
Ikinahiya ng Dalaga ang Amang Nasa Bilangguan; Ito pala ang Sasagot sa Mapait Niyang Buhay sa Hinaharap
Mula pagkabata, nilimot at kinahiya na ni Yassi ang kaniyang ama. Kung may nagtatanong man kung kumusta na o kung nasaan ang kaniyang ama, palagi niyang sagot, “Wala na, nasa impyerno na!”
Pitong taong gulang pa lamang siya noong nasaksihan niya kung paano dakipin ng tatlong pulis sa kanilang bahay ang kaniyang ama. Sariwa pa rin sa kaniyang isipan kung paano nagmakaawa ang kaniyang ina sa mga pulis upang huwag kaladkarin o paputukan ng baril ang tatay niyang panay ang pagpupumiglas.
“Tama na po! Huwag niyo pong saktan ang asawa ko! Mabuting tao naman po talaga ‘yan, sadyang natukso lang ng kalaban kaya nagawa niyang tumapos ng buhay!” sigaw ng kaniyang ina na kahit tono nito, saulong-saulo niya.
Doon na niya nalaman kung anong nagawa ng kaniyang ama. Nagawa nitong tapusin ang buhay ng isang lalaking nakasagutan nito dahil sa trapiko. Kwento pa ng kaniyang ina, “Sinabihan kasi ng drayber ng bus ang tatay mo ng walang “kwentang ama at asawa” dahil lang bisikletang bulok ang gamit niyang sasakyan.”
Kahit na ganoon pa ang dahilan ng kaniyang ama, alam niyang hindi pa rin ito tama dahilan para ganoon niya ito sabay na kamuhian at katakutan. Idagdag pa rito ang pagkalat ng naturang balita sa paaralang pinapasukan niya na nagdulot ng isang matinding bangungot sa murang isipan niya.
Simula nang umingay ang balitang iyon, araw-araw na siyang minamaliit, kinamumuhian, at iniiwasan ng kaniyang mga kamag-aral. Naririnig niya pa kung paano pagsabihan ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag lalapit sa isang katulad niya na anak ng isang kr*minal.
Ang sugat na dala ng pagkakulong ng kaniyang ama ay nabitbit niya hanggang sa kaniyang paglaki dahilan para kahit minsan, hindi niya ito tinangka o kahit naisip man lang na dalawin sa kulungan.
Mahirap man ang buhay niya, lalo na nang sumakabilang buhay ang kaniyang ina nang hindi man lang niya naipatingin sa doktor, siya’y labis na nagpurisgi upang makaahon sa pagkakadapa.
Ngunit kahit anong pagsisipag niya upang makahanap nang maayos at permanenteng trabaho, palagi na lang siyang hindi natatanggap at umuuwing luhaan dahil hindi elementarya lamang ang natapos niya.
Habang siya’y naglalakad pauwi galing sa isang kumpanyang pinag-applyan niya, nanlaki ang mata niya nang makasalubong niya ang kapatid ng kaniyang ama na matagal na niyang hindi nakikita.
“Kumusta ka na, hija? Dalagang-dalaga ka na, ha? Nakikiramay nga pala ako, ha, nabalitaan ko ang pagkawala ng nanay mo. Gustuhin ko mang dumalaw no’n, hindi ko magawa dahil sa dami ng ginagawa ko sa trabaho,” sambit nito habang hawak ang kaniyang kamay.
“Ayos lang po, tita, maayos ko naman pong nairaos ang burol ni mama. Ayos lang din naman po ako. Sa ngayon po, naghahanap po ako ng trabaho,” nakangiti niyang kwento rito.
“Bakit kailangan mo pang magtrabaho? Ang laki-laki na ng mamanahin mo mula sa tatay mo, eh. Kung ako sa’yo, gamitin mo ‘yon sa pagnenegosyo!” tugon nito na pinagtaka niya.
“Ano pong mana? Saka, paano naman po ako magkakaroon ng mana sa tatay ko? Simula pitong taong gulang po ako, nakakulong na ‘yon,” pang-uusisa niya.
“Tatlong taon na siyang nakalaya, hija. Noong nasa kulungan siya, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang makiisa sa mga livelihood program doon. Ang mga nagagawa niyang gamit, kapag nabenta sa labas, nagkakaroon siya ng porsyento. Inipon niya ang lahat ng perang kinita niya roon at nang matapos na ang sintensya niya, ginamit niya ang pera upang makapagpatayo ng negosyo. Ngayon, kinikilala na ang tatay mo sa iba’t ibang bansa. Sa katunayan, sa kumpanya niya ako nagtatrabaho ngayon,” mahaba nitong kwento na labis niyang ikinagulat.
“Ate naman, inunahan mo pa akong magkwento sa anak ko!” sabat ng isang pamilyar na boses at paglingon niya, nakita niya ang kaniyang ama na ibang-iba na ang itsura, “Pasensya ka na, anak, ha, sinigurado ko muna kasing may maganda akong buhay na maibibigay sa’yo at sa nanay mo. Sayang nga, nahuli ako nang kaunti,” nakatungo pa nitong sabi na kaniyang ikinaiyak.
Hindi niya alam kung bakit bigla na lang nawala ang galit na naipon sa puso niya nang makita niyang disente at masaya ang itsura ng kaniyang ama. Imbes na poot ang maramdaman niya noong oras na iyon, pagkaulila rito ang mas naging matimbang.
Lalo pa siyang napaiyak nang yakapin siya nito.
“Na-miss kita, papa,” tangi niyang sabi na ikinahikbi na rin nito.
Doon niya napagtantong kahit pala ganoon ang nagawa ng kaniyang ama noon, hindi pa rin siya nawaglit sa isipan at puso nito. Ito ang dahilan para siya’y agad na sumama rito at tumulong sa kumpanyang patuloy nitong pinalalago.
“Salamat, papa, nadapa ka man, pilit kang bumangon para sa amin ni mama,” sabi niya sa ama nang dalawin nila ang puntod ng kaniyang ina. Ngumiti lamang ito saka siya muling niyakap.