Hindi Pinakinggan ng Lalaki ang Misis dahil sa Pagbabayad ng Utang na Loob; Tuluyan Niya Itong Ikapapahamak

“Saan ka na naman ba pupunta, Jessie? Hindi ka pa ba nadadala? Sa tuwing lumalapit sa iyo ang kaibigan mo na iyan ay laging may kasunod na problema. Isipin mo naman kami ng anak mo!” galit na sambit ni Amy sa kaniyang mister.

“Pagbigyan mo na ako, Amy. Huli na ‘to. Alam mong malaki ang utang na loob ko sa kaibigan kong si Bryan. Nagbabayad lang ako ng utang na loob!” tugon naman ni Jessie.

“Punyetang utang na loob ‘yan, Jessie! Hanggang kailan ka ba magbabayad? Oo, kung hindi niya tayo pinautang noong manganganak na ako ay wala na sana kami ng anak mo, pero nagbabayad tayo ng halagang inutang natin. Hindi habang buhay mo pagbabayaran ang bagay na ito! Isipin mo naman kami ng anak mo!” mariing giit ng maybahay.

“Pangako, Amy, huli na ‘to. Sinabi niya sa akin na huli na ito. Dadalhin ko lang itong pinapadala niya doon sa sinasabi niyang tao, tapos ay uuwi ako kaagad. Pangako, Amy, huling huli na ito,” pakiusap pa ng mister.

Malaki ang utang na loob ng mag-asawa sa kaibigang si Bryan. Ito kasi ang nagpautang sa kanila ng pera noong nasa bingit ng k*matayan si Amy habang ipinapanganak ang kanilang anak. Malaki ang hinihinging pera ng ospital upang umpisahan ang operasyon. Mabuti na lamang ay nariyan si Bryan para pahiramin sila.

Pinipilit naman ng mag-asawa na makabayad sa kaibigan. Pero dahil gipit din ay hindi pa nila nagagawang bayaran ng buo ang kanilang pagkakautang. Dahil may utang na loob nga itong si Jessie sa kaniyang kaibigan ay gumaganti ito sa pagsunod sa mga hinihinging pabor ni Bryan sa kanila.

Ngunit tulad ng ipinapangamba ni Amy, laging nalalagay sa alanganin si Jessie sa tuwing may ipinakiusap sa kaniya si Bryan. Kinakabahan ang ginang na baka isang araw ay ikapahamak ito ng mister. Ngunit tila sunud-sunuran lamang ang asawa sa nais ng kaibigan dahil sa sinasabing utang na loob.

“Kinakabahan ako sa lakad mo na ito, Jessie. Paano kung mapahamak ka? Paano kami ng anak mo?” saad niya sa asawa.

Advertisement

“Ginagawa ko nga ito dahil sa inyo. Gumaganti ako ng utang na loob sapagkat dahil sa kaniya ay kasama ko pa rin kayo hanggang ngayon. Nangako naman si Bryan na huli na talaga ito, Amy. Pangako, kahit ano pa ang sabihin niya sa susunod ay hindi ko na gagawin sapagkat patas na kami,” wika muli ni Jessie.

Wala nang nagawa pa si Amy sa pag-alis ni Jessie nang gabing iyon. Lubos ang kaniyang kaba dahil may nararamdaman siya na tila ito na ang huli nilang pagkikitang mag-asawa.

“Pare, hindi ko tatalikuran ang pagkakaibigan natin at malaki ang utang na loob ko sa iyo. Pero pangako, babayaran ko ang utang ko sa’yo. Huling beses ko na itong gagawa ng pabor para sa’yo,” wika ni Jessie sa kaibigan.

“Kahit ‘wag ka ng magbayad, pare. Ihatid mo na lang itong bagay na ito sa taong sinasabi ko sa’yo at tapos na ang lahat ng utang mo sa akin,” sambit naman ni Bryan.

Sa pagnanais na matapos na ang lahat ng kaniyang utang na loob ay ginawa kaagad ni Jessie ang pakiusap sa kaniya ng kaibigan. Inihatid niya ang nasabing bagay sa lugar ng kanilang tagpuan. Dahil din tiwala siya sa kaniyang kaibigan at hindi siya nag-isip ng masama rito ay hindi na niya tiningnan kung ano man ang laman ng nasabing lalagyan. 

