Nagtatrabaho bilang isang bell boy ang binatang si Herbert. Kilala siya na may mabuting kalooban ngunit sa sobra nitong bait ay madalas siyang abusuhin ng ilang kasamahan. Alam ni Herbert na kasama sa kaniyang mga tungkulin ang pagsunod. Ngunit madalas ay sumusubro na ang mga ito sa pag-utos sa binata sapagkat alam nilang hindi ito magrereklamo.
“Miroy, tara na at sabay na tayong magmiryenda. Nagpaalam na ako kay boss,” sambit ni Anton sa kasamahang si Miroy. “Basta daw maiiwan si Herbert at may mauutusan siya ay ayos na,” dagdag pa ng lalaki.
“Pero hindi ba dapat ay pananghalian na ni Herbert. Hapon na at hindi pa ‘yun nakakapagbreak,” tugon ni Miroy.
“Hayaan mo na siya. Sinabi ko naman sa kaniya na lalabas muna tayo. Saglit lang naman ito kasi gusto kong magyosi sa labas. May pagkauto-uto naman si Herbert kaya samantalahin na natin,” wika pa ni Anton.
Ilang minuto pa ay nakabalik na ang dalawa. Nang kakain na si Herbert sana ng kaniyang tanghalian ay ang manager naman nito ang nagpaalam.
“Herbert, asikasuhin mo na muna ‘yang si madam,” wika ng manager habang itinuturo ang isang babae. “Ihatid mo muna siya sa kaniyang silid. Pagkababa mo dito ay tiyak kong nakabalik na ako at makakapananghalian ka na,” saad pa nito.
Ginawa ni Herbert ang kaniyang tungkulin. Kahit na nakakaramdam na ito ng gutom ay ni hindi man lamang ito nagsalita at agad na lamang sumunod. Buong sigla niyang pinaglingkuran ang babae.
Isang araw ay lubusan ang pagkaabala sa hotel. Marami kasing manlalakbay na gustong mag-check in sa naturang lugar. Dahil maraming tao ay nagkukumahog ang lahat ng mga manggagawa. Imbes na magtulungan ang lahat ay ibinibigay nila kay Herbert ang mga mabibigat na gawain.
“Herbert, ikaw na ang maghatid sa isang pamilya na ito sa kanilang silid. Siguraduhin mong ingatan ang kanilang gamit dahil may mga babasagin daw silang dala,” wika ng manager.
Samantalang ang inihahatid lamang nila Anton at Miroy ay ang mga panauhin na halos walang bitbit na maleta.
Tulad ng nakasanayan ay wala na namang reklamo ang binata at ginawa niya ang kaniyang trabaho. Napuno ang lahat ng mga panauhin ang lahat ng kailang silid nang araw na iyon.
Kinagabihan ay bumagsak ang napakalakas na ulan. Isang mag-asawa ang naroon at nagmamakaawa na sila ay mabigyan ng isang silid na matutuluyan sapagkat sila ay basang-basa na.
“Baka naman po kahit isang maliit na silid lamang po ay mapagbigyan ninyo kami. Kailangan lang namin ng masisilungan ngayong gabi. Handa naman kami magbayad. Ginaw na ginaw na ang asawa ko at kailangan na niyang magpalit ng damit,” wika ng ginoo.
“O baka naman maaari kaming makigamit ng palikuran ninyo dito,” sambit naman ng ginang.
“Hindi ho maaari. Wala na pong bakante. Kung gusto ninyo ay sa iba na lamang po kayo maghanap,” sambit ng manager.
“Pero marami na kaming napuntahang hotel at maging sila ay puno na rin. Wala na rin kaming masasakyan pa sa tindi ng ulan na ito,” tugon ng ginang.
“Hindi na po namin ‘yan problema. Kung maaari lamang po ay umalis na kayo at nakakaabala po kayo sa amin,” sambit muli ng manager.
Nakita ni Herbert ang pangyayari. Halata sa itsura ng mag-asawa ang kanilang pagod at pagkaginaw. Nang akma nang aalis ang dalawa ay palihim niya itong nilapitan.
“May matutuluyan na po ba kayo?” sambit ni Herbert.
“Wala pa nga. Kaso kailangan na daw namin lisanin ang lugar na ito sabi ng babaeng iyon,” wika ng ginoo.
