Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Dalagang Anak sa Muling Pakikipagrelasyon ng Ina; Patutunayan ng Lalaki ang Kaniyang Tunay na Hangarin

Tutol ang Dalagang Anak sa Muling Pakikipagrelasyon ng Ina; Patutunayan ng Lalaki ang Kaniyang Tunay na Hangarin

Nakakunot ang noo ng dalagang si Sydney nang salubungin ang kaniyang inang si Carmela sa pintuan ng kanilang bahay. Ginabi na kasi ng uwi ang ginang mula sa date nila ng bago niyang manliligaw na si Gene.

“Sumama ka na naman pala sa lalaking ‘yun! ‘Ma, bakit ba kailangan mo pang magkaroon ng kasintahan? Ayos naman po kung tayong dalawa na lang. Hindi dahil niloko ka ni papa ay maghahanap ka na rin ng ibang ipapalit sa kaniya! Isipin mo naman ako!” saad ng dalaga.

“Alam kong ngayon ay hindi mo pa mauunawaan ang lahat, pero mabuting tao ang Tito Gene mo. Ngayon lang naman ako pumayag na lumabas kasama ang ibang lalaki, ‘di ba? Bigyan mo naman siya ng pagkakataon. Matagal ko na siyang kilala at alam kong mabuti siyang tao,” paliwanag pa ng ina.

“Bakit kasi hindi p’wede na tayo na lang dalawa? Ayos naman po tayo na tayo lang! Kahit ano pa ang sabihin mo ay hindi ko matatanggap ‘yang lalaking ‘yan sa buhay natin! Tulad ni papa ay papaniwalain lang niya tayo na mabuti siya sa umpisa, pero bandang huli ay lolokohin ka rin niya!” dagdag pa ni Sydney.

Hindi naman masisi ni Carmela ang anak sa pagtutol nito. Ilang beses kasi nitong nasaksihan ang matinding pag-aaway ng kaniyang mga magulang nang dahil lang sa ibang babae. Ito ang pinakanaapektuhan simula nang maghiwalay sila ng dating asawa.

Dahil nga iniisip ni Carmela ang kapakanan ng anak ay kinausap niya si Gene na huwag na muna silang magkita, ngunit talagang mapilit ang ginoo.

“Patutunayan ko sa anak mo na magiging mabuti akong ama sa kaniya kung bibigyan niya lang ako ng pagkakataon. Alam mo naman ang nararamdaman ko sa iyo noon pa, Carmela. Ikaw lang ang babaeng minahal ko nang ganito. Tanggap ko ang lahat sa iyo!” pagsusumamo ni Gene.

“Pero ayaw ng anak kong mag-asawa akong muli. Natatakot akong maapektuhan ang relasyon namin,” tugon pa ni Carmela.

“Bigyan mo ako ng pagkakataon at sisiguraduhin kong darating din ang araw na papayag siya sa relasyon nating dalawa. Mahal kita, alam mo ‘yan! At alam kong mahal mo rin ako, Carmela. Huwag naman nating sayangin pa ang panahon dahil may mga edad na rin tayo. Pangako na gagawa ako ng paraan para matanggap tayo ni Sydney,” pahayag pa ng ginoo.

Napapayag si Carmela na ipagpatuloy ang kanilang pagkikita. Nahulog na rin kasi ang loob niya kay Gene. Sa loob ng mahabang panahon ay ngayon na lang siya muling nakaramdaman na mayroong lalaking tunay na nagpapahalaga sa kaniya.

Naging malamig ang pakikitungo ni Sydney sa ina nang malamang nakikipagkita itong muli kay Gene. Masama kasi talaga ang kutob niya sa ginoo. Sigurado siyang lolokohin lang nito ang kaniyang ina.

“Kausapin mo nga ako, Sydney. Huwag ka namang maging makasarili, anak. Bigyan mo ng pagkakataon ang Tito Gene mo na patunayan niyang mahal niya tayo!” saad ni Carmela sa anak.

“Ako pa ang makasarili, ‘ma? Sino ba sa atin ang mas pinili na makipagrelasyon sa iba gayong may anak na? Tapos ay ako pa ang tinatawag mong makasarili? Darating din ang araw na lolokohin ka ng lalaking ‘yan. Kapag dumating ang panahon na iyon ay huwag mong sabihin sa akin na hindi kita binigyan ng babala!” sambit naman ni Sydney.

Pursigido si Sydney na patunayan sa kaniyang ina na hindi dapat pagkatiwalaan itong si Gene.

