Inday TrendingInday Trending
Tila Inampon na Ng Bata ang Isang Matandang Gusgusin na May Sakit raw sa Pag-Iisip; Ito ang Magiging Sukli ng Kaniyang Kabutihan

Tila Inampon na Ng Bata ang Isang Matandang Gusgusin na May Sakit raw sa Pag-Iisip; Ito ang Magiging Sukli ng Kaniyang Kabutihan

Parehong nasawi sa isang malagim na aksidente sa isang dumpsite ang mga magulang ni Utoy kaya maaga siyang naulila. Wala namang mga kamag-anak ang nais umampon sa kaniya kaya mag-isa na lang niyang binubuhay ang kaniyang sarili habang nakatira sa isang barung-barong sa gilid ng estero.

Pagtitinda ng sampaguita ang ikinabubuhay ni Utoy. Humahango lamang siya ng bulaklak upang kaniyang ilako sa tapat ng simbahan. Swerte na kapag nakaubos siya ng paninda sa loob ng isang araw. Sapat na iyon para may kainin siya buong maghapon.

Minsan naman ay may magandang loob ding nagbibigay sa kaniya. Kaya kahit paano ay naitatawid niya ang pang-araw-araw niyang buhay.

Minsan habang nasa simbahan at nagtitinda ng sampaguita ay napansin ni Utoy ang isang matandang lalaking gusgusin at hirap na sa paglakad. Pilit na kinakalang ng matanda ang sarili sa pader, hanggang ito ay tuluyan nang bumagsak.

Dali-dali namang tumakbo si Utoy palapit sa matanda.

“Tatang! Ayos lang po ba kayo? May masakit po ba sa inyo?” pag-aalala ng bata.

Tinuro ng matanda ang kaniyang tiyan.

“M-masakit ang sikmura ko. Gusto kong kumain at uminom. Nagugutom ako! Pahingi ng pagkain!” paulit-ulit na sambit ng matanda.

Inilabas ni Utoy ang lahat ng kaniyang pera sa bulsa at saka niya ito binilang.

“Sapat na ito para bilhan ko ng tinapay at kape. Sandali lang po, tatang, at diyan lang po kayo. Bibili lang po ako ng pagkain, babalik po ako,” saad pa ng bata.

Dali-daling bumiling pagkain si Utoy para may maipakain sa matanda. Ngunit pagkatapos nitong kumain ay dali-dali rin itong umalis. Batid ni Utoy na tila wala sa sarili ang gusgusing matanda.

“Sandali lang po, tatang, saan po kayo pupunta? Nasaan po ba ang mga kamag-anak ninyo at narito kayo? Saan po ba kayo nakatira at susubukan ko kayong ihatid,” wika pa ng bata.

Ngunit hindi sumasagot ng maayos ang matanda. Kung anu-ano ang sinasabi nito.

“Baka nahanginan na ang utak niyan dahil sa labis na gutom, Utoy! Pabayaan mo na ‘yan at baka mamaya ay biglang saltikan ‘yan at sakalin ka!” tumatawang saad ng isang ginang.

“Sa tingin ko po ay parang may malalim siyang iniisip. Hindi po kaya nakalimutan lang niya ang mga lahat ng tungkol sa kaniya kaya hindi po siya makasagot nang maayos?” sagot naman ni Utoy.

“Baliw ang matandang ‘yan, Utoy, kaya layuan mo na siya. Halata namang hindi matino ang kaniyang pag-iisip. Kung ako sa iyo ay bumalik ka na lang sa p’westo mo at magtinda. Wala ka na namang kikitain niyan! Wala ka nang pera dahil ibinili mo pa ng pagkain ng matandang baliw na ‘yan!” wika ulit ng ale.

Subalit hindi mapalagay si Utoy. Labis siyang naaawa sa matanda kung hahayaan lang niya itong pakalat-kalat sa lansangan sa gabing iyon.

Kaya minabuti pa ni Utoy na isama pauwi sa kaniyang tinutuluan ang matanda. Nilinis niya ang katawan nito at muling pinakain.

“Dito muna po kayo sa akin habang hindi n’yo alam kung saan kayo tutungo. Delikado po kasi para sa inyo kung nasa kalsada po kayo. Bukas ay hihingi po ako ng tulong sa barangay upang matunton ang inyong pamilya,” dagdag pa ng bata.

