“Mars, kamusta ka? Balita ko, noong isang buwan lang binawian ng buhay ang asawa mo, ha? Ayos ka na ba?” pang-uusisa ni Aling Tasing sa kaniyang kumare, isang araw nang makasalubong niya ito sa palengke.
“Oo nga, eh. Hindi pa masyado, pero unti-unti ko nang natatanggap. Ayos na rin ‘yon kaysa naman maghirap pa siya lalo, ‘di ba? Eh, doon sa langit, masarap ang buhay,” tugon naman ni Aling Rusita sa kaniyang kumare saka ibinaba ang kaniyang mga pinamili.
“Sabagay, tama ka d’yan. Bawas gastos pa, ano?” sagot ng ginang, napatango lang naman siya sa sinabi nito.
“Maiba ako, ha? May balak ka pa bang mag-asawa muli?” tanong pa nito na labis na niyang ikinagulat.
“Naku, ikaw talaga, napakatsismosa mo! Kumare nga kita! Siyempre, wala na! Sisenta anyos na ako! Sino pa ang magtatangkang umibig sa akin?” sambit ni Aling Rusita.
“Hindi mo rin masabi. Mapaglaro ang tadhana. Malay mo naman, may asim ka pa!” sabi pa ni Aling Tasing dahilan para mapatawa ang ginang.
“Ewan ko sa’yo, dyan ka na nga! At ako’y magluluto pa!” tugon niya saka nagpara ng pedicab at sumakay.
Isang buwang biyuda na si Aling Rusita. Halos ramdam na ramdam niya pa ang pait ng pagkawala ng kaniyang asawa dahil sa isang aksidente sa kanilang bahay. Wala rin siyang mapaglabasan ng bigat ng loob dahil lahat ng tatlo nilang mga anak ay nasa abroad.
Unti-unting pinapaliwanagan ng ginang an kaniyang sarili tungkol sa pagkawala ng kaniyang asawa. Lagi niyang sinasabi, mas mabuti na’t nawala na ang kaniyang asawa, dahil tapos na ang paghihirap nito sa mundong ibabaw.
Ngunit tila labis napaisip ang ginang sa sinabi ng kaniyang kumare.
“Paano kaya kung may manligaw ulit sa akin? Hindi kaya magagalit ang yumao kong asawa?” tanong niya, “Naku! Nababaliw na ako! Sino bang magkakamali pa sa akin!” wika niya nang sumagi sa isip niya ang kaniyang edad.
Ngunit tila totoo nga ang sinabi ng kaniyang kumare, mapaglaro nga ang tadhana dahil tatlong buwan lamang ang nakalipas simula ng pagkikita nila, may isang binatang palaging naglalagay ng bulaklak sa kaniyang pintuan.
Noong una’y hindi niya ito pinapansin dahil baka nagkakamali lang ang binata. Ngunit hindi nagtagal, nilagyan na ito ng pangalan ng binata, “Para sa pinakamamahal kong Rusita,” na halos araw-araw nakakapagpangiti sa ginang.
Hindi pa dito nakuntento ang binata, kinukuha lamang kasi ni Aling Rusita ang bulaklak kapag umalis na ito kaya naman upang masilayan ang kaniyang minamahal, hinarana niya ito.
Ito ang naging simula ng kanilang pagtatagpo. Dumungaw sa bintana ang ginang na para bang isang dalagang birhen habang todo awit ang binatang akala mo’y nasa isang singing contest na kailangang magpakitang gilas sa mga hurado.
Ngumiti lang ang ginang saka bumaba sa kaniyang bahay.
“Hijo, ako ba talaga ang sinasadya mo? Baka hindi mo alam kung ilang taon na ako,” paninigurado ni Aling Rusita.
“Alam na alam ko. Sisenta ka na, hindi ba? Samsung taon pa lang ako noong una kitang makita sa palengke. Kasama mo noon ang asawa’t mga anak mo, doon pa lang, ramdam ko nang ikaw ang makakatuluyan ko,” pahayag nito dahilan upang mamula ang ginang.
“Ako nga pala si John, yung batang binigyan mo ng candy noon. Akala mo kasi tiningnan ko yung candy na hawak mo, pero ikaw talaga yung tinitingnan ko,” dagdag pa nito saka hinawakan ang kaniyang kamay at hinalikan. Halos hindi naman makapaniwala sa mga kaganapan ang ginang.
“Pe-pero sandali, bata ka pa. Marami ka pang makikilalang babae,” sambit ng ginang .
“Age doesn’t matter, ‘ika nga nila. Saka ang tagal kong hinintay ‘to, ngayon pa ba ako hahanap ng iba? Hayaan mo lamang akong mahalin at pasayahin ka habang nabubuhay tayo,” ‘ika nito sabay kindat.
Doon nagsimulang mahulog ang loob ng ginang sa binata na halos kalahati ng kaniyang edad na hindi naman kalaunan ay kaniya na niyang sinagot. Ngunit bago niya ito sinagot, ipinagpaalam niya muna ito sa puntod ng kaniyang asawa. Laking tuwa naman ng ginang na pati mga anak niya, sumang-ayon sa kaniyang kagustuhan. Dahilan ng mga ito, “Siguradong ayaw ng daddy na habang buhay kang malungkot.”
Pag-usapan man sila ng mga tsismosa, hindi nila ito alintana. Todo hawak kamay at lambingan pa sila habang naglalakad sa kalsada. ‘Ika ni Aling Rusita, “Kaunting taon na na lang akong mabubuhay, hayaan niyo na kaming maging masaya!”
Nakarating ang usapang ito sa kaniyang kumare na labis ang tuwa nang malaman ito. Sabi niya nang muli silang magkita, “Sabi sa’yo, eh. May asim ka pa!”
Masayang namuhay ng magkasama sa iisang bubong ang bagong magkarelasyon, tumpukin man ng kutsya at usap-usapan, ang mahalaga para sa kanila, sila’y nagmamahalan.
Labis na mapaglaro ang tadhana, baka nga ang talagang para sa iyo ay hindi pa isinisilang. Maghintay ka lamang at lahat ng lungkot na iyong nararamdaman, maiibsan ng saya’t pag-ibig ‘di kalaunan.