Hindi Matanggap ng Binata ang Muling Pag-Aasawa ng Ina; Nang Masawi ang Ginang ay Ito ang Ginawa ng Amain

“Mahal, pasensiya ka na kay Oliver. Nabalitaan ko kasi na sinagot-sagot ka na naman daw kanina. Hindi ko nga maintindihan d’yan sa bata na iyan. Galit siya sa ugali ng tatay niya pero kahit na anong uri ng pakikisama mo sa kaniya ay ganiyan pa rin siya — matigas ang ulo,” saad ni Belen sa kaniyang asawang si Tonyo.

“Pabayaan mo na lang siya, mahal. Sanay naman na ako sa anak mo na iyan. Binata, e. Lahat naman ata tayo dumaan sa ganiyan. Baka hindi pa lang din niya tanggap na may bago ka nang asawa. Alam mo namang nasanay siya na kayo lang dalawa,” tugon naman ng mister. 

“Kahit na. Hindi pa rin tama na bastusin ka niya. Lalo pa at sinusubukan mong magpakaama sa kaniya. Lagi mo siyang inuunawa. Hindi katulad ng tatay niya noon na sinasaktan siya pati ako,” pahayag ng ginang.

“Hayaan mo, mahal. Bigyan mo lang siya ng panahon. Isang araw ay matatanggap din niya ang lahat ito,” sambit pa ni Tonyo sa asawa.

Dalawang taon ng nagsasama si Belen at Tonyo. May isang anak si Belen sa pagkadalaga, si Oliver. Sandali lamang silang nagsama ng ama ng binata sapagkat minam@ltrato sila nito. Mag-isang tinaguyod ni Belen ang anak hanggang sa nakilala niya ang binatang si Tonyo.

Nang magkapalagayan ng loob ay naging magkasintahan ang dalawa at hindi naglaon ay nauwi na nga sa kasalan. Masaya ang naging pagsasama ng mag-asawa. Ngunit madalas magkaroon ng isyu sa kanilang bahay dahil sa binatang si Oliver. Matigas kasi ang ulo nito at sinusuway lagi ang ina at amain. Madalas pa ngang sagutin ng pabalang at bastusin ng binata ang asawa ng kaniyang ina.

Mabuti na lamang ay inuunawa na lang ni Tonyo si Oliver. Naniniwala ang ginoo na isang araw ay lalambot din ang puso nito at matatanggap na isa na silang pamilya.

“Kumain ka muna, Oliver, bago ka umalis. Ipinagluto tayo ng mama mo ng agahan. Hindi siya makakasabay sa atin dahil masakit daw ang ulo,” paanyaya ng ginoo.

Advertisement

“Ikaw na lang ang kumain. Baka nga ikaw lang naman talaga ang pinagluto ng mama ko. Aalis na ako nang hindi na ako magdala ng sakit ng ulo sa inyo,” pabalang niyang sagot sa amain.

“Umuwi ka kaagad pagkatapos ng klase mo. Kung gagabihin ka ay tumawag ka para hindi nag-aalala ang mama mo,” saad pa ni Tonyo.

“Alam ko ang gagawin ko! H’wag ka ngang umasta riyan na parang totoong may pakialam ka sa akin. Alam ko naman na ginagawa mo lang ‘yan para magpasikat sa mama ko,” sambit pa ni Oliver.

“Totoong nag-aalaa ako para sa iyo, Oliver. Ikaw lang naman itong lumalayo sa amin,” wika ng amain.

“Tigilan niyo nga ako sa pagbabalatkayo mo. Hindi ko alam bakit hinayaan pa ng mama ko na pumasok ka sa buhay namin. Ayos naman kami na kami lang!” wika ng binata.

Dahil sa mga pinagsasasabi ni Oliver ay pilit na siyang pinapakalma ng amain upang hindi na sila magtalo ngunit patuloy pa rin ang binata sa pagsasabi ng kung anu-anong masasakit na bagay.

Hanggang sa nakarinig na lamang ang dalawa ng malakas na sigaw mula kay Belen.

Agad silang tumakbo patungo sa silid at nakita na lamang nila ang ginang na namimilipit sa sakit hanggang sa nawalan na ito ng malay. Binuhat agad ni Tonyo ang asawa saka isinakay sa kotse at dinala sa ospital.

Advertisement

“Napag-alaman po namin na madalas pala ang pagsakit ng ulo ng asawa niyo. Ngunit ito po ang pinakamatindi. Ayon po sa kaniya. Sa mga pagsusuri po ay ikinalulungkot po namin sabihin sa inyo na mayroon pong malaking bukol sa kaniyang utak na kailangan po agad na operahan. Kailangan pong ihanda muna natin ang katawan ng pasyente sa magiging operasyon,” sambit ng doktor kina Tonyo at Oliver.

Nagulantang ang dalawa sa kanilang nalaman. Salitan ang dalawa sa pag-aalaga sa ginang. Matapos ang operasyon ay bumuti ng sandali ang lagay ni Belen ngunit nagpatuloy pa rin sa pagkalat ang tumor sa kaniyang utak. Ilang buwan pa ang nakalipas ay tuluyan na ring bumigay ang katawan nito.

Labis na kalungkutan ang naramdaman ni Tonyo at Oliver. Hindi nila akalain na magiging ganoon kabilis ang pagkawala sa kanila ng ilaw ng tahanan.

Ibinurol si Belen ng limang araw at saka ito inilibing. Nang makauwi ang dalawa sa kanilang bahay ay dumeretso si Oliver sa kaniyang silid.

Pagbaba niya ay nagulat si Tonyo na bitbit nito ang kaniyang mga damit.

“Saan ka pupunta, Oliver?” tanong ng amain.

“Aalis na ako. Tutal wala na ang mama ko ay hindi na ako dapat pang manatili dito sa bahay mo. Hindi mo naman ako anak at wala kang responsibilidad sa akin. Si mama lang naman ang tanging nag-uugnay sa ating dalawa. Ngayong wala na siya ay aalis na ako,” pahayag ng binata.

“Sinong nagsabing aalis ka? Dito ka lang. Hindi ko lang ito bahay, bahay natin ito,” giit ni Tonyo.

Advertisement

“Alam mo, simula nang mahalin ko ang mama mo ay minahal ko rin ang lahat-lahat sa kaniya. Kung sino siya, kung ano ang nakaraan niya at kung sino ang mga taong mahal niya. Itinuring na kita bilang anak ko, Oliver. Ngayong wala na ang mama mo ay hayaan mong magpakaama ako sa’yo. Ikaw ang tanging alaala na iniwan sa akin ng mama mo. Kaya sana ay bigyan mo ako ng pagkakataon na patunayan sa iyo na p’wede akong maging ama kahit hindi ka sa akin nanggaling,” sambit pa ng amain. 

Dahil sa narinig ay napabitaw si Oliver sa dala-dala niyang bag at agad yumakap sa amain.

“Patawad po, Tito Tonyo. Kahit na puro tigas ng ulo ang pinakita ko sa inyo ay nagawa niyo pa rin akong tanggapin. Patawad po,” pagtangis ng binata.

“Papa. Simula ngayon ay papa na ang itatawag mo sa akin sapagkat ako na ang magiging tatay mo. Ako ang bahala sa iyo, anak,” saad ni Tonyo.

Napaiyak na lamang si Oliver sa kabutihan ng amain. Simula noon ay naging maayos na ang kanilang pagsasama. Itinuring na ni Oliver si Tonyo bilang tunay na ama. Nanghihinayang man at hindi na ito nasilayan pa ni Belen ay alam nilang masaya na ito habang tanaw sila mula sa langit.