Inday TrendingInday Trending
Ang Tanging Paraan para Makapangibang Bansa

Ang Tanging Paraan para Makapangibang Bansa

“Kailan kaya ako makakapunta sa Korea,” tanong ni Monica sa kaniyang sarili habang tinititigan niya ang larawan ng lugar at ang kaniyang pasong passport.

Bata pa lamang kasi ay pangarap na ni Monica ang nakapunta ng Korea dahil sa kaniynag hilig na manood ng mga korenovela. Manghang-mangha siya sa mga lugar doon kaya naman ito ang napili niyang bansang mapuntahan kung sakali. Ngunit nagbago ang takbo ng kaniyang buhay at hindi na niya natupad ang pangarap.

Dalawang taon kasi ang nakalipas nang nagmahal ang dalaga at siya ay nabuntis. Hindi pa man ipinapanganak ang kaniyang anak na si Ashley ay iniwan na siya ng nakabuntis sa kaniya sa takot sa hinaharap na responsibilidad. Nanganak ng kulang sa buwan si Monica dahil sa sama ng loob sa karelasyon. Mula noon ay mag-isa na lamang itinaguyod ni Ashley ang kaniyang anak sa pagtitinda online.

Dahil kulang sa buwan ang kaniyang anak ay madali itong dapuan ng sakit. Kaya naman kayod kalabaw si Monica. Halos ibinaon na niya sa limot ang kaniyang pangarap na makapunta ng Korea.

Isang araw ay nagkasakit muli ang kaniyang anak na si Ashley. Dahil gipit ay napilitan siyang manghiram sa isa niyang kaibigang si Abby.

“Abby, pwede ba muna akong manghiram sa iyo kahit isang libo? Nasa ospital na naman kasi kami ni Baby Abby. Pasensiya ka na at wala akong malapitan. Babayaran na lang kita kapag kumita ulit ako sa mga paninda ko online,” mensahe nito sa kaibigan.

Agad naman siyang pinahiram ni Abby. Dahil sa awa sa kalagayan ng mag-ina ay nanghingi rin ng tulong ang kaniyang kaibigan sa ibang grupo sa social media. Marami ang naantig sa kuwento ni Monica kaya marami ang nagpaabot ng kanilang tulong.

Nagamit niya ang pera sa pagpapagamot kay Ashley kaya tuluyan na itong gumaling. Ngunit patuloy pa rin ang pagdating ng tulong. May mga pagkakataon pa na hindi na niya kailangan pang magtinda muli sapagkat nasasagot na rin nito ang panggatas ng kaniyang anak.

Dito na nanakuha ng ideya si Monica. Naisip niyang maaaring matupad ang kaniyang pangarap kung gagamitin niya ang kalagayan ng kaniyang anak upang manghingi ng pera. Sa ganitong paraan ay hindi na siya mahihirapan pa sa pag-iipon para makarating siya sa Korea.

Pineke niya ang mga sakit ni baby Ashley. Pinalabas niya na may malubha itong sakit at kailangan niya ng agad na gamutan. Madalas ay nagbibigay din siya ng mga mensahe sa ilan niyang kaibigan dahil nahahabag nga ang mga ito ay mabilis silang nag-aabot ng tulong pinansiyal sa babae.

Naging viral ang mga posts ni Monica at patuloy ang pagtanggap niya ng tulong sa kung sino-sinong tao.

Isang araw ay naisipan ni Abby na dalawin ang kaibigan upang tingnan ang kalagayan ng bata at kung ano pa ang maaari niyang itulong sa mag-ina. Ngunit nagulat siya sa kaniyang nakita. Nasa duyan lamang ang bata at patuloy sa pag-iyak habang itong si Monica sa pagpost niya sa peysbuk. Dito na kinutuban si Abby. Kaya umisip siya ng paraan.

“Monica, maaari ba akong makahingi ng mga papeles tungkol sa sakit ni Ashley. May isang mayamang pamilya kasi ang interesado na maghatid ng tulong sa inyo,” sambit niya kay Monica.

Dahil inakala ni Monica na malaking halaga ang maaari niyang matanggap ay agad niyang binigyan ng kopya ng papeles si Abby. Ang hindi nito alam ay balak alamin ni Abby ang katotohanan.

Nagtungo si Abby sa ospital na tinutukoy sa papeles na ibinigay ni Monica. Dito ay nagbigay siya ng lihim na humihiling na tingnan ang mga dokumentong hawqak niya at patunayang totoo ang mga ito. Nang matanggap ni Abby ang resulta ay pinabulaanan ng ospital at ng doktor na sumuri kay Ashley ang mga nasasaad sa papeles.

Dito na lalong naghinala si Abby sa tunay na intensiyon ni Monica. Agad niya itong pinuntahana kasama ang mga social worker at mga pulis sapagkat alam niyang wala sa mabuting kalagayan ang bata sa piling ng kaniyang ina.

Nang sila ay makarating ay naabutan nila ang bata nag-iisa sa bahay na tinutuluyan ng babae. Basang-basa ang lampin nito at iyak na iyak. Umalis pala ang ina nito upang kumuha ng mga padalang pera sa kanila ng mga tao mula sa social media.

Pagkarating ni Monica ay nagulat na lamang siya nang makita ang mga taong narorooon sa kaniyang tinutuluyan. Agad siyang pinaamin ng mga pulis sa tunay niyang intensiyon.

Nang malaman nilang pakana lamang ng babae ang malubhang sakit ng anak ay agad nila itong dinampot at ikinulong. Naibigay naman sa kalinga ng mga social worker ang pangagalaga ng anak ni Monica. Ipinababalik ng pulis ang lahat ng mga nakuha niyang pera sa mga taong naloko niya kabilang na doon si Abby.

Lubusan ang kaniyang pagsisi sapagkat ngayon ay nasa likod na siya ng piitan at pinaglayo na sila ng kaniyang nag-iisang anak. Lalo nang naging malayo na matupad pa ni Monica ang pangarap niyang makapunta ng ibang bansa dahil sa kasinungalingan niya.

Advertisement