Tutol ang Misis sa Pagbalik ng Asawa Mula Maynila; Ito ang Kinahantungan ng Mister

“Saan ka galing, Mario? Kanina pa kita hinihintay. Kanina pa umiiyak itong si Junior. Wala na akong maipagatas sa kaniya,” bungad ni Lisa sa kaniyang asawang kauuwi-uwi lamang mula sa pangingisda habang bitbit ang anak na pilit pinatatahan sa walang tigil na pag-iyak.

“Inalat kami, mahal. Walang huli ngayon. Sa tinagal-tagal namin sa laot ay wala man lamang ni isang isda. Pupunta muna ako sa tindahan at mangungutang ako ng gatas,” malungkot na tugon naman ng mister.

‘H’wag ka nang mag-abala pang pumunta sa tindahan, Mario. Ayaw na tayong pautangin ni Aling Melba dahil hindi pa raw tayo nakakabayad. Puno na ang listahan natin sa tindahan niya,” wika pa ng ginang. 

“Mario, sawang-sawa na ako sa buhay na ganito. Ayos lamang sa akin kung tayong dalawa lang ang hindi makakain. Masakit kapag pati itong si Junior ay hindi man lamang makalasap ng gatas. Sa tingin ko ay iwan mo na ang pangingisda mo. Baka kailangan ka na talagang lumuwas ng Maynila para humanap ng ibang trabaho,” dugtong pa ni Lisa. 

“Napakalaki ng Maynila, mahal. Hindi ko alam kung anong klase ng buhay ang hinaharap ko doon. Mahirap humanap ng trabaho don lalo na sa isang tulad ko na walang pinag-aralan at tanging pangingisda lamang ang nalalaman,” pahayag ni Mario.

“E, anong gagawin natin? Lagi ka na lang walang huli. Kahit pang-ulam natin ay wala ka! Tatagan mo naman ang loob mo, Mario. Gawin mo ‘yan para sa amin ng anak mo!” giit ni Lisa sa mister. 

Napagtanto ni Mario na tama ang asawa. Walang mangyayari sa kanilang buhay kung hindi siya kikilos. Takot man ay nilakasan niya ang kaniyang loob na lumuwas pa-Maynila na tanging dala lamang ay ilang piraso ng damit at isang libong piso na inutang niya sa ilang kaibigan.

Malayo ang dinatnan ni Mario sa akala nila na magandang buhay na naghihintay sa Maynila. Hirap na hirap siya kung saan siya makikituloy. Dahil nga mababa ang pinag-aralan ay hindi naging madali sa kaniya ang paghahanap ng trabaho.

Advertisement

Nagdaan ang mga araw at halos sa kalye na tumira si Mario. Tinitipid ang sarili at halos hindi na kumain para nang sa gayon ay may pamasahe pa rin siya pabalik sa kanilang probinsiya. Minsan ay nagawa na niyang mamalimos para lamang may ipandagdag sa kaniyang panggastos.

Nang hindi na siya nakatiis ay nakitawag siya para makausap ang asawa sa pamamagitan ng telepono ng kapitbahay.

“Lisa, gusto ko nang umuwi. Wala pa rin akong nahahanap na trabaho. D’yan na lang ako at sisikapin ko na galingan sa pangingisda,” pakiusap ni Mario sa asawa. 

“Tapos, ano? Mababaon tayo lalo sa utang at wala na naman tayong kakainin? Maghanap ka ng trabaho d’yan. Galingan mo kasi! Kahit ano ay pasukan mo!” saad pa ng ginang.

Nanliliit si Mario sa kaniyang sarili sapagkat ni hindi man lamang niya mabigyan ng maayos na buhay ang kaniyang mag-ina. Kahit na nais na lamang niyang bumalik dahil sa pangungulila sa mag-ina at ipagpatuloy ang pangingisda ay pilit siyang naghanap ng trabaho sa Maynila.

Mabuti na lamang ay nakakita siya ng isang construction site na naghahanap ng mga trabahador. Agad siyang natanggap doon. Mabigat man ang trabaho ay pilit niyang kinakaya sapagkat para ito sa kaniyang pamilya.

Mula noon ay nakakapagpadala na rin siya ng pambili ng pangangailangan ng kaniyang asawa at anak. 

Tuwang-tuwa naman si Lisa sapagkat kahit paano ay naitatawid na nila ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Advertisement

“Lisa, nakaipon ako ng kaunti para sa gayon ay makabalik na ako diyan at magsimula tayo na magkaroon ng tindahan. O hindi naman kaya ay makabili kahit ng gamit ng bangka para makapangisda akong muli,” wika ni Mario.

“Ngayon ka pa ba hihinto ng trabaho kung kailan kahit paano ay nabibigay mo na sa amin ang mga pangangailangan namin? Ipagpatuloy mo na ‘yan! Kapag ayos na talaga tayo ay saka ka na umuwi rito,” saad ng ginang. 

Pilit pinawi ni Mario ang kaniyang pangungulila sa kaniyang mag-ina. Iniisip na lamang niya na lahat ng ito ay para sa kaniyang pamilya. Minsan ay pinipilit niya ang asawa na umuwi na lamang siya ngunit tutol ang misis niya. Nangangamba kasi siya na baka bumalik na naman sila muli sa dati.

Isang araw ay maagang pumasok ng construction site si Mario dahil marami ang nakaabang sa kanilang gawin. Habang abala siya sa kaniyang ginagawa ay bigla na lamang gumuho ang isang parte ng konstruktura. Sa bilis ng pangyayari ay hindi na nakatakbo pa ang mga manggagawa.

Marami ang nasawi ng tagpong iyon. Mabuti na lamang at kahit paano ay nagawa ni Mario na iligtas ang kaniyang sarili. Nagising na lamang siya nang siya ay nasa ospital na.

Laking takot niya nang makita na putol na ang kaniyang mga binti. Kinailangan na kasi itong putulin sa tindi ng pinsala sa pagkakadagan sa kaniya ng mga parte ng gusali.

Agad na lumuwas patungong Maynila si Lisa upang makita at maalagaan ang asawa. Nang makita niya ang sinapit nito ay napaiyak na lamang siya sa lubusang pagsisisi.

“Sana pala ay pinauwi na lang kita nang sabihin mo sa akin na gusto mo nang bumalik sa atin. Patawarin mo ako, Mario. Dapat sana ay hindi mo dinanas ang ganitong bagay!” pagtangis ng ginang. 

Advertisement

“Wala kang kasalanan, Lisa. Naiintindihan kita. Nagpapasalamat pa rin ako sa Panginoon at buhay ako. Wala man akong mga binti ay gagawin ko ang lahat para lamang mabuhay tayo,” pahayag ni Mario. 

Inalaagan ni Lisa ang kaniyang asawa hanggang sa maaari na silang bumalik ng probinsiya. Mabuti na lamang ay may nakuha rin silang tulong pinansiyal mula sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ng asawa. Ginamit nila ang pera para makapagtayo ng maliit na tindahan. 

Kahit na nasa ayos na ang kanilang kalagayan ay hindi pa rin maialis ni Lisa sa kaniyang isip kung hindi siya tumutol sa pag-uwi ng asawa. Nagsisisi man ay kailangan nilang tanggapin ang katotohanan na hindi na maibabalik ang nakalipas na.