Isang araw, habang nasa mall ang dalaga kasama ang kaniyang kaibigan ay nakita niya si Gene sa isang sosyal na tindahan ng mga damit kasama ang isang babaeng balingkinitan.

“Napakaganda mo sa damit na ‘yan! Tama nga ang pinili ko. Ibigay mo na ‘yan sa kahera nang mabayaran ko na!” nakangiting sambit ni Gene.

“Sinasabi ko na nga ba at may ginagawang hindi maganda ang lalaking ito! Sa wakas ay mapapatunayan ko na kay mama ang lahat! Maghihiwalay na rin kayo!” saad naman ni Sydney sa kaniyang sarili.

Sinundan ng dalaga ang dalawa. Nakaangkla pa ang babae sa braso ne Gene habang pabalik sila sa kanilang sasakyan. Kitang-kita niya kung paano asikasuhin ng ginoo ang babaeng kaniyang kasama.

Bago sumakay ng sasakyan ay may kinuha si Gene sa kaniyang bulsa at ibinigay sa babae. Nang buksan ito ng babae ay nakita niya ang isang pares ng hikaw, at saka nito hinalikan sa pisngi ang ginoo at niyakap ito nang mahigpit.

Kinunan ni Sydney ng larawan ang mga tagpong ito upang sabihin sa kaniyang ina.

Nagmamadaling umuwi ng bahay ang dalaga upang sabihin agad sa kaniyang ina ang masamang balita.

“Anong ibang babae ang sinasabi mo riyan, anak? Sigurado akong ako lang ang babae sa buhay ni Gene,” saad ni Carmela sa anak.

“Huwag ka ngang magpabulag sa kaniya, ‘ma! Kitang kita ko kung paano sila maglambingan ng babae niya kanina sa mall. Binilan pa niya ng mamahaling bistida at alahas. Kitang-kita ng dalawang mata ko, ‘ma!” giit pa ni Sydney.

Ilang saglit pa ay dumating si Gene sa kanilang bahay.

“Ang kapal ng mukha mong magpakita rito sa bahay namin! Umalis ka na dahil wala kang puwang sa pamilyang ito! Manloloko!” bulyaw ni Sydney sa ginoo.

“A-ano ang nangyayari? Hindi ko maunawaan ang lahat. Sino ang manloloko?” pagtataka naman ni Gene.

“Nagmamaang-maangan ka pa? Kitang kita kita kanina sa mall na may kasamang babae! Niloloko mo lang ang mama ko!” wika pa ng dalaga.

Ipinakita ni Sydney ang larawan sa kaniyang ina.

“A-anak, hindi ibang babae ng Tito Gene mo ang nasa larawang ito. Siya si Diane, ang nakababata niyang kapatid. Walang iba ang Tito Gene mo, mahal niya ako. Mahal niya tayong dalawa,” saad pa ni Sydney.

“Nasa mall kami kanina ni Diane dahil nais kong bumili ng damit para sa iyong ina. Hindi ako magaling pumili kaya naman sinama ko ang kapatid ko. Nagkataon na kaarawan niya rin ngayon kaya binigay ko na sa kaniya ang aking regalo. Binilhan ko rin kayo ng mama mo ng mga hikaw. Ibibigay ko sana ito sa ibang araw bilang surpresa pero dahil sa lahat ng ito ay ibibigay ko na,” saad naman ni Gene.

Labis na napahiya si Sydney sa kaniyang inasal. Humingi siya ng tawad sa kaniyang ina pati na rin sa ginoo.

“Kahit kailan ay hindi ako gagawa ng ikasasakit ng kalooban ninyo ng mama mo. Mahal ko si Carmela at mahal ko ang lahat ng tungkol sa kaniya. Pangako na magiging mabuti akong asawa at ama sa iyo, Sydney. Bigyan mo lang ako ng pagkakataon. Hindi ko kayo lolokohin at sasaktan,” sambit ni Gene sa dalaga.

Mula noon ay pumayag na si Sydney sa pakikipagrelasyon ng ina sa kasintahan nito. Hindi nagtagal ay nauwi na rin ang lahat sa muling pagpapakasal ni Carmela.

Sa paglipas ng panahon ay napatunayan ni Gene kay Sydney ang kaniyang mga pangako. Hindi man siya ang tunay na ama ng dalaga ay itinuturing niya ito bilang isang tunay na anak. Simula noon ay napunan na ang puwang sa puso ni Sydney dahil nariyan na ang kaniyang Papa Gene upang tumayong ama para sa kaniya.

Advertisement