Araw-araw ay sinasama nitong si Utoy ang matanda sa pwesto niya sa simbahan upang hindi na ito makalayo pa. Hinahatian din niya ng pagkain ang matanda. Higit sa lahat ay inaasikaso niya ito upang manatiling laging malinis.

“Kasya pala sa inyo ang damit ng tatay ko. Matagal-tagal na rin nang huli akong magkaroon ng kasama dito sa bahay. Mabuti na lang po at natagpuan ko kayo. Talaga po bang wala kayong naaalala man lang sa pagkatao ninyo? Kahit pangalan o apelyido man lang?” tanong ng bata.

Ngunit wala muling makuhang sagot na matino si Utoy.

Lumipas ang mga araw at palaging kasama na nitong si Utoy ang matanda.

“Para ka tuloy may anak niyan, Utoy. Kay bata-bata mo pa ay kumuha ka na agad ng responsibilidad! Pabayaan mo na kasi ‘yan! Hindi naman ikaw ang may kasalanan kapag may nangyaring masama sa kaniya! Ang may kasalanan ay ang pamilya niya dahil pinabayaan siya!” saad ng isang kapwa nagtitinda.

“Maayos naman po ang buhay namin ni tatang. Hindi naman rin po ako nahihirapan. Humingi na po ako ng tulong sa barangay at hinahanap na raw po ang kahit anong pagkakakilanlan ni tatang. Umaasa ako na isang araw ay muli silang magtatagpo ng kaniyang pamilya,” saad muli ni Utoy.

Lumipas ang mga araw at wala pa ring balita kaya naninirahan pa rin kasama ni Utoy ang matanda. Madalas nga ay pagtawanan si Utoy dahil tila naging sakit pa ng kaniyang ulo ang pag-ako sa responsibilidad sa matandang nag-uulyanin. Ngunit balewala ito sa bata. Hindi siya nagreklamo kahit isang beses.

Hanggang sa isang araw ay bigla na lang may isang babaeng lumapit sa kanilang dalawa.

“‘Papa! Papa, ikaw nga po iyan!” napasigaw na lang ang ginang sa labis na saya.

“Salamat sa Diyos at nakita ka na rin namin! Makakauwi na po tayo, papa. Huwag ka na pong aalis ulit!” dagdag pa ng ginang.

Napag-alaman na ang matandang gusgusin ay si Alfredo, isang dating abogado. Sa katandaan nito ay nagkaroon siya ng dementia at hindi na nakakaalala pa. Isang araw ay lumabas daw ito ng bahay at hindi na nakauwi pa.

Labis-labis ang pasasalamat ng pamilya ni Alfredo sa kabutihang ginawa ni Utoy. Hindi sila makapaniwala na tanging isang bata lang ang nag-aalaga sa kanilang ama. At sa wakas, sa loob ng mahabang panahon ay muli na nila itong makakasama.

“Hindi ka nagdalawang-isip na tulungan ang papa ko kahit na hindi mo alam kung paano maitatawid ang isang araw. Pinahanga mo ako, hijo,” saad ng anak ng matanda.

“Alam ko po kasing may pamilyang naghihintay sa kaniya. Alam ko po ang pakiramdam na mawalay sa mga magulang dahil iniwan na rin po nila ako. Naging masaya rin naman po ako nang makasama ko si tatang dahil matagal na rin nang huli po akong makaramdam ng mayroong pamilya,” tugon naman ni Utoy.

Dahil sa labis na paghanga ay napagdesisyunan ng mga anak ni Alfredo na ampunin na lamang ang batang si Utoy. Tutal naman ay wala na itong mga magulang. Tiyak rin kasi silang mas magiging masaya ang ama sa piling ng bago nitong kaibigan.

Dahil sa kaniyang pagmamalasakit sa matanda ay sinuklian ng mga anak nito ang kaniyang kabutihan. Sa mga sandaling iyon ay tuluyan nang nagbago ang buhay ni Utoy. Naging ganap na siyang parte ng pamilya ni Alfredo. Pinag-aral siya at binigyan siya ng magandang buhay.

Hindi na kailangan pang magtinda ni Utoy ng sampaguita upang siya ay makakain. Ngayon ay may tinatawag na rin siyang isang pamilya. Kahit na lumalala na ang kalagayan ni Alfredo ay nakakasama pa rin ito ng bata.

Hindi akalain ni Utoy na ang pagtulong niya sa matandang ito ang maghahatid ng swerte sa kaniyang buhay. Tunay ngang pinapaboran ng Diyos ang mga taong may malasakit sa kaniyang kapwa.

Advertisement