Tinakot ng mga Sigang Ito ang May-ari ng Tindahang Kanilang Pinagkakautangan; Yari Sila sa Magtuturo sa Kanila ng Leksyon

“Hoy!” malakas na tawag ni Aling Ising sa tatlong magkakabarkadang sina Tonyo, Berto, at Boyong nang mapadaan ito sa tapat ng kaniyang tindahan, na agad namang ikinalingon ng mga ito nang nakakunot ang noo.

Pagkatapos ay lumabas naman si Aling Ising sa naturang tindahan at namaywang sa kanilang harapan upang muling bulyawan ang tatlo, kahit pa halata naman sa mga itong mayroon pa silang hang-over mula sa inuman nila kagabi.

“Ano baʼng isinisigaw nʼyo dʼyan, Aling Ising? Nakakabulahaw naman kayo, ang aga-aga!” hiyaw ni Berto sa mukha mismo ng matanda dahil sa inis.

“Ah, gan’on?! Kapag kayonang mambubulahaw sa akin sa gabi dahil mangungutang kayo ay ayos lang. Kapag ako na ang mambubulahaw sa inyo para maningil ay magagalit kayo? Aba, hindi yata pupuwede ’yan!” matapang pang sigaw ni Aling Ising sa mga ito na lalo pang ikinapikon ng tatlo.

“Aling Ising, huwag nʼyo kaming sinisingil kapag ganito kaaga, naiintindihan n’yo? Baka kasi hindi namin kayo matantya at masapok namin ang mukha ninyo!” banta naman ni Boyong sa matanda na ni hindi man lang nagdalawang isip sa kaniyang sinabi.

Kilalang mga siga ang magbabarkadang ito sa kanilang lugar. Bukod sa halos laman sila ng bawat gulo rito ay hindi rin lingid sa kanilang kaalaman na walang araw na hindi naglasing ang mga ito. Ngunit sa hindi sapat iyon upang takutin nila si Aling Ising.

“Abaʼt hindi lamang pala kayo mga sanggano, kundiʼy mga wala pa kayong galang! Huwag ninyo akong hahamunin. Nako, sinasabi ko sa inyo!” galit namang sagot ni Aling Ising sa mga ito bago siya pumaok muli sa kaniyang tindahan hindi upang magtago kundi upang kunin ang kaniyang itak at habulin ng taga ang mga ito!

Nagkatinginan naman ang magbabarkada at imbes na matakot ay natawa pa sila sa inasal ng matanda. Wala kasing kahirap-hirap na inagaw ni Tonyo ang itak na hawak ni Aling Ising at pagkatapos ay iniamba iyon sa matanda upang takutin ito.

Advertisement

Ang eksenang iyon ang siyang inabutan ni Romel. Ang anak ni Aling Ising na isang pulis. Dahil doon ay mabilis siyang kumilos upang dakmain ang kuwelyo ng lalaki at ihagis ito palayo sa kaniyang ina.

“Inay, ayos lang ho ba kayo? Ano’ng ginawa sa inyo ng mga damuhong ito?” tanong ng nagagalit na si Romel kay Aling Ising na mabilis namang ikuwinento ang nangyari.

Pagkakita pa lamang kay Romel ay halos matahimik na ang tatlong siga. Paano kasi ay nanliliit silang tingnan ang malabatu-batong katawan nito, mula sa naglalakihan nitong mga braso at nagtitigasang dibdib! Sabay-sabay pang napalunok ang tatlong siga nang makita nilang unti-unti silang nilalapitan ng nakatatakot na pulis habang may binubunot ito mula sa kaniyang tagiliran, at halos mapaigtad sila nang mahugot na nito nang tuluyan ang kung anumang binubunot nito! Posas!

“B-boss, huwag naman po. Hindi naman talaga namin balak saktan ang nanay n’yo, e. T-tinatakot lang namin siya kasi wala pa kaming pambayad,” mangiyak-ngiyak na pakiusap ng tatlo kay Romel habang ipinapasok niya ang mga ito isa-isa sa selda.

“Tinatakot n’yo, alam n’yong matanda na ’yon? Isa pa, matagal na rin naman kayong sakit sa ulo ng Barangay Poblacion kaya dapat lang sa inyong mabulok muna r’yan hanggang sa magtanda kayo!” sagot naman ni Romel sa mga ito bago niya sila iniwang tulala.

Hindi akalain ng tatlo na mayayari pala sila ng anak ni Aling Ising na siyang nagsisilbing proteksyon ng sarili niyang ina. Kung alam lamang nila ay hindi na sana nila tinangka pang mangutang doon.

Makalipas ang ilang linggo ay nakalabas din naman ang tatlo sa seldang kanilang tinuluyan, ngunit magkaganoon pa man ay hindi pa rin nadadala ang mga ito. Wala pa rin silang balak tumigil sa pagiging sakit nila sa ulo at sa pagsisiga-sigaan sa lugar na iyon, ngunit laking pagtataka nila dahil sa kanilang pagbabalik ay tila wala nang taong natatakot sa kanila sa Barangay Poblacion.

Ang lahat ng mga ito ay lumalaban na, kahit pa ang matatanda, kaya naman makailang ulit pang nag*lpi ang tatlo sa tuwing magtatangka silang manakot ng tao. Ang hindi nila alam ay kinausap na ni Romel ang buong barangay upang gawin iyon nang sa ganoon ay wala nang mabiktima pa ang mga dahunong sina Tonyo, Berting, at Boyong, na kalaunan ay nagpasiya na lang na magbanat ng buto dahil wala nang nagbibigay sa kanila.