Inday TrendingInday Trending
May Nobyo na ang Dalaga pero Hindi Niya pa rin Maalis ang Paghanga sa Isang Binata; Reyalisasyon ang Naibigay Nito sa Kaniya

May Nobyo na ang Dalaga pero Hindi Niya pa rin Maalis ang Paghanga sa Isang Binata; Reyalisasyon ang Naibigay Nito sa Kaniya

Kahit may nobyo na ang dalagang si Fiona, hindi niya pa rin mawaglit sa isipan ang binatang unang bumihag sa kaniyang puso noong siya’y nasa hayskul pa lamang.

Hindi man siya nito kilala at tanging pagsulyap lang ang nagagawa niya rito tuwing dadaan ito sa kaniyang harapan o tuwing makakasabay niya ito sa jeep, hindi niya mawari kung bakit kilig na kilig siya kahit wala naman itong ginagawa.

May pagkakataon pa ngang pilit siyang nagpaganda para lamang mapansin nito. Ngunit kahit sobrang tingkad na ng make-up sa mukha niya, ni hindi siya nagawang lingunin nito kapag tinatawag niya.

Kahit pa ganoon, patuloy na lumalim ang pagtingin niya sa binata. Naputol lamang nito nang magpunta at mag-aral ito sa ibang bansa.

Mahirap man ang sitwasyong ito para sa kaniya na humaling na humaling sa binata, pinilit niya pa ring makapagtapos ng pag-aaral at makatagpo ng isang magandang trabaho. Dito na niya natagpuan ang binatang taos pusong nagpapakita sa kaniya ng pagmamahal dahilan para hindi kalaunan, magpasiya siyang pumasok sa isang relasyon kahit hindi niya pa limot ang pangarap na binata.

Kaya naman ngayong mayroon silang gaganaping reunion sa kanilang paaralan, hindi niya magawang kumalma dahil muli niyang makikita ang lalaking nagbigay tamis sa buhay niya noon.

Hanggang sa dumating na nga ang pinakahihintay niyang araw. Maaga siyang nagising upang mapaghandaan ang pagdiriwang na kaniyang dadaluhan. Siniguro niyang wala ni katiting na gusot ang susuotin niyang bestida, at maayos ang gagamitin niyang sapatos.

“Sana naman dumalo si Bryan at sana, isayaw niya ako habang tumutugtog ang isang romantikong musika!” masaya niyang pangangarap pagkagising na pagkagising niya.

“Ni hindi ka nga yata kilala no’n, eh! Nananaginip ka na naman nang gising!” sabat ng kaniyang pinsang nagising dahil sa ingay niya.

“Edi huwag na niya akong isayaw! Basta, sana, kahit kindatan o pansinin niya lang ako, ayos na!” tugon niya habang kinikilig-kilig pa.

“Hoy, Fiona, baka nakakalimutan mo, may nobyo ka na. Hindi ka na dapat nag-iilusyon nang gan’yan!” saway sa kaniya ng kaibigan na ikinanguso niya.

“Hindi niya naman malalaman, eh!” sigaw niya rito saka agad nang bumangon at naghanda ng kanilang makakain.

Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga silang umalis ng kaniyang pinsan para magpunta sa dati nilang paaralan. Habang nasa daan, walang sawa siyang nanalangin na sana’y naroon ang naturang binata at siya’y pansinin.

Tila dininig naman ng Panginoon ang kaniyang dalangin dahil pagkapasok na pagkapasok nila sa bulwagan, ito ang unang lalaking nakita niya.

“Diyos ko! Si Bryan, narito!” kinikilig-kilig niyang bulong sa kaibigan habang kinukurot niya ang tagiliran nito.

“Malandi ka talaga, ‘no? Sabi sa’yong umayos ka na dahil may nobyo ka na! Ano, pipiliin mo pa ang lalaking ‘yan kaysa sa nobyo mong mahal na mahal ka?” sigaw sa kaniya ng pinsan niya.

“Hindi naman niya malalaman, eh,” malandi niyang sabi saka agad na lumapit sa binata.

“Hi, Bryan, natatandaan mo pa ba ako? Ako ‘yong…” hindi na niya natapos ang sasabihin.

“Nobya ng pinsan ko. Palagi ka niyang kinukwento sa akin simula pa noong pumasok ka sa kumpanyang pinagtatrababuhan niya. Kaya nga, pakiramdam ko, kilalang-kilala na kita. Hindi ko inakala na ka-batch pala kita noong hayskul. Huwag mong sasaktan ang pinsan ko, ha, baliw na baliw sa’yo ‘yon!” kwento nito na ikinagulantang niya. Magsasalita pa lang sana siya nang bigla na siyang hablutin ng kaniyang pinsan palayo.

“Ano? Sabi ko naman sa’yo, walang pakialam sa’yo ‘yang lalaking ‘yan! Kung hindi dahil sa nobyo mo, hindi ka niyan makikilala! Kaya ikaw, tatantanan mo na ang emosyon mo at maging tapat ka sa nobyo mo! Iilan na lang ang mga lalaking baliw sa nobya nila!” pangaral nito na ikinakamot niya na lamang ng ulo.

Doon na niya labis na naunawaan na siya talaga ay walang pag-asa sa lalaking pangarap niya. Ganoon pa man, maswerte pa rin siyang makatagpo ng isang binatang hangang-hanga sa tunay na pagkatao niya.

“Simula ngayon, kakalimutan na kita,” bulong niya habang nakatingin sa binata saka agad na lumabas ng bulwagan upang yayaing lumabas ang kaniyang nobyo.

Wala pang sampung minuto, agad na siyang sinundo ng kaniyang nobyo roon at siya’y dinala sa isang maganda at romantikong lugar.

“Swerte nga talaga ako sa’yo, mahal, makakaasa kang simula ngayon, sa’yo na ang buong puso ko,” sabi niya na ikinangiti nito.

Tuluyan na nga niyang nilimot ang kaniyang highschool crush simula noon at itinuon ang buong pagmamahal sa pangkasalukuyang nobyo na talaga nga namang nagbigay ng magandang resulta sa kanilang pagmamahalan.

Advertisement