Hindi na malaman ni Rochie ang dapat niyang gawin upang mapatino ang siyam na taong gulang niyang anak. Sa edad nito, marami na itong kalokohang ginagawa na madalas, nakapagbibigay sa kaniya ng sakit ng ulo.
Bukod palagi siyang pinapatawag ng punongguro sa pinapasukan nitong paaralan dahil sa mga kalokohang ginagawa nito sa loob ng silid-aralan, madalas din siyang pinapatawag sa barangay dahil naman sa mga ginagawa nitong labag sa batas katulad ng pagpipinta sa pader ng simbahan ng mga masasamang salita, pagbibisikleta sa gitna ng kalsada kasabay ang mga naglalakihang sasakyan, pagsagot at pambabastos ng mga nakakatanda, at marami pang ibang kalokohan na talagang ikinaiiyak niya na lang kung minsan.
“Ano bang dapat kong gawin sa anak ko, Panginoon? Kanino ba siya nagmana? Hindi naman gan’yan ang ugali ng yumao kong asawa at lalo’t higit, hindi naman ganoon ang pag-uugali ko!” tanong niya habang siya’y nakaluhod sa simbahan.
“Tumayo ka nga riyan, mama, para kang baliw d’yan. Kausap ka nang kausap sa rebultong ‘yan, eh, wala naman ‘yang buhay. Paano ka sasagutin niyan?” pabalang na sabi ng kaniyang anak na ikinagulat niya.
“Tumahimik ka riyan! May lahi ka bang demonyo, ha? Bakit ka gan’yan?” inis niyang tanong dito.
“D*monyo ka ba, mama?” sagot pa nito na lalo niyang ikinagalit dahilan para habulin niya ito palabas ng simbahan.
“Huwag kang uuwi sa bahay! Wala akong anak na d*monyo!” sigaw niya rito ngunit imbes na matakot ito sa babala niya, binelatan pa siya nito saka siya kumendeng-kendeng na lalo niyang ikinainis.
Sa sobrang inis na nararamdaman niya, minabuti niya na lamang na umuwi at magpahinga.
Pagsapit ng alas sais ng gabi, nagsimula na siyang magluto ng pagkain nilang mag-ina. Kaya lang, tapos na siyang magluto at maghain, wala pa rin ang kaniyang anak.
“Diyos ko, mukhang tinotoo nga ng anak ko ang sinabi ko, ha?” pag-aalala niya saka agad na kinuha ang susi ng kaniyang motorsiklo upang hanapin ito sa kanilang lugar.
Ngunit bago pa man siya makalabas ng kanilang bahay, dumating na ang kaniyang anak at ito’y may bitbit-bitbit na puto bumbong.
“Saan ka nanggaling?” mataray niyang tanong dito.
“Hinintay ko pong magbukas ‘yong tindahan ng puto bumbong sa tapat ng simbahan,” seryoso nitong tugon saka agad na naupo sa harap ng kanilang hapag-kainan.
“Ayos ka lang ba? Bakit parang may iba sa’yo ngayong araw? Hindi ka naman gan’yan katamlay kanina bago tayo maghiwalay ng landas,” pagtataka niya, ngunit imbes na makatanggap siya ng pilyong sagot mula rito katulad ng ginagawa nito noon, umiyak lang ito saka siya agad na niyakap na lalo niyang ikinagulat, “Ano’ng problem, anak? May ginawa ka na naman bang kalokohan? Makukulong ba ako dahil sa ginawa mo kaya ka nagkakagan’yan?” natataranta niyang tanong.
“Hindi po, mama. Napagtanto ko lang po kung gaano ako kaswerte sa buhay ko. May nanay akong mapagmahal at maunawain, may bahay akong tinitirhan at may masarap na pagkaing kakainin, habang si Kiko, nando’n sa tapat ng simbahan, nilalanghap ang amoy ng puto bumbong para isiping siya’y may nakakain,” kwento nito habang humihikbi.
“Sino naman si Kiko?” tanong niya.
“Iyong batang nangotong sa akin kanina nang makita niyang binabastos kita sa simbahan, mama. Noong una nag-away kami, pero nang paliwanagan na niya ako, biglang nanlambot po ‘yong tuhod ko,” sambit pa nito saka nagpunas ng luha, “Gusto ko pong maging isang katulad ni Kiko, mama, ayoko na pong magpasaway sa inyo,” wika pa nito na talagang nagpaiyak sa kaniya.
Sa sobrang tuwa niya, agad siyang nagpasama sa anak upang makilala si Kiko. Niyaya nila itong kumain sa kanilang bahay at doon niya napatunayan kung gaano kabait ang batang iyon.
Dahil sa kabaitang pinakita nito sa kaniya at tila milagrong ginawa nito sa kaniyang anak, siya’y nagdesisyon na ampunin ito at pag-aralin katulad ng kaniyang anak.
“Sigurado po ba kayo? Hindi niyo pa po ako gano’n kakilala. Bakit nagtitiwala na po kayo agad sa akin?” pagtataka nito.
“May balak ka bang sirain ang tiwala namin?” tanong niya, agad naman itong umiling, “Edi, wala tayong problema! Basta, gabayan mo lang ang anak ko patungo sa tamang landas,” nakangiti niyang sabi na labis nitong ikinatuwa.
“Makakaasa po kayo!” sigaw nito sa sobrang saya.
Iyon na ang naging simula upang tuluyang magbago ang kaniyang anak. Lahat ng kakilala nila, talagang nagulat sa pagiging mabait nito na malayong-malayo sa dating pag-uugali nito.
Nagkaroon din ng kulay at ingay ang kanilang bahay dahil ngayon, mayroon na siyang dalawang anak na masayahin at matulungin na nagbibigay saya sa kaniya sa araw-araw.