Nawalan ng Karapatan ang Misis sa Sariling Bahay dahil sa Biyenan; Ito ang Ginawa ng Mister Niya

“Sa wakas, mahal, at makakalipat na tayo sa bago nating bahay. Hindi na tayo magsisiksikan sa maliit na apartment na ito. Napakasaya ko kasi sa wakas din ay natupad ko na ang pangarap natin na magkaroon ng sariling bahay. Alam kong marami pang kulang sa bahay pero uunti-untiin natin,” masayang pahayag ni Roy sa kaniyang asawang si Hilda.

“Walang kaso sa akin kahit maliit pa itong apartment, mahal. Ang importante sa akin ay magkakasama tayo ng mga anak natin. Saka naging masaya naman ang pagtira natin dito,” tugon ng misis.

“Pero hindi na rin ako makapaghintay na makalipat tayo, mahal. Nasasabik na ako sa buhay na naghihintay sa atin sa bago nating tahanan,” dagdag pa ng misis.

Halos sampung taong nangupahan ang mag-asawa sa isang maliit na apartment hanggang sa nakaipon at nakabili ng bahay. Isang manager man sa pinagtatrabahuhang restawran si Roy ay sapat lamang kasi ang kaniyang kinikita para sa pag-aaral ng tatlo nilang anak at mga pang-araw-araw na gastusin. Idagdag pa riyan ang mga bayarin.

Kaya ganun na lamang ang saya ng mag-asawa ng tuluyan nang makabili ng sarili nilang bahay. Hindi man pulido pa ang pagkakagawa nito ay lubos ang kaniyang kaligayahan na may matatawag na pag-aari na kanila na talaga.

Nang mabalitaan ng kapatid ni Roy na nakabili na ito ng bahay ay agad niyang kinausap ang kapatid.

“Kuya, lilipat na daw sa inyo si nanay at nasisikipan kasi siya rito sa amin. Hindi raw siya makakilos,” saad ng kapatid. 

Isinangguni ito ni Roy sa kaniyang asawa at wala siyang pagtutol na narinig. Masaya pa nga ang misis na makakasama ni Roy ang kaniyang ina sa iisang bubong.

Advertisement

Kaya nang tuluyang lumipat na sa bagong bahay ang pamilya ni Roy at kasama na ang kaniyang inang si Aling Digna.

Sa una ay naging maayos naman ang pagsasama ng lahat. Ngunit unti-unti nang napapansin ni Hilda na tila nawawalan na siya ng awtoridad sa kanilang sariling bahay.

Isang araw ay masayang inayos ni Hilda ang mga bagong biling kagamitan sa sala at ikinakabit ang tinahi niyang kurtina para sa mga bintana ng kanilang bagong bahay.

Kinabukasan ay nagulat na lamang siya nang makita na iba na ang ayos ng mga ito at hindi na rin nakakabit ang mga kurtinang kaniyang ginawa.

“Iniba ko ang ayos ng bahay kaninang umaga. Maganda ba?” tanong ni Aling Digna.

Hindi alam ni Hilda ang kaniyang itutugon. Pinaghirapan pa naman niyang ayusin ang bahay at nasasabik siyang doon sila magpahinga ng asawa at mga anak.

“Hindi ba maganda? Alam mo kasi, Hilda hindi maganda ang kulay ng mga napili mo. parang ang lungkot sa bahay. Saka ang ayos ng mga muwebles ay parang malas,” dagdag pa nito.

Hindi na lamang kumibo pa ang ginang at hinayaan na lamang ang matanda.

Advertisement

Ngunit nagpatuloy ang ganito sa kanilang bahay. Minsan ay pinagsasabihan pa siya ng matanda kung saan dapat ilagay ang ibang kasangkapan at kagamitan. Pinapahinto rin nito ang mga tugtugin ni Hilda at mga anak dahil maingay raw. 

Halos hindi na makakilos si Hilda sa sarili niyang bahay. Sinubukan niyang kausapin ang kaniyang biyenan ngunit ito lamang ang itinugon nito.

