
Nagpupuyos ang Kalooban ng Babae Dahil Hindi Niya Natanggap ang Buong Christmas Bonus Niya; Biglang Nagbago ang Kaniyang Pananaw Dahil sa Natulungang Matanda
Nagmamarikulyo ang damdamin ni Jamie habang hawak niya ang isang papel na ibinigay sa kanilang mga empleyado, mula sa Accounting Office ng kanilang kompanya. Ipinakikita sa naturang papel ang computation ng 13th month pay, na ibibigay nang buo sa kanila, gayundin ang Christmas bonus, na kalahati na lamang.
Hindi matanggap ni Jamie na kalahati na lamang ang matatanggap niyang bonus. Pakiramdam niya, hindi nila deserve na hindi maibigay ng kompanya ang buong 10, 000 piso dahil naging masipag naman sila. 5,000 piso na lamang ang maiuuwi nila dahil nga sa lubos na naapektuhan ng pandemya. Masama ang loob niya dahil naisip niya, maganda naman ang naging pasok ng kita ng kompanyang pinagtatrabahuhan, bago pa pumasok ang pandemya. Nasa isip niya, ginugulangan sila ng may-ari. Nakikisabay sa krisis na kinakaharap ng lahat.
Marami pa naman siyang plano. Balak niyang mag-grocery nang marami at punuin ang kanilang estante ng mga pagkain, upang may stock na. Plano rin niyang bumili ng bagong smartphone, at siyempre, panregalo sa mga inaanak. Nakalista na kung paano niya lulustayin ang kaniyang kaniyang Christmas bonus, subalit nangalahati na nga lang ito.
Bago tuluyang umuwi, pumila muna sa ATM si Jamie. Kailangan niyang magbayad ng mga bills. Hindi naman ganoon kahaba ang pila. Si Jamie ang huli, at nasa harapan niya ang isang matandang lalaking halos puti na ang mga buhok.
Nang ang matandang lalaki na ang nakasalang, nagtagal ito ng limang minuto kaya iritang-irita na si Jamie. Nang pitong minuto na, hindi na niya napigilang magsalita at sitahin ang matanda.
“Tay, kailangan po ba ninyo ng tulong? Huwag ho kayong mahiyang humingi ng tulong kung hindi ninyo kaya, para po hindi kayo nakakaabala,” saad ni Jamie. May kaunting inis sa kaniyang tinig, subalit naawa rin siya sa matanda, lalo na nang humarap ito sa kaniya. Kitang-kita niyang gumigitaw na ang mga gamunggong pawis sa noo nito.
“Ineng… nahihiya kasi ako, pero maaari mo ba akong tulungan? Hindi ko alam kung anong gagawin. Kanina pa ako pindot nang pindot, walang lumalabas na pera. Baka walang laman ang card na ito,” nahihiyang sabi ng matanda.
Nabagbag naman ang kalooban ni Jamie. Nilapitan niya ang matanda. Mabuti na lamang at siya na lamang ang nasa pila. Hindi pala ito ATM card kundi cash card; ang ibinibigay ng isang ahensiya ng pamahalaan para sa mga nagnanais na mangutang o loan.
“Itay, ano po ang pin code ninyo?” tanong ni Jamie.
“H-hindi ko matandaan eh,” nangangamot na sagot ng matanda.
Hiningi na lamang ni Jamie ang papel na kinalalagyan ng cash card. Nakalimbag pala nang patago sa loob ng papel. Pinindot niya ito at pumasok naman. Nasilip niya ang laman nito. Siya na rin ang nagwithdraw para sa matanda. Tuwang-tuwa ito.
“Oh iyan ‘Tay… mukhang magiging masaya ang Pasko natin ah. Pang-Noche Buena ba iyan?” nakangiting usisa ni Jamie sa matanda.
Mapait na ngumiti ang matanda.
“Naku ineng… para ito sa pagpapagamot ng misis kong may sakit. Hindi nga kami lubusang makapagdiwang ng Pasko dahil nga baon na baon kami sa utang. Pasalamat nga ako’t nakapag-loan ako eh. Hindi ko na alam kung saang kamay ng Diyos ako kukuha ng pera,” sagot ng matanda.
Nabagbag naman ang kalooban ni Jamie sa kaniyang mga nalaman.
“Natanggal din ang anak ko sa trabaho dahil sa pandemyang ito. Ako, wala rin naman akong trabahong, hindi naman ako pensyonado. Masuwerte ka ineng kung ang ipoproblema mo lang ay ihahanda sa Noche Buena ninyo,” sabi ng matanda.
Habang nasa loob ng pampublikong sasakyan si Jamie pauwi, tumatak sa kaniya ang mga tinuran ng matandang tinulungan. Hindi man lamang niya napahalagahan ang natanggap na 13th month pay at ang dagdag na Christmas bonus ng kanilang kompanya. Mapalad siya dahil malusog ang kaniyang pamilya at walang gastusin pangkalusugan.
Ang pinoproblema niya at pinagpuputok ng butsi niya, paano na ang mga luhong gusto niyang bilhin, at ang ihahanda sa Noche Buena. Kung paano niya mapupuno ang estante nila ng maraming mga pagkain.
Samantalang may mga taong masaya pa rin sa buhay at patuloy na lumalaban para lamang maagdungan ang buhay ng kapamilya, na nagpapasalamat pa rin sa Diyos sa mga biyayang natatamo, kahit na sabihing kakapiranggot o kakaunti lamang ito. Hiyang-hiya sa kaniyang sarili si Jamie.
Simula noon, nagbago na ang pananaw ni Jamie. Kailangang magpasalamat pa rin sa mga biyayang natatamo sa araw-araw, maliit man o malaki.