Inday TrendingInday Trending
Nakipagkaibigan ang Batang Babae sa Kaklaseng May Kapansanan; Ito Naman ang Ginawa ng Kaibigan para sa Kaniya

Nakipagkaibigan ang Batang Babae sa Kaklaseng May Kapansanan; Ito Naman ang Ginawa ng Kaibigan para sa Kaniya

Lahat ng mga mata ay nakatingin habang papasok ang batang si Adrian sakay ng kaniyang wheelchair. Ngayon lang kasi nakakita ang mga mag-aaral ng isang estudyante sa ganitong kalagayan.

May kakaibang sakit itong si Adrian at nawawalan ng laban ang kaniyang mga kalamnan. Ngunit dahil nais niyang mabuhay nang normal tulad ng mga bata sa kaniyang edad ay nagpumilit siyang pumasok sa paaralan.

Batid ng kaniyang mga magulang na hindi magiging madali para sa bata ang kaniyang gagawin ngunit hindi naman nila ito mapigilan dahil desidido itong mag-aral.

Habang pinag-uusapan itong si Adrian ng ibang kamag-aral ay bigla na lang lumapit sa kaniya ang kaklaseng si Kira.

“Anong ginagawa mo sa wheelchair na ‘yan? Hindi ka ba nakakalakad? Hindi ka man lang makatayo?” tanong ng bata habang inuusisa ang wheelchair ni Adrian.

“M-may sakit kasi ako at hindi ako nakakapaglakad, pero minsan ay nakakatayo rin naman. Kaso, ang sabi ng mga doktor ay kailangan ko pang sumailalim sa mga therapy. Pero may pag-asa pa raw akong makalakad!” pahayag naman ni Adrian.

“Akala ko ay tamad ka lang maglakad at gusto mo lang lagi na nakaupo. Minsan kasi ay tinatamad din ako maglakad lalo kapag nasa palengke kami ng mama ko. Gusto ko ay buhatin na lang nila ako!” saad pa ni Kira.

Dahil sa sinabing ito ng batang babae ay natawa si Adrian. Simula nang araw na iyon ay alam niyang magiging mabuti silang magkaibigan ni Kira.

Palaging sinasamahan ni Kira itong si Adrian. Dahil kay Kira ay unti-unti nang nawala ang hiya niya sa ibang tao. Natuto na rin siyang makipagkaibigan sa iba. Ngunit hindi pa rin maiiwasan ang mga pagkakataon na may nanunukso sa kaniyang kalagayan. Mabuti’t nariyan naman ang matalik niyang kaibigan upang ipagtanggol siya.

Nakapagtapos ng elementarya ang dalawa. Dahil nga hindi na mapaghiwalay ay muli silang naging magkaklase sa hayskul.

“Kira, talagang si Adrian pa rin pala ang kasama mo, ano? Ganiyan na ba kalalim ang awa mo sa kaniya at pumapayag kang maging yaya niya?” tukso ng isang kaklase.

“Hoy, Badong, akala mo na hindi ko alam na may gusto ka lang sa akin kaya ka nagkakaganyan? Wala kang pakialam kung gusto kong samahan si Adrian! Baka gusto mong lumpuhin kita riyan nang ikaw naman ang maupo sa wheelchair! Bastos ang bunganga nito!” galit na tugon naman ni Kira.

“Huwag ka nang makipag-away, Kira. Hayaan mo na sila. Ikaw naman kasi, hindi mo na ako kailangan pang itulak at kaya ko naman ang sarili ko. Ako na rin ang magbibitbit ng gamit ko! Isabit mo na lang sa wheelchair ko!” saad naman ni Adrian.

“Huwag ka ngang makulit. Ang kailangan mo ay makapagpahinga nang sa gayon ay marami kang lakas sa therapy mo! Alam mo ba na hindi na ako makapaghintay na makita kang nakatayo at nakakalakad tulad ko? Marami akong gustong ipakita sa’yong lugar. Naniniwala ako na isang araw ay mapupuntahan natin ‘yun nang magkasama. Aakyat tayo ng mga burol at tatakbo pababa!”

“Paano kung hindi mangyari? Paano kung habambuhay na pala akong ganito, Kira? Nais mo pa rin ba akong maging kaibigan?” malungkot na tanong muli ni Adrian.

“Ano ka ba naman, nakilala nga kitang ganiyan na ang kalagayan mo pero naging matalik pa rin kitang kaibigan. Kung hindi ka makakatayo ay itutulak kita pataaas ng burol tapos ay pababayaan na lang kita na dumausdos pababa!” tumatawang pahayag ni Kira.

Talagang magaan ang kalooban ni Adrian kapag kasama niya ang matalik na kaibigan. Hindi na rin siya makapaghintay pa na makatayo nang sa gayon ay maisayaw niya si Kira.

Ngunit habang lumilipas ang mga taon ay wala pa ring nagiging pagbabago sa kalagayan ni Adrian. Unti-unti na siyang pinanghihinaan ng loob. Mabuti na lang at laging nariyan si Kira.

