Isinanla ng Mag-Asawa ang Kanilang Wedding Ring para sa Matandang Tinulungan; Hindi Nila Inaakala na Ito ang Kapalit

“Narito ka na pala, mahal. Bakit ginabi ka na ata? Bakit tila hindi maipinta ang mukha mo?” tanong ni Grace sa kaniyang asawang si Lando.

“Ang tumal kasi ng pasahero, mahal, kaya pinilit ko pang bumiyahe. Bago ako umuwi ay nasiraan pa ako kaya napadaan pa sa talyer. ‘Yung kakaunti kong kinita na maiuuwi sa inyo ay nabawasan ko pa. Pasensiya ka na talaga, mahal. Maghihirap ka na naman nito sa kaka-budget,” paliwanag ng mister. 

“Ano ka ba naman, mahal. Bakit ka humihingi ng pasensiya? Ayos lang ‘yan. Nangyayari talaga ‘yan. ‘Wag mo nang masyadong isipin. Bawi na lang tayo bukas. O siya, handa na ang pagkain mo at maghapunan ka na muna. Tiyak ko ay pagod na pagod ka,” wika pa ng ginang habang inaasikaso ang asawa. 

“Bakit ganiyan ang tingin mo sa akin? May dumi ba ako sa mukha?” sambit ni Grace nang mapansing nakatitig sa kaniya ang asawa. 

“Wala lang. Napaisip lang ako. Ano kaya ang ginawa kong mabuti dito sa mundo at ibinigay ka sa akin ng Panginoon? Mabuti na lang at ikaw ang asawa ko. Kahit na hindi ko pa naibibigay ang pinangako kong maginhawang buhay ay nananatili ka pa rin sa piling ko,” sambit ng ginoo.

“Nangako ako sa’yo, Lito, sa harap ng Panginoon na mananatili ako sa tabi mo sa hirap at ginhawa, sa saya at kalungkutan. Tinutupad ko lang ang pangako ko. Saka isa pa, mabuti ka ring asawa. Wala kang bisyo at ginagawa mo ang lahat para sa amin. Daig ko pa ang nanalo ng jackpot sa lotto,” pahayag naman ni Grace.

“Hayaan mo, kapag yumaman na talaga tayo ay pakakasalan kitang muli! ‘Yung magarbo! Titiyakin ko na ikaw ang pinakamagandang babae sa araw na iyon,” wika pa ni Lito sa asawa.

Isang jeepney driver si Lito habang si Grace naman ay isang maybahay. Hindi man nakakariwasa sa buhay ay masaya naman ang pagsasama ng mag-asawa. Hirap man sa buhay ay pilit itinataguyod ng mag-asawa ang kanilang pamilya.

Advertisement

Isang gabi, habang bumabyahe si Lito ay nakita na lamang niya ang isang matanda na mag-isang naglalakad sa daan. Tila nagugulumihanan ito at hindi alam kung saan ang kaniyang tungo. Nagulat na lamang si Lito nang biglang bumagsak ang matanda. Nawalan na pala ito ng malay. 

Agad bumaba ng jeep si Lito at tinignan ang matanda. Hindi nagdalawang isip si Lito na isakay ito sa kaniyang sasakyan. Dahil hindi sapat ang kaniyang kita ay iniuwi na lamang niya ito sa kanilang bahay.

Nang mahimasmasan ang matanda ay agad nila itong binigyan ng tubig at pagkain.

“H’wag po kayong matakot, ale. Ako po si Lito at ito po ang asawa kong si Grace. Nahimatay po kayo sa daan. Ano po ba ang pangalan ninyo? Saan po ba kayo pupunta?” tanong ng ginoo sa matanda.

Ngunit walang maalala ang matanda. Ni pangalan niya o mga kamag-anak ay hindi niya magawang maalala.

Sa kalaliman ng gabi ay pinatuloy muna ng mag-asawa sa kanilang tahanan ang matandang babae. Pansamantala nila itong inalagaan at naghihintay na baka sakali ay may maalala ito. Nagtanung-tanong na rin sila sa baranggay at pulis sa pagkakakilanlan ng matanda ngunit walang makapagsabi kung sino ito.

Ngunit isang araw ay bigla na lamang nawalan muli ng malay ang matanda.

“Kailangan na natin siyang dalhin sa ospital, Lito. Kawawa naman ang matandang ito,” pag-aalala ni Grace.

