Inday TrendingInday Trending
Ginawa ng Babae ang Lahat, Masira lang ang Bagong Katrabaho; Babalik din pala sa Kaniya ang Ginawa Niyang Panloloko

Ginawa ng Babae ang Lahat, Masira lang ang Bagong Katrabaho; Babalik din pala sa Kaniya ang Ginawa Niyang Panloloko

Napangiwi na naman si Olivia habang pasimpleng tinitingnan nang masama ang bago nilang katrabahong si Aurora. Paano kasi ay pinupuri na naman ito ngayon ng kanilang manager dahil sa maganda at maayos na trabaho nito.

Kulang na lang ay lamukusin ni Olivia ang mga hawak niyang papeles na kanina pa iniutos ng kanilang boss na pagsama-samahin niya. Dahil doon, kabaliktaran ng ginawa nito kay Aurora ay pambubulyaw na naman ang inabot niya rito.

“Wala ka na talagang ginawang tama, Olivia! Hindi ka naman dating ganiyan! Ano ba ang nangyayari sa ’yo at para bang bigla kang nagbago?” tanong sa kaniya ng kanilang manager na noon ay kasundong-kasundo ni Olivia. Napayuko naman siya dahil doon at humingi ng paumanhin.

“Alam mo, Olivia, dapat kang matuto kay Aurora. Kaya ngayon, gusto kong i-supervise niya ang bawat kilos mo nang may magawa ka namang maayos at kapaki-pakinabang sa kompaniyang ito,” dagdag pa nito na lalong nakapagpainit ng kaniyang ulo.

Sapo ni Olivia ang kaniyang ulo nang bumalik siya sa kaniyang upuan. Matinding pagkainis ang nararamdaman niya at ganoon na lang ang pagpipigil niyang magwala dahil doon! Gusto niyang awayin si Aurora. Ito kasi ang sinisisi niya sa mga nangyayaring kamalasan sa kaniya dahil buhat ’di umano nang dumating ito sa kompaniyang iyon ay naetsapwera na siya gayong dati-rati ay siya ang pinakamagaling sa kompaniyang iyon!

“May araw ka rin sa aking Aurora ka! Makikita mo, ako na ulit ang magiging magaling sa lahat!” walang tinig na banta pa niya sa kasamahang wala namang kaalam-alam sa ipinuputok ng kaniyang butsi.

Matapos ang araw na iyon ay mabilis na nagplano si Olivia ng paraan upang masira si Aurora. Halos hindi siya natulog nang gabing iyon kaiisip ng planong magpapabagsak sa kaniyang karibal sa trabaho. Paano kasi ay narinig din ni Olivia na ngayon ito na rin at hindi na siya ang napupusuan ng mga nasa itaas para sa promotion.

Eksakto pa namang may tinatrabahong presentation nang araw na iyon si Aurora na halos isang linggo niya ring pinagpuyatang tapusin. Umalis lamang ito saglit upang magtimpla ng kape sa kanilang pantry, ngunit sa kaniyang pagbabalik ay hindi siya makapaniwalang nakita niya na lamang na sira ang kaniyang laptop! Naroon ito sa sahig at halos basag nang animo ito pinukpok ng martilyo!

“Sino’ng gumawa nito?!” bulalas ni Aurora.

“OMG, Au, paano ’yan?! Ngayon na ang presentation mo!” mariin namang tanong ng isa pang kasamahan nila. Bumuntong-hininga naman si Aurora na siyang nagpangisi kay Olivia. Ngayon ay sigurado na siyang siya ang panalo sa pagitan nilang dalawa.

“Mabuti na lang, may back up file ako sa drive ko,” ngunit biglang anitong muli.

“Ano?!” halos hindi naman makapaniwalang bulalas ni Olivia sa narinig. Dahil doon ay nakuha niya ang atensyon ng lahat kaya naman bigla rin siyang natahimik ulit. “A-ang ibig kong sabihin, mabuti naman!” bawi niya pa sa nauna niyang reaksyon.

Nanlumo siya. Nasayang lang ang kaniyang paghihirap! Nagpatuloy sa pagpe-present si Aurora nang araw na iyon na kalaunan ay ikinatuwa naman ng mga nasa itaas. Puring-puri na naman ito habang si Olivia naman ay nananatiling kulelat.

“Gusto ko lang i-announce na nahuli na kung sino ang nagtangkang manabotahe sa gawa ni Aurora noong nakaraang nag-present siya… at iyon ay walang iba kundi si Olivia!” bulalas pa ng kanilang manager nang bigla itong magpatawag ng emergency meeting para sa kanilang lahat, kasabay ng pagpe-play ng CCTV footage sa projector na kaharap nila ngayon.

“P-patawarin n’yo po ako!” halos magmakaawang ani Olivia sa kaniyang boss. “Pakiusap, huwag n’yo akong tanggalin sa trabaho!”

“Hindi mo na rin naman kakailanganin ang trabahong ’to, Olivia, kapag nasa likod ka na ng rehas. Sa tingin mo ba ay basta ka na lang makakatakas sa ginawa mong pananabotahe sa katrabaho mo? Sisiguraduhin namin sa ’yong pagbabayaran mo ang ginawa mong panloloko sa amin!” mariing sagot naman ng kanilang manager na animo ni hindi nadadala man lang sa pagpapaawang ginagawa niya.

Lahat ng kaniyang mga katrabaho ay nakatingin sa kanila ngayon, maging si Aurora na siyang ginawan niya ng kasalanan. Wala itong ibang magawa kundi ang mapailing na lang sa sitwasyon.

Itinuring na leksyon ni Olivia ang pangyayaring iyon dahil talagang nakaranas siya ng pagdudusa dahil sa kaniyang ginawa. Siguradong hindi na niya uulitin pa ang mga bagay na ’yon.

Advertisement