Ayon! Sasama ka na?” magiliw na balik agad nito kay Noemi.

“Alam mo, nung naaksidente ang asawa ko ilang beses siyang nagmakaawa na makasama niya ako sa operating room kasi hindi niya raw kaya. Kahit na kritikal na ‘yung kondisyon niya ang gusto niya lang ay makasama ako. Tapos ayon nga, hindi na siya nakakalakad, naka-wheelchair na lang at halos lahat ng tao ay kinakawaan ako sa sitwasyon namin,” kwento ni Noemi rito.

“Pero alam mo, wala sa pag-aabroad ang pag-asenso. Kahit nasaan tayo, pwede tayong umasenso, sa ‘Pinas man o sa ibang bansa,”dagdag pa nito.

“Sus, kalokohan ‘yan, Noemi, maniwala ka sa akin, sa abroad lang may pera. Kasi dito sa bansa natin kahit matalino ka na, hindi ka pa rin kikita nang malaki” kontra agad ni Lenny sabay hithit ng sigarilyo niya.

“Siguro nga ganoon ang pananaw mo sa buhay pero para sa akin, hindi. At kahit may mag-alaga man ulit sa asawa ko, hindi ko pa rin siya iiwan. Kasi nung nakita ko na kinailangan niya ako doon ko rin napagtanto na ganoon kalayo, kalalim ang pagmamahal ko sa pamilya ko, ang pagmamahalan namin sa isa’t isa. Hindi pera ang bumuo sa amin kung ‘di pag-ibig. ‘Yung sakripisyo, yung oras, yung hindi masusukat na pagmamahal at iyon ang naramdaman ko habang kasama ko ang asawa ko sa pinakamabigat na hamon ng buhay namin. Yung pera, kayang kitain kahit saan, kahit kailan pero ‘yung pagmamahal, ‘yung pamilya na mayroon ako ngayon ay hindi iyon matatawaran,” masayang sabi bahagi ni Noemi sa kaniya.

“Sus, Noemi, nasasabi mo lang ‘yan kasi ‘di ka pa nakakahiga sa pera. Wala ka kasing pera kaya puro mahal mahal lang nakikita mo,” mabilis na halakhak ni Lenny sa babae.

“Ah, nga pala, hindi ko naman kasi napopost pero ‘wag kang mag-aalala, kahit hindi nakakalakad ‘yung asawa ko ay may trabaho siya. Ang totoo nga niyan, 6 digits na ang kinikita niya sa isang buwan. Ayaw ko na sanang magyabang pero baka kailangan mo lang malaman, na hindi lahat ng bagay kailangan ipakita sa lahat ng tao at hindi lahat ng bagay ay nabibili ng pera. Tandaan mo, kapag nagpaalipin ka sa salapi, hinding hindi mo kayang matulog nang matiwasay sa gabi dahil palagi mong iniisip kung paano ka hindi mawawalan ng pera. Sana matutuhan mong mamuhay nang masaya, Lenny,” sagot ni Noemi sa kaniya.

“Ikaw, naaawa lang naman ako sa’yo pero kung mataas talaga ang pride mo, e ‘di ‘wag. Magmahalan kayo ng asawa mong walang kwenta,” halakhak na balik muli ni Lenny sa kaniya.

“Magkaiba ang awa sa yabang, Lenny, at kapag nagkaroon ka ng ganitong pag-ibig katulad ng sa amin ng asawa ko ay maiintindihan mo rin ako pagdating ng araw. Ako ang naaawa sa’yo” habol pang sabi niya saka siya tuluyang umalis.

Napataas na lang ng kilay si Lenny at iniisip niyang yabang lang lahat ni Noemi ang mga iyon. Ngunit makalipas ang ilang linggo at nang makapagtanong na siya sa kaniyang mga kakilala ay totoo pala talaga na mayaman na ang babae. IT pala ang asawa nito sa isang malaking kumpanya sa ibang bansa at totoong sa bahay lang nagtatrabaho ang lalaki ngunit kumikita nang malaki. Napalunok na lamang siya sa kinikita niyang tatlumpung libong piso kada buwan.

Advertisement