Advertisement

“Pero, wala tayong ibabayad sa ospital, Grace. Wala akong mauutangan sapagkat hindi pa tapos ang mga utang natin,” sambit ni Lito sa asawa.

“Isanla mo itong singsing ko. Tubusin na lang natin kapag nagkapera. Ang importante ay madala natin ang matandang ito sa ospital. Kailangan niya ng lunas,” wika pa ng ginang.

Kaya ganoon ang ginawa nila para lamang madala ang matanda sa ospital. Dahil kulang pa rin ang pera para sa gamot at iba pang gastusin sa ospital ay kinailangan naman ni Lito na isanla ang wedding ring.

“Hayaan mo na ang singsing natin, Lito. Matutubos din natin iyon. Ang mahalaga ay ang buhay ng matandang ito. Labis akong naaawa sa kaniya. Wala na nga siyang maalala ay hindi pa alam ng pamilya niya ang nangyari sa kaniya,” saad ni Grace.

Sa pag-aalaga ng mag-asawa ay unti-unting bumuti ang kalagayan ng matanda. Hanggang sa maaari na nila itong iuwi sa kanilang bahay.

Pinagtatawanan naman sila ng ibang kapitbahay dahil sa kanilang ginawa. Dapat daw kasi ay hindi na nila ginawa ang bagay na iyon sapakat hindi naman nila kilala ang matanda. Mahirap na nga daw sila ay kumukuha pa sila ng ibang responsibilidad.

Hindi ito ininda ng mag-asawa. 

Isang araw ay may isang babae ang kumatok sa kanilang bahay. Nang makita ng babae ang matanda ay agad niya itong niyakap.

Advertisement

“Lola! Akala ko po ay hindi ko na kayo makikita!” umiiyak na sambit ng babae.

“Pasensiya na po kayo at hindi ako nakapagpakilala. Sobrang saya ko lang po at sa wakas ay nakita na po namin si Lola Helen. Sa katandaan po ay nakakalimot na po siya. Maraming salamat po at hindi po ninyo siya pinabayaan,” paliwanag ng babae. 

“Nabalitaan ko po ang lahat ng ginawa niyo para sa lola ko. Hindi ko po akalain na kaya niyong isanla ang wedding ring niyo para sa isang matandang hindi niyo kilala. Lubos po akong humahanga sa kabutihan ng inyong puso. Bilang ganti po ay tanggapin po ninyo ang pasasalamat ko,” wika pa ng apo ng matanda.

Iniabot nito ang sobre sa mag-asawa.

“P’wede niyo na pong tubusin ang mga singsing ninyo. Maraming maraming salamat po,” saad muli ng babae.

“Ngunit napakalaking halaga nito. Sobra-sobra po ito para sa mga singsing,” wika ni Grace.

“Kahit ano pong halaga ay hindi po matutumbasan ang kabutihan ninyo. Gamitin po ninyo ang pera na iyan para makatulong sa inyong pamumuhay. Napakabuti niyong mag-asawa. Kulang pa po ‘yan sa ginawa niyong pagsagip sa lola ko,” pahayag pa ng babae.

Tuluyan nang iniuwi ng babae ang matanda sa kanilang bahay.

Advertisement

Samantala ay ginamit ng mag-asawa ang ibinigay sa kanila upang tubusin ang isinanla nilang singsing. Ang iba ay inimpok nila at ang iba naman ay ginamit nila upang magtayo ng isang negosyo. 

Nang mabalitaan muli ng pamilya ng matanda ang ginawa ng mga ito sa pera ay patuloy silang nagpadala ng tulong sa mga ito. Bumili ng ilang dyip pa si Lito at mula noon ay hindi na siya namamasada pa at itinuon na lamang ang atensyon sa negosyo at pamilya. 

Hindi naglaon ay natupad na rin ni Lito ang kaniyang pangarap na muling pakasalan ang asawa. Sa pagkakataong ito ay naibigay niya kay Grace ang isang magarbong kasal at muli silang nanumpa sa Panginoon na magsasama sa hirap at ginhawa.

Simula noon ay nagbago na ang takbo ng buhay ng kanilang pamilya.

Napatunayan ng lahat na tunay ngang binibiyaan ng Diyos ang mga taong matulungin at mabuti ang kalooban.