Inday TrendingInday Trending
Inagaw lang ng Babaeng Ito ang Kaniyang Nobyo; Ngayon ay Guguluhin Siya ng Sarili Niyang Multo

Inagaw lang ng Babaeng Ito ang Kaniyang Nobyo; Ngayon ay Guguluhin Siya ng Sarili Niyang Multo

“Anong oras na, hindi pa rin umuuwi ang lalaking ’yon?!” anas ni Ferlyn matapos niyang maalimpungatan mula sa pagkakaidlip niya habang nakasubsob ang mukha sa mesa, sa kanilang kusina. Lumamig na ang pagkaing inihanda niya para sa kinakasamang si Oliver dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ito umuuwi galing sa trabaho, gayong dapat ay kanina pa ito naroon.

Ngayon pa naman ang ikalawang anibersaryo ng pagsasama nilang dalawa bilang magnobyo, kaya’t naisipan niya itong lutuan ng masasarap na pagkaing paborito nito—ngunit wala ito ngayon sa kaniyang tabi. Nanggagalaiti tuloy si Ferlyn!

Napapaisip siya. Paano kung lokohin siya nito ’tulad ng ginawa nito sa dating nobya nito bago naging sila? Paano kung agawin din ito ng ibang babae, ’tulad ng ginawa niya noon para lang makuha ito?! Pakiramdam ni Ferlyn ay hindi niya kakayaning maranasan ang sakit na idinulot niya noon sa ibang babae. Alam niyang malaki ang kasalanan niya sa nagawang ’yon kaya naman ngayon ay halos ayaw siyang patahimikin ng sarili niyang multo!

“Saan ka galing, ha?! Kanina pa ang out mo sa trabaho, pero ngayon ka lang umuwi! Sino’ng kasama mo? Nambabae ka, ha?” sunod-sunod na pagbubunganga ni Ferlyn bilang pambungad noon sa kaniyang asawa nang sa wakas ay umuwi ito nang pasado alauna na ng madaling araw.

Sinalag-salag naman nito ang bawat paghampas niya kasabay ng pagbubunganga niya at kunot-noo siyang pinakalma. “Mahal, ano ba! Tumigil ka nga! P’wede bang pakinggan mo muna ako?” naiinis na sabi pa ni Oliver sa kaniya.

“At ano ang idadahilan mo ngayon? Overtime ka? Huwag mo akong pinaglololoko, Oliver! Ka-chat ko ang boss mo kanina. Ang sabi niya, maaga ka raw nag-out!” hiyaw naman ni Ferlyn.

Doon ay lalong napakunot ang noo ni Oliver. “Ano?! Pati ba naman boss ko, ch-in-at mo, Ferlyn?” Pagkatapos ay napatampal ito sa sariling noo. “Wala na ba akong natitirang privacy man lang sa ’yo?”

Isang hampas na naman ang pinakawalan ni Ferlyn sa kaniyang nobyo. “Huwag mong ibahin ang usapan, Oliver! Sabihin mo sa akin kung saan ka nanggaling! Sino’ng kasama mo? Bakit ngayon ka lang umuwi, gayong anniversary natin!” mangiyak-ngiyak nang tanong niya sa kinkaasama.

“Bakit ba kasi ayaw mo muna akong hayaang magpaliwanag? Kung anu-ano agad ang iniisip mo!” pasigaw rin namang ganti sa kaniya ni Oliver bago nito hinugot mula sa kaniyang bulsa ang isang maliit na karton na kulay itim at iniabot iyon sa kaniya. “Alam mo ba kung saan ko pa dinaanan ’yan para lang maibigay ko ang gusto mo? Pinasadya ko ’yan noong isang araw doon mismo sa shop kung saan tayo tumingin ng sing-sing noon, Ferlyn! Dahil bilang pambawi sana ay magpo-propose na ako sa ’yo ng kasal!” naiinis na sabi sa kaniya ni Oliver.

Biglang natahimik si Ferlyn sa nalaman. Ngayon ay hindi na niya alam kung paano babawiin ang masasakit na sinabi niya kanina sa nobyo.

“Alam mo, Ferlyn, hindi tayo makakausad kung mananatili kang nakakulong sa nakaraan. Oo nga’t nagsimula tayo sa isang kasalanan, ngunit alam mo namang pilit kong inaayos ’yon dahil mahal na mahal kita. Sana naman, patawarin mo rin ang sarili mo!” sabi pa ni Oliver bago ito malalim na bumuntong hininga at nagpatuloy sa pagsasalita. “Ang mas mabuti pa siguro, maghiwalay muna tayo. Aalis muna ako para naman makapag-isip-isip ka kung gusto mo pa bang ipagpatuloy itong relasyong ito o hindi na.”

Hindi na napigilan pa ni Ferlyn ang nobyo. Umalis ito sa kanilang tahanan upang makipaghiwalay muna sa kaniya. Dahil doon ay labis tuloy ang nadaramang lungkot ni Ferlyn. Halos ayaw siyang patulugin ng alaala ng mga nagawa niyang mali noon.

Ilang linggo pa ang nakalipas at isang desisyon ang nabuo sa isip ni Ferlyn. Pinuntahan niya ang dating nobya ni Oliver upang personal na humingi rito ng tawad dahil sa nagawa niyang pang-aagaw dito noon.

“Bakit mo naisipang makipagkita sa akin?” mariing tanong ng babae sa kaniya pagkarating na pagkarating pa lang nito sa lugar na napag-usapan nila.

“Gusto kong personal na humingi ng tawad sa ʼyo, Gem. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa ʼyo kaya kahit anong galit mo ay tatanggapin ko,” sinsero namang sagot niya na nakapagpatahimik sa babae.

Kalaunan ay ibinigay nito sa kaniya ang pagpapatawad na hinihingi niya. Bukod doon ay sinabi rin nito sa kaniya na ang totoo ay matagal nang nanlalabo ang relasyon nila noon ni Oliver bago pa siya dumating sa eksena, kaya naman kahit papaano ay nalubag ang loob niya.

Nakipag-ayos siya kay Oliver matapos iyon at napagplanuhan nilang huwag munang magsama sa iisang bubong hanggaʼt hindi pa sila kasal. Ngayon ay mas gusto nilang simulan ulit ang kanilang relasyon sa tamang paraan.

Advertisement