
Nahuli Siya ng Kaniyang Asawa Kasama ang Bago Niyang Lalaki; Kabaliktaran Pala sa Inaasahan Niya ang Mangyayari
Hawak ni David ang isang piraso ng papel na siyang tanging iniwan na lang ng kaniyang asawang si Lilibeth bago ito umalis kanina. Lukot-lukot na iyon at ngayon ay pabilog na nakakuyom sa loob ng kaniyang kamao, dahil dito niya ibinuhos ang kaniyang galit matapos niyang mabasa ang nilalaman niyon.
Iniwan na siya ng kaniyang asawa para lang sumama sa ibang lalaki. Iniwan din nito ang kanilang dalawang anak na babae na ni hindi man lang nagawang ipaghanda ng pagkain bago ito umalis. Bukod pa roon, kalakip ng iniwan nitong sulat ay ang pirmado nang dokumento ng kanilang paghihiwalay na nagpailing na lamang kay David.
Kanina, nang mapansin niyang wala na ang halos lahat ng gamit ng kaniyang misis ay pinilit ni David na itago sa kaniyang mga anak ang totoong nangyayari sa kanila ng ina ng mga ito. Umakto siyang normal sa kanilang harapan dahil hindi niya kayang makitang nasasaktan sila… kaya naman sinarili na lamang ni David ang lahat, hanggang sa mga oras na iyon.
Hatinggabi na, ngunit mahigit tatlong oras nang umiiyak si David sa kuwarto nila ni Lilibeth. Sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil hindi niya naibigay ang buhay na gusto nito, sampu ng mga luho nito, kaya sila nagawang abandonahin ng asawa katulad ng nasa sulat. Halos dumugo na rin ang kaniyang kamao sa makailang ulit niyang pagsuntok sa pader para lang malipat sa pisikal na sakit ang kirot na nadarama niya sa kaniyang dibdib.
“Diyos ko, paano na po kami ngayon ng mga anak ko?” umiiyak pang tanong ni David noon sa maykapal.
Nasa ganoon siyang sitwasyon nang bigla na lang siyang makarinig ng mahihinang katok sa kaniyang pintuan. Dahil doon ay agad na pinahid ni David ang mga luhang nagkalat sa kaniyang mukha at inayos ang sarili upang sa pagharap niya sa mga anak ay maayos siyang tingnan at presentable.
Binuksan niya ang pinto ng kaniyang kuwarto at tumambad sa kaniya ang kaniyang dalawang prinsesa, habang nakasuot ng kanilang pantulog at hawak ang kanilang mga unan…
“Papa, alam po namin na iniwan na tayo ni mama kaya siya umalis. Kaya, nag-usap po kami ni Clara na dito na lang kami sa kuwarto mo matutulog para may kasama ka,” seryosong sabi sa kaniya ni Chloe. Doon ay napangiti naman si David at napayakap na lang sa kaniyang mga anak. Mukhang sila ang sagot sa tanong niya kanina sa Diyos.
Samantala, limang taon makalipas ang ginawang pang-iiwan ni Lilibeth sa kaniyang mag-aama ay dumalo siya, kasama ang bago niyang kinakasama sa isang malaking piging na sa pagkakaalam niya ay selebrasyon para sa nalalapit na kasal ng anak ng may-ari ng kompaniyang pinagtatrabahuhan ng kaniyang nobyo… ngunit sa piging na iyon ay hindi inaasahan ni Lilibeth na makasasalubong niya ang dating asawang si David!
Malaki ang pagbabago sa hitsura ni David, ngunit alam niyang malaki man ang iginuwapo nito ay nananatili pa rin itong walang pera, ’di ’tulad ng bago niyang nobyo na isang department manager—iyon ang akala ni Lilibeth.
Dumating ang bago niyang kinakasama sa kanilang puwesto, habang nananatili niyang kaharap ang dating mister na si David. Ang akala nga ni Lilibeth ay mag-aaway ang mga ito, ’tulad ng madalas mangyari sa mga palabas, sa tuwing magkikita ang magkaribal ngunit kabaliktaran pa no’n ang nangyari!
“Good evening, sir!” bati ng bagong kinakasama niya sa kaniyang dating mister na tumango lamang naman bilang tugon. “Congratulations po sa nalalapit n’yong kasal,” dagdag pa nito na ikinabigla naman ni Lilibeth.
“B-boss mo siya?” nanghihinang tanong ni Lilibeth. Ngunit lihim na kinakabahan siya nang mga oras na iyon.
“Naku, hindi. Siya ang may-ari ng kompaniyang makikipag-merge sa boss ko. Siya ang mapapangasawa ng anak ni Mr. Sy!” nakangiti namang sagot sa kaniya nito na halos ikapanlumo ni Lilibeth.
Lingid kasi sa kaalaman ni Lilibeth, matapos niyang iwan si David para sa ibang lalaki ay ginawa nito ang lahat upang magsumikap sa buhay. Nang makaipon ito ng maliit na kapital ay inumpisahan agad niya ang pagtatayo ng isang negosyo, sa tulong ng kanilang mga anak. Ngayon ay isa na rin itong mayamang negosyante!
Laking pagsisisi ni Lilibeth na iniwan niya ang kaniyang pamilya para lang sa ibang lalaki. Ngayon ay hindi na niya mababawi pa ang lahat ng nasayang niyang panahon.