Inday TrendingInday Trending
Matiyagang Tinuruan ng Lalaki ang Kaeskuwelang Mahina ang Ulo; Ito Pala ang Maaasahan Niya sa Oras ng Pangangailangan

Matiyagang Tinuruan ng Lalaki ang Kaeskuwelang Mahina ang Ulo; Ito Pala ang Maaasahan Niya sa Oras ng Pangangailangan

Si Marie ay isang single mom at ang tanging gusto lang naman niya’y magkaroon ng maayos, magaan, at magandang pamumuhay ang kaniyang limang anak. Kaya kahit hirap na siyang magtrabaho bilang security guard ay gumagawa pa rin siya ng paraan upang gawin ang mga gawaing bahay. Para sa kaniya’y mabuti nang sa pag-aaral lamang mag-focus ang kaniyang mga anak.

Ang panganay na anak ni Marie na si Jason ay nasa huling taon na sa sekondarya. Samantalang ang iba naman nitong kapatid ay pawang mga nasa elementarya pa lamang.

“’Ma, alis na po kami,” pagpaapalam ni Jason sabay kuha ng kaniyang baon na nasa lamesa.

“Mag-iingat kayo,” sagot naman ni Marie.

Pagkatapos umalis ng magkakapatid ay doon pa lamang makakapagpahinga si Marie. Matapos maihatid ni Jason ang kaniyang mga kapatid sa paaralan ng mga ito ay agad siyang sumakay ng jeep dahil mahuhuli na naman siya sa unang klase, ngunit dahil sa traffic ay lalo lamang natagalan si Jason. Patapos na ang klase bago siya dumating.

“Ma’am, sorry po. Inihatid ko pa po kasi ang mga kapatid ko sa school nila,” paliwanag ni Jason sa kaniyang guro.

“Ay naku, Jason! Ilang beses ko na bang narinig ’yang palusot mo na ’yan? Hindi ako ang mag-aadjust palagi para sa ’yo,” galit na sagot naman ng guro sa kaniya.

Nahiya si Jason dahil sa harap pa ng iba niyang kaklase iyon sinabi ng kaniyang guro. Pagkaupo ni Jason ay may nag-abot sa kaniya ng isang kuwaderno.

“P’re, kopyahin mo na lang yung lecture tapos pag-aralan mo.” Ang kaklase pala niyang si Nathaniel.

“Salamat p’re.” Nakangiting kinuha naman ni Jason ang kuwaderno.

Kahit na laging nahuhuli si Jason sa klase ay napag-aaralan pa rin niya ang itinuturo ng guro sa tulong ng kaniyang kaibigan. Tinuturuan naman ni Jason si Nathaniel kapag nahihirapan ito sa ibang aralin. Sa totoo lang ay si Jason ang dahilan kung bakit nakapapasa siya sa mga pagsusulit. Matiyaga kasing magturo ang kaibigan niyang ito, kahit pa alam naman ni Nathaniel na mahina ang kaniyang pang-intindi. Dahil doon ay ipinangako niya sa sarili na balang araw ay babawi siya sa kaibigang siyang tanging nagtiyagang turuan siya.

Nalalapit na ang araw ng pagsusulit kaya halos buong araw na pagrereiew ang ganiwa ni Jason kasama ang kaibigang si Nathaniel.

“Magmeriyenda na muna kayo, o,” alok ni Marie kina Jason at Nathaniel.

“Ma, ako na po riyan. Matulog na po kayo, may pasok pa po kayo mamaya.” Sabay kuha ni Jason sa dalang meriyenda ni Marie.

“Mag-aral na lang kayo nang mag-aral,” ngunit sagot naman ni Marie sa anak.

Kinabukasan ang araw ng pagsusulit ay mag-uumpisa ng alas-otso ng umaga. Maagang umuwi si Marie galing sa trabaho para masikaso ang kaniyang mga anak, ngunit nakaramdam siya ng panlalamig ng katawan at hilo – dahil doon ay nawalan siya ng malay.

Nakita ni Jason ang kaniyang nanay na nkahiga sa sahig. Agad siyang humingi ng tulong upang maisugod ito sa ospital. Dahil sa nangyari sa kaniyang ina ay hindi niya ito maiwan sa ospital. Alam niyang dahil doon ay maaari siyang bumagsak, lalo’t hindi niya kakayaning kumuha ng pagsusulit sa ganitong sitwasyon. Ganoon pa man ay inisip muna niya ang kapakanan ng ina.

Kinabukasan ay pumasok nang maaga sa klase si Jason at kinausap ang kaniyang guro, upang humiling na sana’y bigyan pa siya ng pagkakataon na kumuha ng pagsusulit.

“Ma’am, isinugod ko po kasi si mama sa ospital kaya hindi po ako nakapasok,” paliwanag ni Jason sa guro.

“Alam mo, Jason, ang dami mo laging dahilan. Ang sabihin mo, tinamad ka lang!” tila hindi nakaiintinding sagot naman ng guro. Hindi kasi siya naniniwala sa lahat ng dahilan ni Jason. Para sa kaniya ay isa lamang itong tamad at walang pagsisikap na estudyante.

“Ma’am, sige na po. Gusto ko po talaga makakuha ng test.” Nagmakaawa si Jason sa kanilang guro.

“Hindi ako nagbibigay ng special test para sa mga tamad.” Pagkatapos iyon sabihin ng guro ni Jason ay umalis na ito.

Narinig ni Nathaniel ang pag-uusap ni Jason at ng kanilang guro. Naawa ito sa kaibigan kaya nilakasan niya ang kaniya loob upang kausapin ang guro. Ipinaliwanag ni Nathaniel ang sitwasyon ng buhay ni Jason, nagulat ang guro sapagkat ang pag-aakala nito’y tinatamad lang si Jason kaya’t palagi itong maraming dahilan. Nagsisi naman ang guro matapos malaman ang kwento ni Jason. Kinabukasan ay kinausap ng guro ang estudyante upang bigyan ito ng pagsusulit.

Laking pasasalamat ni Jason sa kaibigang si Nathaniel dahil sa ginawa nitong pangungumbinsi sa kanilang guro. Ngunit para kay Nathaniel ay maliit na bagay lamang iyon kumpara sa mga naitulong sa kaniya ng kaibigan. Sa wakas ay nakabawi rin siya sa kabutihan nito sa kaniya.

Advertisement