Inday TrendingInday Trending
Pagkain sa Kapilya ang Tangi Niyang Pag-asa; Mas Malaking Biyaya pala ang Matatagpuan Niya Rito

Pagkain sa Kapilya ang Tangi Niyang Pag-asa; Mas Malaking Biyaya pala ang Matatagpuan Niya Rito

Doble ang sakit at lungkot na nararamdaman ng dalagang si Emma ngayon. Sabay na nawala ang kaniyang mga magulang dahil sa isang aksidente sa laot at naiwan sa kaniya ang tatlo niyang nakababatang kapatid.

Walang ibang iniwan ang kaniyang mga magulang kung hindi ang kanilang barung-barong na bahay dahilan para ganoon na lang siya mag-isip kung paano niya buhuhayin ang kaniyang mga kapatid.

Gustuhin man niya sanang magtrabaho, hindi niya magawa dahil bukod sa hindi pa siya tapos sa pag-aaral kaya wala siyang maayos-ayos na trabahong mapasukan, alagain pa ang bunso niyang kapatid na hindi niya naman maiwan sa siyam na taong gulang niyang kapatid na sumunod sa kaniya.

Kahit anong pilipit niya sa kaniyang katawan, wala siyang maisip na paraan upang kumita ng pera pambili ng kanilang pagkain.

“Ate, dumalo na lang kaya tayo sa misa roon sa kapilya para makakain tayo? Hindi ba’t kada tapos ng misa, may binibigay na pagkain doon?” sambit ng pangalawa niyang kapatid nang makita siyang namomroblema na naman habang karga-karga ang natutulog nilang bunso.

“Naku, nakakahiya! Hindi naman talaga tayo dumadalo roon. Baka sabihin ng mga kapitbahay natin, walang-wala na talaga tayong makain kaya tayo magpupunta roon,” sagot niya habang simangot na simangot pa.

“Iyon naman talaga ang dahilan, ate, ‘di ba? Halika na! Huwag mo nang isipin kung ano’ng sasabihin nila! Ang mahalaga ngayon, makakain tayong lahat!” giit nito na ikinabuntong-hininga niya na lamang.

“Ate, gutom na ako!” sigaw pa ng isa nilang kapatid dahilan para wala na siyang magawa kung hindi dalhin ang mga ito sa kapilya sa tapat ng kanilang barangay.

Pagdating nila roon, agad silang sinalubong ng mga madreng namamahala sa naturang kapilya. Dali-dali silang pinaupo at sinabihang makinig maigi at huwag maingay upang hindi maistorbo ang misa.

Kaya lang, habang nasa kalagitnaan ng panenermon ang paring nasa harapan, bigla namang nagising ang bunso niyang kapatid at ito’y umiyak nang napakalakas.

Sinubukan niya itong patahanin sa pamamagitan ng pagtayo at paghehele ngunit kahit ano’ng gawin niya, ayaw nitong tumigil sa kakangawa.

“Naku, miss, mukhang kailangan mo na siyang pas*suhin,” payo sa kaniya ng isang ginang na nasa harapan nila.

“Ay, wala po akong gatas. Kapatid ko po ang batang ito at wala na kaming nanay,” mangiyakngiyak niyang sagot habang patuloy na hinehele ang umiiyak na kapatid.

“Ganoon ba? Akin na siya, papad*dehin ko,” sabat ng isa pang ginang na nasa gilid nilang magkakapatid saka kinuha ang kaniyang kapatid at lumabas ng kapilya.

Sinundan niya ito ng tingin at nakita niya itong pumasok sa isang magarang sasakyan na bigla niyang ikinakaba. Minabuti niya itong sundan kaya siya rin ay pinapasok nito sa naturang sasakyan.

“Matagal na ba kayong dumadalo sa mga misa rito?” tanong nito sa kaniya habang pinapad*de ang kapatid niyang ngayon ay muling natutulog.

“Ah, eh, hindi po. Ngayon lang po kami nakadalo rito. Sa katunayan po, dumalo lang talaga kami para sa pagkaing ibibigay pagkatapos ng misa,” nakatungo niyang tugon.

“Seryoso ka ba riyan, hija?” tanong pa nito.

“Opo,” sagot niya saka niya ikinuwento rito ang hirap ng buhay na pinagdadaan nilang magkakapatid ngayon.

Maya maya pa, tuluyan na ngang natapos ang misa. Kitang-kita niya kung paano makipag-agawan ng pagkain ang kaniyang mga kapatid na labis na dumurog ng puso niya.

“Ate, o, nakuha kita ng pagkain!” sabi ng pangalawa niyang kapatid saka inabot sa kaniya ang isang styro ng pansit na agad niya ring kinain kasabay ng mga ito.

Habang sila’y nagmamadaling kumain, nilapitan sila ng ginang na tumulong sa kaniya kanina. May kasama pa itong isang ginoo na agad na nag-abot sa kaniya ng pera.

“Para saan po ito?” tanong niya sa likod ng tumatalon niyang puso dahil sa saya.

“Tulong namin sa’yo, hija, at gusto pa naming tulungan ka sa mga darating na araw. Gusto mo bang magtrabaho? Kami nang bahala sa mga kapatid mo tuwing may trabaho ka,” alok ng ginang saka tumingin sa ginoong kasama nito.

“Talaga po?” paninigurado niya.

“Oo naman, hija. Wala rin kasing kalaro ang anak ko sa bahay. Kapag wala itong asawa ko, sobrang tahimik sa bahay namin kaya nalulungkot ako,” sabi pa nito na talagang agad niyang ikinaiyak sa tuwa.

Wala na nga siyang na oras at agad nang sumama sa mag-asawang ito. Siya nga ay binigyan ng trabaho sa isang restawran ng ginoo habang inalagaan naman ng ginang ang kaniyang mga kapatid na talagang nakatulong sa kaniya.

Sa ganitong paraan, nalilibre na silang magkakapatid sa pagkain, nakapag-iipon pa siya para sa kaniyang mga kapatid.

“Hulog po talaga kayo ng langit sa’ming magkakapatid,” iyak niya sa ginang nang minsan niyang sunduin ang mga kapatid sa bahay nito.

“Diyos ang may gawa nito, hija. Kung hindi Niya kayo tinulak na magpunta sa kapilya noong araw na ‘yon, hindi namin kayo matutulungan,” nakangiti nitong sagot dahilan para siya’y labis na nagbigay papuri sa Itaas.

Simula noon, hindi naman natanggal ang lungkot sa puso niya bunsod sa pagkawala ng kanilang mga magulang, masaya siyang nakakakain silang magkakapatid sa araw-araw.

“Ang pagdalo lang pala sa kapilyang iyon ang solusyon sa patong-patong na lungkot at hirap na bigay sa akin ng tadhana,” sabi niya sa hangin.

Advertisement