Akala ng Misis ay Sumama na sa Iba ang Asawang OFW; Ito Pala Talaga ang Nangyari

“Ma, kailan kaya uuwi si papa? Makikita ko pa kaya siya?” tanong ng batang si Karl sa kaniyang inang si Mae.

“Ano ang sabi ko sa’yo, Karl? Hindi ba napag-usapan na natin na hindi na babanggitin sa bahay na ito ang papa mo. Ilang beses kong ipapaintindi sa iyo na hindi na siya babalik. Iniwan niya tayo ng walang pasabi man lang. Ni hindi man niya lamang naisip na may pamilya siya rito!” naiinis na sambit ng ina sa kaniyang anak. 

“Nami-miss ko lang naman po kasi si papa. Hindi ko po maintindihan kung bakit kailangan niya tayong iwan ng gano’n na lang. Naniniwala po kasi ako na mahal na mahal niya tayo,” sambit pa ng bata. 

“Kung mahal niya tayo ay dapat ay narito siya. O hindi kaya ay tumawag man lamang siya. Ayaw kitang saktan, anak, pero kailangan mong tanggapin na hindi na siya parte ng pamilyang ito,” pagtatapos ng ina.

Isang OFW ang asawa ni Mae na si Steven. Nagdesisyon ito na umalis patungong ibang bansa sa paghahangad na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya. Ngunit ilang buwan pa lamang doon ang ginoo ay hindi na nagiging mabuti ang pagsasama ng mag-asawa.

Madalas silang magtalo dahil na din sa isyu ng pagtitiwala. Kahit kasi alam ni Mae na mahal siya ng asawa ay nangangamba siya na baka mangaliwa ito dahil na rin sa sulsol ng ilang kaibigan.

Lalo tumindi ang kaniyang paghihinala nang may nalalapit na kasamahang babae sa asawa.

Kahit na nagpapaliwanag noon ang asawa na wala siyang masamang ginagawa ay hindi pa rin natapos ang paghihinala ni Mae kay Steven. Hanggang sa isang araw nga na pinapauwi na niya ang mister.

Advertisement

“Hindi ko na lang p’wede iwan ang trabaho ko dito, Mae. Maging patas naman sana ang pagdedesisyon mo,” giit ni Steven noon sa kaniyang misis.

“Hindi mo maialis sa akin na mag-isip ng masama, Steven. Malayo ka sa akin! Dito ka na lang!” pilit naman ng ginang.

“Wala ka bang tiwala sa akin? Hindi ko gagawin ang mga iniisip mo. Saka isa pa, kasamahan ko lang ang babaeng sinasabi mo. Walang namamagitan sa amin,” paliwanag pa ng asawa.

“Hindi na kita maintindihan, Mae. Ikaw ang nagsabi na pumunta ako dito para mas mabilis tayong makaipon ngayon naman ay gusto mong umuwi na lang ako basta-basta. Napapagod na ako sa paghihinala mo. Kausapin mo na lang ako kapag maayos na ang isip mo!” sambit pa ni Steven sabay baba ng telepono.

Makalipas ang ilang araw ay pilit siyang tinatawagan ng asawa ngunit nagmatigas si Mae. Hanggang sa isang araw ay wala na itong natanggap pang tawag mula sa kaniyang asawa.

Nang ipagtanong niya ito sa dati niyang kasamahan ay nagulat na lamang siya sa sinabi nito.

“Hindi rin namin alam kung nasaan siya. Ang huli naming alam ay nakakausap niya si Criselle, ‘yung kasamahan naming babae na napalapit sa kaniya. Tapos noon ay hindi na siya pumasok pa,” saad ng lalaki. 

Napaluha na lamang si Mae sa kaniyang narinig. Hindi siya makapaniwala na ganun na lang siya naipagpalit ng asawa sa iba.

Advertisement

Ilang buwan at mga araw ang nakalipas at wala pa ring tawag mula sa kaniyang asawa. Ni walang paliwanag o kahit paramdam lamang.

Sa paglipas ng panahon ay natutunan na lamang niya na kalimutan ang asawa. Ngunit hindi ang kaniyang anak. Hinahanap-hanap pa rin niya ang kaniyang ama.

“Ma, kahit hindi niyo po sabihin ay alam kong nalulungkot din kayo. Bakit hindi po natin ulit hanapin si papa? Baka kailangan niya tayo,” pakiusap ng anak. 

Kahit tutol dito si Mae ay napilitan na rin siyang alamin ang nangyari sa asawa dahil sa pangungulit ng anak. Natatakot lamang siyang malaman ng anak niya na may bagong pamilya na ang ama at masaya na ito.

Humingi ng tulong sa mga awtoridad si Mae para mahagilap ang kinaroroonan ng asawa. Makalipas ang ilang linggo ay nagkaroon na ng balita sa tunay na kalagayan nito.

Nagulat si Mae nang malaman ang tunay na nangyari sa asawa. Nasa piitan pala ito at may kasong pagnanakaw.

“Sa paghahangad ko na mabigyan kayo ng magandang buhay ay ginawa ko ang lahat ng pinag-uutos ng boss ko. Kapalit kasi nito ay mas mataas na sweldo. Ang hindi ko alam ay nagnanakaw na pala siya sa kumpanya. Kung alam ko lang ay hindi ko iyon pahihintulutan,” umiiyak si Steven sa paglalahad sa kaniyang misis.

“Pilit din akong tinulungan ni Criselle pero maging siya ay binantaan ang buhay kaya lumipad na lamang siya sa ibang bansa at hindi na nagpakita pa dahil sa takot. Hindi ko alam ang gagawin ko, Mae. May mga pagkakataon na nais ko na lamang maglaho sa mundong ito para matapos na ang problema.

Advertisement

Lalo pa akong nawawalan ng lakas ng loob sa pangungulila sa inyo. Patawarin niyo ako at hindi ko magawang umuwi. Alam kong maraming pagkakataon na kailangan mo ako ngunit wala ako sa tabi mo,” patuloy niyang wika sa asawa. 

Awang-awa si Mae sa sinapit ng kaniyang mister. Lalo pa sa tuwing maiisip niyang mag-isa lamang ang asawa na kinaharap ang ganitong bagay.

“Patawarin mo rin ako, Steven, at agad kitang hinusgahan. Agad akong bumitaw sa atin. Ngayong narito na ako ay pangako ko sa’yo na gagawin ko ang lahat para makalaya ka,” saad ng ni Mae.

Humingi ng tulong si Mae sa embahada at sa gobyerno ng Pilipinas. Nagpaabot naman ng tulong ang ibang ahensiya, pamilya at mga kaibigan sa sinapit ng asawa.

Hindi naging madali ang pagpapawalang sala kay Steven. Ngunit dahil sa pagtutulung-tulong ng lahat ay nakalaya na rin siya at tuluyang nakauwi sa bansa.

Muling nanumbalik ang masayang pagsasama nina Steven at Mae. Napagtanto ng dalawa na mahirap talaga ang magtrabaho sa ibang bansa lalo na at malayo sa pamilya. Ngunit wala namang hindi gagawin ang isang magulang para sa kaniyang mag-anak.

Nagdala man ng labis na pangamba ang pangyayaring ito sa buhay ni Steven ay pilit siyang bumangon at nagsimula muli para sa kaniyang pamilya.