Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Awa ay Pinatuloy Niya ang Pinalayas na Kaibigan sa Bahay Nila; Habang Tumatagal ang Pamamalagi Nito’y Naiintindihan Niya Kung Bakit Inayawan na Ito ng Pamilya

Dahil sa Awa ay Pinatuloy Niya ang Pinalayas na Kaibigan sa Bahay Nila; Habang Tumatagal ang Pamamalagi Nito’y Naiintindihan Niya Kung Bakit Inayawan na Ito ng Pamilya

“Salamat talaga Samantha, ah. Kung wala ka, malamang hindi ko alam kung saan na ako pupulutin ngayon,” ani Yoona, ang matalik niyang kaibigan.

“S’yempre, hindi ko papayagan ang bagay na iyon, Yoona. Pero grabe naman ang mga kapatid mo, nakakaya ka talaga nilang palayasin, hindi man lang ba nila naisip na pwede kang mapahamak?” aniya.

Hindi niya maintindihan ang mga kapatid ni Yoona, kung nasaan na ang awa at konsensya ng mga ito. Kung buhay pa sana ang mama at papa ng kaibigan ay malamang hindi hahayaan ng mga mgulang nila ang ginagawa ng mga kapatid nito kay Yoona.

Hindi naman siya nahirapang pakiusapan ang ama’t ina na doon na muna pansalamantalang patuluyin ang kaibigan sa bahay nila dahil pinalayas ito ng mga kapatid at wala itong ibang matutuluyan. Agad namang pumayag ang mga ito at hindi nag-atubiling tanggapin ang kaibigan.

Noong una hanggang ikatlong araw ay maayos pa naman ang samahan nila. Masaya siya dahil mula sa umaga hanggang sa gabi ay nagkakausap silang dalawa ng kaibigan at palagi pa silang magkasama. Ngunit kalaunan ay hindi na niya nagugustuhan ang ugali nito na animo’y isang senyorita na mahirap utusan.

“Samantha, bakit hindi mo man lang hinugasan ang mga pinggan dito? Tingnan mo, ang dami nang langgam na itim! Diyos ko namang bata ka! Alam mo naman na sa inyo ko na ipinapaubaya ang trabaho rito dahil pagod na ako sa trabaho! Dalawa naman kayo ni Yoona, bakit hindi niyo pa magawang pagtulungan ang kakapiranggot na trabaho rito sa bahay?!” dire-diretsong litanya ng ina.

Nilingon niya si Yoona na natutulog at bahagyang inirapan. Nag-usap na sila kanina na siya ang mag-iigib at magpapakain sa mga alagang hayop at ito na ang bahala sa paghuhugas ng pinggan at pagwawalis sa loob ng bahay. Hindi pala nito nagawa ang simpleng gawaing iyon.

Panay lamang ang hilata nito at pindot sa selpon, at palaging katawagan ang nobyo. Parang ngayon niya napagtanto kung bakit ito pinalayas ng mga kapatid – dahil hindi na nga nakakatulong, isa pang malaking pabigat.

Inis na ginawa ni Samantha ang dapat ay gagawin ni Yoona. Sabagay! Wala siyang magagawa kung ‘di gawin ang bagay na iyon. Noon namang wala pa si Yoona ay siya naman talaga ang gumagawa ng mga gawaing iyon, nagpasalamat sana siya dahil sa wakas, may katuwang na siya sa gawain. Hindi rin naman pala makakatulong.

“Samantha, kailan ba uuwi iyang si Yoona sa bahay nila? May balak pa ba siyang umuwi sa bahay nila, anak?” tanong ng kaniyang ina sa kaniya, minsang umalis sila papuntang palengke upang mamili ng pagkain.

Nagkibit-balikat lamang si Samantha, dahil sa totoo lang ayaw na rin niyang nariyan si Yoona. Sobrang tamad nito at hindi niya alam kung paano ito pagsasabihan. Hindi na nga niya halos naliligpit ang higaan dahil gusto nito’y palaging nakahiga habang kausap sa selpon ang nobyo. Wala na itong ibang ginawa kung ‘di humilata at mag-selpon.

“Anak, gusto man nating ampunin siya’y hindi pwede dahil may sarili siyang pamilya. Baka hinahanap na siya ngayon sa kanila,” anang ina.