Nang iaabot na niya sa lalaking katagpo ang bagay na ipinapahatid sa kaniya ay bigla na lamang sumulpot ang mga pulis.

“Itaas niyo ang inyong mga kamay. H’wag niyo nang subukang lumaban sapagkat napapaligiran namin kayo!” wika ng pulis.

Nangangatog sa takot si Jessie. Agad niyang naisip ang kaniyang mag-ina. Kinuha ng pulis ang bagay na ipinahahatid ng kaibigan sa kaniya at nang bugksan ang bag ay tumambad sa kaniya ang ilang pakete ng ipinagbab@wal na gamot.

Advertisement

“Boss, wala akong kinalaman sa bagay na ito. Napag-utusan lamang ako!” giit ni Jessie.

Ngunit ayaw makinig ng mga pulis.

“Ganiyan naman ang lagi niyong sinasabi. Sumama na lang kayo sa presinto nang maimbestigahan ang kasong ito,” saad ng pulis. 

Nang mabalitaan ni Amy ang nangyari sa asawa ay agad siyang napasugod sa pulisya kasama ang anak.

“Bakit hindi ka nakinig sa akin, Jessie? Paano na tayo ngayon?” hinagpis ng umiiyak na ginang. 

Hindi nakatugon si Jessie sa kaniyang pagkakamali.

“Ayaw pa umamin ng asawa mo kung sino ang nag-utos sa kaniya. Kung sasabihin niya kung sino ang nasa likod nito ay maaari na namin siyang pakawalan,” saad ng isang pulis.

“Jessie, sabihin mo na kung sino. Kung hindi ay ako ang magsasabi sa kanila,” saad ni Amy.

Advertisement

“Puntahan mo si Bryan, Amy, at sabihin mo ang nangyari. Sabihin mo sa kaniya na tulungan niya ako, parang-awa na niya,” pakiusap ni Jessie sa asawa.

Nang puntahan ni Amy si Bryan para humingi ng tulong ay nagkibit balikat lamang ito. Ni hindi nga nito magawang papasukin ng kaniyang bahay o pagbuksan man lamang ng pinto ang ginang.

“Sasabit din ako, Amy, kapag nakialam ako. Bahala na muna kayo ng asawa mo d’yan,” pahayag ni Bryan.

Napaluha na lamang sa galit si Amy sa sinabi ni Bryan. Nang sabihin ito ni Amy sa kaniyang asawa ay lubos din ang galit nito at pagsisisi.

“Patawad at hindi ako nakinig sa iyo, Amy. Kung makakalaya lang ako dito ngayon ay itatama ko na ang lahat ng pagkakamali ko,” saad ni Jessie.

“Simulan mo na ngayong itama ang pagkakamali mo, mahal. Sabihin mo na sa mga pulis ang lahat ng nangyari,” wika ni Amy sa asawa.

Inilahad ni Jessie ang lahat sa mga pulis. Sinabi niya na inutusan lamang siya ng isang kaibigan. Sinabi rin niya na ang lahat ng nasa likod ng ilegal na transaksyon na ito ay walang iba kung hindi ang kaibigang si Bryan. 

Agad dinakip ng mga pulis si Bryan at kinasuhan. Pinalaya na rin si Jessie at muli niyang nakasama ang kaniyang pamilya.

Advertisement

Simula noon ay itinuon na niya ang kaniyang sarili at atensyon sa kaniyang mag-ina. Hangga’t maaari din ay umiiwas na siya na magkaroon ng utang na loob kanino man. Natuto na rin siyang makinig sa kaniyang asawa dahil nais lamang nito ang kaniyang kaligtasan. 

Ayos lamang ang tumanaw ng utang na loob sa iba. Ngunit dapat mong malaman ang hangganan nito lalo na kung ikakapahamak na ito ng sarili mong buhay at ng iyong pamilya. Maswerte si Jessie sapagkat nabigyan pa siya ng isang pagkakataon upang itama ang kaniyang mga mali.