“Maari ko po kayong matulungan. Kung nais ninyo pong magpalit ng damit at ng sandaling pahingahan ay maaari po kayong sumama sa akin,” sambit ni Herbert dahil sa pagkahabag sa mag-asawa.
Isinama ni Herbert ang mag-asawa sa kaniyang tinutuluyang silid sa hotel. Masikip lamang ang silid at ang higaan ay pang isang tao lamang.
“Pagpasensiyahan nyo na po ang silid ko dito. Pero puwede po muna kayong magpalipas ng gabi dito hanggang mag-umaga para hindi na kayo mahirapan pa. Maaari na rin po kayong magpalit ng damit para hindi na kayo lamigin,” dagdag pa ng binata.
Laking pasasalamat naman ng mag-asawa. “Isang araw ay makakaganti rin ako sa kabutihan mo,” sambit ng ginoo.
“Herbert po ang pangalan ko,” tugon naman ng binata.
“Maraming salamat sa’yo, Herbert. Busilak ang puso mo,” wika ng ginang.
Kinaumagahan ay nalaman ng manager ang ginawang ito ni Herbert.
“Hindi mo ba alam na bawal ang ginawa mo? Tahasan mong pinatuloy ang mga ‘yan e mukha naman silang walang pambayad din. Pinaalis ko na sila kagabi para makahanap ng matutuluyan nila tapos ay doon pa sa silid mo pinatuloy?” galit na sambit ng manager.
“Makakarating ito sa pamunuan ng hotel at titiyakin ko na masisisante ka!” wika pa nito.
“Nais ko lamang ay tumulong sapagkat hindi mabuti ang kanilang kalagayan. Lubhang mapanganib pa kung itutuloy nila ang paghahanap ng matutuluyan kagabi dahil sa lakas ng ulan. Pasensiya na po sa nagawa ko. Pero ‘wag ninyo po akong tanggalin sapagkat kailangan ko itong trabaho na ito,” pagmamakaawa ng binata.
Nang marinig ito ng mag-asawa ay agad silang lumapit sa manager.
“Hinihiling ko sa iyo na tanggalin mo na itong si Herbert bilang bell boy ninyo,” sambit ng ginoo sa manager.
Labis namang nagulat si Herbert sa sinabi ng ginoo sapagkat tinulungan niya ito.
“Ginoo, kailangan ko po ng trabaho. Marami pong umaasa sa akin,” muling pagmamakaawa ng binata.
“Nais kong matanggal ka na rito sapagkat nais kitang kuhaing manager sa hotel na ipinatatayo ko sa ibang bansa,” sambit ng ginoo.
Ang mag-asawa palang ito ay ang mayamang may-ari ng ilang hotels sa ibang bansa. Dahil sa payak nilang pamumuhay ay hindi mo mapagkakamalan ang mga ito na mayaman.
“Galing din ako sa hirap, Herbert. Dati rin akong isang bell boy sa isang hotel. Nang makakita ako ng oportunidad sa ibang bansa ay agad ko itong kinuha. Nagsikap ako at nag-ipon hanggang unti-unti kong natupad ang aking pangarap na magkaroon ng isang maliit na hotel. Hindi doon natapos ang aking pagsusumikap. Nagsipag ako para naman lumago ang aking mga nagosyo. Hindi naging madali ngunit nakaya ko,” wika ng ginoo.
“Kaya hayaan mo ng tanggalin ka sa trabahong ito para umunlad ang iyong buhay,” dagdag pa niya.
Hindi makapaniwala ang lahat sa kanilang narinig. Lubusan ang inggit na naramdaman ng lahat sa alok ng ginoo kay Herbert. Hindi nila lubusang akalain na ang kabaitan pala ng binata ang magadadala sa kaniya sa hinahangad niyang maginhawang buhay. Tinanggap ni Herbert ang alok ng ginoo at tuluyan na iyang umalis patungong ibang bansa. Naging matagumpay siya doon at sinundan ang yapak ng ginoo.
May karampatang pabuya ang kabutihan na ginagawa natin sa ating kapwa lalo kung bukal ito sa ating kalooban. Hindi man ito direktang ibigay sa atin tulad ng naranasan ni Herbert ay tandaan nating ang Diyos ang magbibigay sa atin nito pagdating natin sa langit.