“Iniingatan ko lang ang bahay ng anak ko. Ayaw ko lang makitang pumapangit ang pinaghirapan niyan. Aba, Hilda, dapat ay matuwa ka kasi nakabili ng bahay ang anak ko para tirhan n’yo,” sambit ng matanda. 

Nasaktan si Hilda sa sinabi ni Aling Digna. Kaya pala todo ang pangingialam nito ay dahil nasa isip nito ay pag-aari lamang ito ng kaniyang anak dahil ito ang bumili nito. Ayaw na lamang niyang pagsimulan ng away kaya hindi siya kumikibo. Ngunit sumisikip na ang kaniyang mundo sa sariling tahanan.

Nang mapansin ni Roy na may bumabagabag sa kaniyang asawa ay agad niya itong tinanong.

“Minsan lang nami-miss ko ang buhay natin sa apartment. ‘Yung tayo lang. “Yung malaya kami ng mga bata na gawin ang gusto namin na kasama ka,” saad niya.

Alam ni Roy na may mali dahil sa tono ng asawa. Ayaw mang sabihin ni Hilda ay napilitan na rin siya dahil sa bigat na dinadala nito sa kaniyang dibdib.

“Alam mo ‘yung narito ako sa sarili kong tahanan ngunit hindi ako makakilos. Gano’n ang nararamdaman ko. Lahat ng kasabikan ko ay nawala, Roy,” malungkot nitong tugon. 

Advertisement

Nang malaman ni Roy ang tunay na nangyayari sa kanilang bahay ay agad niyang kinausap ang ina.

“‘Nay, hindi po sa ayaw ko kayo rito. Pero hayaan po ninyo si Hilda sa mga gusto niyang gawin dito sa bahay,” pakiusap ni Roy sa ina.

“Gusto ko lang namang pangalagaan ang naipundar mo. Masama ba iyon? Aba, hindi lahat ay nakakabili ng bahay. Alam kong pinaghirapan mo ito,” tugon naman ng ina.

“Opo, ‘nay. Naiintindihan ko kayo. Pero hindi ko lang bahay ang bahay na ito. Sa katunayan nga ay wala akong karapatan sa bahay na ito dahil ang bahay na ito ay para sa asawa ko at mga anak ko,” wika pa ng ginoo.

“Pinatira ko po kayo dito dahil nais namin kayong makasama. Hindi kayo nakarinig ng kahit ano mula sa asawa ko. Ngunit pakiusap, sana ay h’wag niyo namang ipamukha sa kaniya na dahil lang sa ako ang bumili ng bahay na ito at nanay ko kayo ay mas may karapatan kayo. Kay Hilda ang bahay na ito at sa mga anak ko.

Si Hilda ang reyna sa tahanang ito at nasa kaniya ang lahat ng karapatan para gawin ang nais niya. Hindi ko rin naman magagawa ang lahat ng ito kung hindi din dahil sa asawa kong matiyagang nag-aalaga sa amin ng kaniyang mga anak at katuwang ko sa pag-iipon mabili lamang itong bahay,” paliwanag pa ng ginoo. 

Ipinakita ni Roy ang titulo ng bahay at laking gulat ng ina na nakapangalan pala ito kay Hilda.

“Regalo ko ang bahay na ito sa kaniya dahil karapat-dapat siya. Matiisin, mapagmahal, at maalagang asawa at ina,” sambit pa ni Roy.

Advertisement

Natameme na lamang ang biyenan sa sinabi ng kaniyang anak. Natauhan siya sa tunay na kinalalagyan niya. Mabuti na lamang ay kinausap ni Roy ang ina ay ipinaunawa ang karapatan ng asawa. 

Mula noon ay naging malaya na din si Hilda sa pag-aayos ng kanilang tahanan. Hindi na nangingialam ang matanda at alam na nito kung saan lulugar. Hindi na rin nagkaroon ng sigalot pa sa tahanan. Kahit na magkasama ang dalawang importanteng babae sa buhay ni Roy ay naging matiwasay ang kanilang pagsasama sa iisang bubong.