Ikinadena ng Tatay ang “Espesyal” na Anak Bagay na Nakatawag-pansin sa mga Kinauukulan; Mabawi Pa Kaya Ito ng Kaawa-awang Nanay?

Pagod na pagod na si Aling Naty sa kaniyang pangangamuhan kaya naman ganoon na lamang ang buhos ng kaniyang galit nang masilip na wala pang pagkain. Wala ring tao sa loob ng bahay.

“Tinamaan ka ng lintik… mga walang silbi…”

Nanghihinang naupo si Aling Naty sa kahoy na bangko, kaharap ng kanilang nanggigimalmal na mesang kainan. Wala ang kaniyang mister na si Dado na alam naman niyang nasa sugalan, inuman, o sa mga babae nito na matagal na niyang tinanggap, at nagsawa na siya sa kakasita rito.

Elder Abuse | National Institute on Aging

Ang kanilang panganay na anak na lalaki na nasa 17 taong gulang naman ay nasa galaan din; walang pakialam sa kanila, dahil wala naman daw pakialam din ang tatay nito. Ang kaniyang pangalawa naman na anak ay abala sa paaralan- na gabing-gabi na rin kung umuwi. Ang tanging natira na lamang ay ang bunsong mahimbing na natutulog, na malamang ay iniwan ni Mang Dado.

Hindi ganito ang buhay na ipinangako ni Dado sa kaniya noong nililigawan pa lamang siya. Nagkakilala sila sa isang napasukang karinderya, nang lumuwas pa-Maynila si Aling Naty mula Agusan Del Sur, upang magbaka-sakali at makatisod nang magandang kapalaran. Si Dado naman ay masugid na suki ng karinderya, na napapadalas ang kain doon simula nang makita si Aling Naty.

Ipinasya nilang magsama sa iisang buong. Nang maipanganak niya ang panganay nilang anak na si Jose, doon na lumabas ang tunay na mga katangian ni Mang Dado: tamad, basagulero, at mahilig sa babae. Balde-baldeng luha na ang naubos ni Aling Naty. Akala niya magbabago ito nang magbuntis ulit siya at magkaroon naman ng pangalawang anak, na babae… subalit nagalit pa ito sa kaniya. Bakit daw babae ang anak nila. Ang bunso naman nila, na isang lalaki, ay isang special child.

Lalong nagpuyos ang damdamin ni Aling Naty nang makita ang natutulog na bunso. Kagaya ng datin, nakakadena ang dalawang mga paa nito upang hindi makaalis kapag nagising. Pangatlong beses na itong ginagawa ni Mang Dado sa kanilang anak, bagay na hindi matanggap ni Aling Naty. Kahit ganito ang kanilang anak, mula pa rin sa kanila ito.

Sa wakas ay dumating ang panganay nilang si Jose.

Advertisement

“Saan ka ba galing? Ano na naman ang ginawa ninyo kay Reb-reb? Bakit nakakadena ang mga paa niya? Hindi ba kayo naawa sa bata?” galit na tanong ni Aling Naty sa panganay. Para lamang siyang hangin sa paningin nito. Kumuha ito ng baso at uminom ng tubig. Pagkatapos, walang sabi-sabing umalis din.

“Jose! Bumalik ka nga rito at magsaing! Jose!”

Subalit biglang nawala sa paningin niya ang anak.

Nagkakasugat-sugat na ang mga paa ni Reb-reb kaya naman nagdudumali si Aling Naty na kalagan ito. Pagbalik ng kaniyang mister tiyak na away na naman ito. Hindi niya makalagan ang kadena dahil wala ang susi, kaya naman tinatiyaga niya sa alambre upang maalis ito.

Nagising na rin si Reb-reb at malakas na pumalahaw ito ng iyak. Nagkakawag ito. Sa pagpupumiglas nito, lalong natatamaan ang mga sugat sa paa na nilikha ng pagkakakadena.

“Reb-reb, anak, huwag kang malikot. Hindi ko maaalis ang kadena kapag malikot ka eh. Napakahayop talaga ng ama mo,” tumutulo ang luha ni Aling Naty. Awang-awa siya sa bata. Hindi naman niya alam kung paano mapapagamot ang kalagayan ni Reb-reb. Wala silang pera upang ipatingin ito sa espesyalista. 

Hanggang sa may kumatok pinto. Dinig na dinig naman ang pag-alma at pag-iyak ni Reb-reb na animo’y umaatungal na biik.

“Magandang araw ho. Kayo ho ba si Natalia Soriano?” tanong ng isang babaeng nakauniporme. Naispatan niya sa uniporme nito ang mga letrang “DSWD.” Hindi lamang ito iisa kundi marami sila.

Advertisement

“A-ako nga po. B-Bakit ho?” kinakabahang tanong ni Aling Naty.

“Misis, may nakarating ho sa aming report na may batang kinakadena raw ho rito araw-araw. Hindi po pupuwede iyan, misis. Labag ho sa batas iyan,” sabi nito.

At dahil pumapalahaw ng iyak si Reb-reb, pumasok na ang mga taga-DSWD. Kitang-kita nila ang pag-iyak ni Reb-reb at ang kadenang nasa mga paa nito. Kinuhanan kaagad ito ng mga larawan.

“S-sandali lang ho… hindi ko ho alam na ganito ang ginawa ng mister ko, hindi ho ako ang may gawa niyan sa anak ko. Nagtatrabaho po ako bilang kasambahay, kaya ang naiiwan ho rito ang mister kong walang kuwenta. Siya po ang may gawa niyan. Siya po…” humahagulhol na paliwanag ni Aling Naty.

Natanggal sa pagkakakalag ang mga kadena kay Reb-reb at walang nagawa si Aling Naty nang isama ito ng mga taga-DSWD.

Batay sa mga alingasngas, araw-araw palang kinakadena ng kaniyang mister na si Mang Dado si Reb-reb kapag aalis na ito. Mga kapitbahay nila ang nagsuplong sa DSWD.

Tigmak na ang mga luha ni Aling Naty. Hindi na ipinakiusap sa kaniya si Reb-reb. Dadalhin daw si Reb-reb sa isang espesyal na lugar kung saan nababagay ang mga gaya niya. Maraming pinapirmahang dokumento sa kaniya, na hindi niya alam kung dapat ba talaga niyang pirmahan o hindi.

Patrolph | DSWD workers' union humiling ng mass testing - Tagalog News

Sa pagkakataong iyon, hindi na nagreklamo pa si Aling Naty. Sa palagay niya, mas makabubuti pa iyon para kay Reb-reb dahil maaalagaan at maibibigay pa ang mga pangangailangan nito sa naturang facility. Nagkasya na lamang siya sa pagdalaw-dalaw dito. Hindi na bumalik si Mang Dado dahil sa takot sa kaniyang ginawa. Tuluyan namang nagbago ang kaniyang panganay na anak nang makita ang kalagayan ng kaniyang nanay, na kailangang-kailangan nang makakapitan.