Subalit, isang araw ay nakatanggap ng balita itong si Adrian mula sa kaniyang mga magulang. Nakapagdesisyon na raw ang mga ito na magtungo sa Amerika. Doon na sila maninirahan upang maipagamot din ang kaniyang kalagayan.

Napakalungkot ni Adrian dahil maiiwan niya si Kira. Ito pa naman ang bukod tanging nagbibigay sa kaniya ng pag-asa.

“Malungkot ako, Adrian, dahil pupunta ka na sa malayo pero masaya ako dahil mas may pag-asa nang gumaling ka. Huwag na huwag mo akong kalilimutan, a! Hihintayin ko ang pagbabalik mo. Sa pagkakataong iyon ay tutuparin na natin ang pag-akyat sa burol!” nakangiti pero nangingilid ang luha ni Kira.

“Pinapangako ko na sa pagbabalik ko ay nakakatayo na ako at nakakalakad na! Hinding hindi kita makakalimutan, Kira, dahil ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan!” napaluha na si Adrian.

Tuluyan na ngang lumipad pa-Amerika ang pamilya ni Adrian. Hindi naging madali para sa kaniya ang pagbabago lalo pa at miss na miss na niya si Kira. Dito ay napagtanto niyang may espesyal na puwang sa kaniya ang kaibigan.

Ginawa inspirasyon ni Adrian itong si Kira upang gumaling. Lumipas ang ilang taon at unti-unti nang nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng binata.

Makalipas ang isang dekada ay tuluyan nang nakatayo at nakalakad si Adrian.

“Isang dekada na at hindi ko pa rin nakakalimutan si Kira. Ano na kaya ang ginagawa niya ngayon? Tiyak kong matutuwa siya kapag nalaman niyang nakakalakad na ako. Ilang beses akong nag-ensayo upang matutong sumayaw! Sa muli naming pagkikita ay isasayaw ko siya!” pahayag ng binata.

Hindi nagtagal at bumalik nga ng Pilipinas itong si Adrian upang muling kumustahin ang matalik na kaibigan. Ngunit labis na nadurog ang kaniyang puso nang malamang naparalisa ang katawan nito dahil sa isang aksidente at ngayon ay siya namang nakaupo sa wheelchair.

“Mukhang ako na yata ang tutulak sa iyo sa burol at saka ipapadausdos ka pababa,” nagpapatawang wika ni Adrian habang nangingilid ang mga luha.

“Hindi ako makakapayag na hindi ka gumaling, Kira. Gagawin ko ang lahat upang mas mabilis ang pagbuti ng kalagayan mo,” dagdag pa nito.

Kinausap ni Adrian ang mga magulang ni Kira upang magpaalam. Isasama niya ang dalaga sa ibang bansa upang doon ipagamot. Ang lahat ng gagastusin ay sasagutin ng binata, at siya mismo ang mag-aalaga rito.

Dahil sa labis na pag-aasam ng mga magulang ni Kira na gumaling siya ay hindi na sila nagdalawang-isip pa at agad silang pumayag.

Tinupad nga ni Adrian ang kaniyang pangako. Dinala niya sa Amerika itong si Kira kasama ang ina nito. Salitan sila sa pag-aalaga sa dalaga.

Makalipas lang ang isang taon ay bumuti na ang kalagayan ni Kira at unti-unti na itong nakakatayo at nakakalakad.

“Maraming salamat sa iyo, Adrian. Utang ko sa iyo ang pangalawa kong buhay! Hindi ko alam kung paano ka pasasalamat sa lahat ng ginawa mo para sa akin!” saad ni Kira sa binata.

“Ako nga ang dapat magpasalamat sa iyo, Kira. Simula nang makilala kita ay naging madali na para sa akin na harapin ang kalagayan ko. Nang umalis kami patungo rito sa Amerika ay binaon ko ang lahat ng masasayang sandali natin. Ito ang naging inspirasyon ko upang lumaban. Hindi naging madali pero kinaya ko dahil alam kong naniniwala ka sa akin,” pahayag naman ni Adrian.

“Wala ka namang utang sa akin, Kira, pero kung gusto mong mapasaya ako ay mayroon akong nais hilingin. Maaari ba kitang ligawan? Sa buong buhay ko ay wala akong nagustuhan at minahal na babae kung hindi ikaw lang,” dagdag pa nito.

“Nakakatuwa man isipin ngunit ikaw lang din ang lalaking nagustuhan ko. Noong una pa lang kitang makita ay gusto na kita. Kaya nga hindi na kita nilayuan pa! Hindi lang ako basta magpapaligaw kung hindi magpapakasal na ako agad sa iyo! Baka mamaya kasi ay magbago pa ang isip mo sa akin!” pagbibiro ng dalaga.

Niyakap ni Adrian si Kira.

Hindi nagtagal ay ikinasal na rin ang dalawa.

Sa kanilang pag-iisang dibdib ay ginawa ni Adrian ang matagal na niyang plano — ang maisayaw si Kira. Pinagsaluhan nila ang gabing iyon ng buong pagmamahalan. Pagkatapos ng piging ay umakyat sa burol ang mag-asawa at nangako sa isa’t isa na hindi na maghihiwalay pa kailanman.

Advertisement