“Hayaan niyo ‘ma, sasabihin ko po mamaya,” tugon niya.

Alam niyang napapansin din ng mga ito ang napapansin niya sa kaibigan. Ayaw lang sigurong magsalita ng masama ng ina dahil natatakot itong baka masaktan din nito ang kaniyang damdamin.

“Yoona, hindi ka pa ba uuwi sa bahay niyo?” tanong niya sa kaibigan.

“Baka ayaw pa nila akong umuwi, Sam. Bakit? Hindi na ba ako pwede rito sa bahay niyo?” anito. Kita sa mukha ni Yoona ang labis na pag-aalala.

“Hindi naman sa ganoon, pero hindi ba dapat ay kasama mo ang pamilya mo kaysa sa’min? Pero nandito ka, kaya siguro mas maiging makipagbati ka na sa mga kapatid mo, Yoona,” aniya.

Ayaw naman niyang saktan ang damdamin ng kaibigan.

“At saka, Yoona, baguhin mo na rin ang ugali mo. Baka kaya ka pinalayas sa inyo dahil hindi ka tumutulong sa gawaing bahay. Kahit saang bahay ay mahihirapan kang pakisamahan kung ganyan palagi ang ugali mo,” aniya.

Iyon ang totoong nais niyang sabihin sa kaibigan. Hindi nga lang niya alam kung paano iyon sasabihin sa paraang hindi ito masasaktan, pero bahala na.

“Nagpapasalamat nga ako sa mama at papa ko dahil inuunawa ka nila palagi at ayaw nilang masaktan ako, kaya hindi sila nagsasalita ng masama tungkol sa’yo, pero dapat lang siguro na matuto ka ring makisama nang maayos sa mga taong nakapaligid sa’yo, Yoona. Kahit sino, walang may gusto sa taong tamad at pabigat. Kaya sana ayusin mo ang ugali mo, para hindi ka na palayasin ulit ng mga kapatid mo,” payo ni Samantha sa kaibigan.

Walang masamang ibig sabihin ang nais niyang iparating, iyon ay payong kaibigan lamang. Kung mamasamain ito ni Yoona ay wala siyang magagawa. Ayaw lang niyang maulit ang nangyari rito noon.

Paano kapag pinalayas na naman ito ng mga kapatid at tatakbo na naman ito sa iba pa nilang kaibigan? Paano kung ang magulang ng kaibigan nila’y hindi gaya ng mga magulang niyang maunawain at hindi nagsasalita ng masama sa kapwa? E ‘di mapapahiya ito at baka wala nang iba pang tumanggap dito sa susunod. Gusto lamang niyang turuan ang kaibigan para sa ikabubuti nito.

“Siguro nga tama ka, Sam, baka nga ako rin ang may problema kaya ako pinagtutulungan ng mga kapatid ko. Pero salamat, Sam ah. Hindi mo ako pinagsarhan ng pintuan noong nangailangan ako. Salamat talaga,” ani Yoona at niyakap ang kaibigan.

“Kaibigan kita, Yoona, at ayaw kong napapahamak ka,” aniya.

“Uuwi na ako bukas sa’min, sana sa susunod na gusto kong bumalik sa bahay niyo, pagbuksan mo pa rin ako,” nakikiusap na wika nito.

Tumango si Samantha at ngumiti sa kaibigan. “Basta ba sundin mo iyong payo ko sa’yo, palagi kang welcome rito,” nakangiti niyang sambit.

Kinabukasan ay hinatid ni Samantha si Yoona sa bahay nila at nasaksihan niya ang labis na saya ng mga kapatid nito nang muling makita ang bunsong kapatid.

“Salamat, Sam ah. Nag-alala kami, akala namin kung saan na nagpunta ang kapatid namin. Salamat at ligtas siya,” ani Ysabel, ang ate ni Yoona.

“Ate Ysabel, sana huwag niyong sukuan si Yoona, may mga bagay na mahirap siyang intindihin. Pero sana huwag niyo siyang talikuran, imbes ay tulungan at turuan niyo siya. Sana sa muli niyang pagpunta sa bahay, masipag na siya sa gawaing bahay, ate,” pabirong wika ni Samantha.

Malapad na ngumiti si Ysabel saka niyakap ang matalik na kaibigan ng kapatid.

“Sana nga, Sam,” anito.

Advertisement