Inday TrendingInday Trending
Gayuma ng Pagmamahal

Gayuma ng Pagmamahal

“Gusto ko po kasing ako lang ang mahalin niya,” sagot ni Anna nang tanungin siya ng matanda kung bakit niya ito ginagawa.

“Alam mo namang masama ang pangungulam, ‘di ba? Gawin ko man ito ay babalik ito. Hindi sa akin pero sa iyo,” paalala ng matanda.

Tumango si Anna. Alam niya iyon. Malinaw na ipinapaalala ng matanda ang bagay na iyon sa kaniya pero talagang determinado siya. Gusto niyang habang buhay ay mapasakanya si Lukas.

Hindi talaga makokontento si Anna kahit na may relasyon na sila ng binata.

Gwapo si Lukas. Marami ang nagkakagusto dito. Hindi nakaligtas si Anna na mapabilang sa mga babaeng nahumaling sa binata. Aminado ang dalaga na kahit na anong mangyari ay hindi siya nito magugustuhan. Hindi naman siya pangit. Sadyang normal lang ang itsura niya kaya malabong mapansin siya ng gwapo at sikat na si Lukas Javier.

Kaya naman gumawa ng paraan si Anna. May kaibigan kasi siya na diumano ay marunong gumamit ng itim na mahika at marunong gumawa ng gayuma. Hindi siya naniniwala noong una ngunit dahil sa pangungumbinsi ng kaibigan at dahil sa kaniyang paniniwala na “walang masama kung susubukan” ay napapayag din siya nito na gayumahin ang binata. Iyon ang ginawa ni Anna para magustuhan siya ni Lukas.

Nagpanggap si Anna na aksidente niyang naitapon ang juice ni Lukas at nagpumilit siya na palitan ito kahit na tumanggi na ang binata. “Sorry. Sorry talaga! Order na lang ako ng bago kapalit ng natapon ko,” pagpapa-cute pa ng dalaga na hindi man lang pinansin ng binata.

Ang hindi alam ni Lukas ay ginawa lamang itong dahilan ng dalaga para magkaroon ng pagkakataon na malagyan ang inumin niya ng gayuma.

Para kay Anna ay iyon na ang pinakamagandang nagawa niya sa kaniyang buhay dahil wala pa ngang isang araw ay nagkakandarapa na si Lukas para ligawan siya. Doon napatunayan ng dalaga na may bisa ang gayuma!

Matagal nang ginagayuma ni Anna si Lukas kaya naman baliw na baliw ang binata sa kaniya. Pero heto siya ngayon, hindi nakontento sa gayuma. Nangangamba kasi siya na baka mawalan ito ng bisa paglipas ng panahon. Siyempre dahil mahal niya si Lukas lahat ay gagawin niya para lamang hindi siya iwan nito.

Gusto sanang isama ni Anna ang kaniyang kaibigan sa pagbisita niya sa matandang mangkukulam ngunit nang sabihin niya rito ang kaniyang plano ay nagalit ito sa kaniya.

“Grabe ka naman, Anna! Hindi ka ba marunong makontento? Akala ko natulungan na kita, eh. Pero mukhang hindi. Naging gahaman ka lang.”

Wala pakialam si Anna sa sinabi ng kaibigan. Hindi niya maintindihan ang katwiran nito kaya naman tumuloy pa rin siya.

“Hindi ba siya masaya para sa’kin? Kung matutuloy ang gagawin ko ay habang buhay na ang pagmamahalan namin ni Lukas! Wala ng kahit na sino ang makahahadlang pa!” saad ni Anna sa sarili.

“Alam ko po. Sige na. Gawin niyo na po. Magbabayad ako ng malaki.” pangako ni Anna sa matanda.

Huminga ng malalim ang matanda. “Akin na iyung pinakuha ko sa’yo.” Mabilis na tumalima si Anna at inilabas ang buhok na pasimple niyang kinuha kanina kay Lukas at ang litrato nito.

Maraming ginawang bendisyon ang matanda kung saan nagpakulo ito ng kawa, dinasalan hanggang sa naging kulay itim ang usok. Ngunit bago pa nito ihulog ang litrato at ang buhok ay muli nitong tinignan ang dalaga. May pag-aalala sa mukha ng matanda. “Ito na ang huling pagkakataon. Sigurado ka na ba?”

Tumango si Anna. Desidido at walang makapipigil. Kaya naman hinulog na ng matanda ang huling sangkap na makapagbabago ng buhay ng dalaga.

Malaki ang ngiti ni Anna habang inaabot ang kabayaran na talagang inipon niya mula sa kaniyang baon. Ilang libo din iyon. Hindi mawala-wala ang kaniyang tuwa sa isipin na buong buhay na niyang mararanasan ang pagmamahal ni Lukas. Ang lalaking pinapangarap niya lamang noon.

Gusto niyang matawa nang maalala ang mga kapwa niya kaeskwela na kinukutya siya. Hindi raw siya bagay kay Lukas.

Mga ampalaya!

“Magandang gabi, pamilya ko!” masigla ang boses ni Anna sa kaniyang pagbati. Sanay na siya doon dahil parehong masayahin ang kaniyang mga magulang. Pangunahing bilin ng mga ito sa kaniya na pasayahin ang bahay.

Walang bumati sa kaniya kaya’t nag-angat siya ng tingin. Galit at malamig ang mga matang sumalubong kay Anna.

“Saan ka galing?” sigaw ng kaniyang ama habang lumalapit ito sa kaniya.

Napaatras si Anna. Hindi siya sanay sa ganito. Unang beses niya pa lang makita ang kaniyang ama na ganito.

Maging ang kaniyang ina na inaasahan niyang ipagtatangggol siya ay iba ang sinabi sa kaniya. “Bakit gabi ka na naman umuwi? Malamang ay magkasama na naman kayo ng Lukas na iyon! Malandi ka talaga!” Sigaw ng ina.

Hindi maitindihan ni Anna kung ano ang nangyayari. Dati naman ay suportado siya ng mga ito. “Nay!” Bumuhos ang luha ni Anna habang sinusubukan niyang pakalmahin ang ina sa pamamagitan ng pagyakap niya dito. Ngunit tinampal nito ang kaniyang kamay.

“Umalis ka dito! Wala akong anak na malandi! Alis!” Hinila si Anna ng kaniyang ina hanggang sa mapasalampak siya sa labas ng pinto.

“Tay!” tawag ng dalaga sa desperado nitong boses, umaasang makakahanap siya ng kakampi. “Umalis ka na!” Ngunit maging ang ama ay pinapalayas na siya.

Hinagis ng mga magulang ni Anna ang kaniyang mga damit bago nila sinara ang pinto. Niyakap ng dalaga ang kaniyang tuhod at umiyak.

“Ang gagawin natin ay babalik. Hindi sa akin kung ‘di sa iyo.”

Naalala ni Anna ang sinabi ng mangkukulam. Mas lalo siyang umiyak. Hiningi niya ang pagmamahal ni Lukas kapalit ng pagmamahal ng kaniyang mga magulang na nagmamahal sa kaniya kahit na walang gayuma. “Nay, tay…” Umiyak lalo ang dalaga at napagtanto na nasa huli ang pagsisisi.

“Hindi na po ako mahal ni nanay at tatay!” Tila paslit na sumbong ni Anna sa matandang mangkukulam nang puntahan niya ito nang gabi ding iyon.

“Mayroon bang magulang na hindi mahal ang anak nila?” Mahiwaga ang ngiti sa labi na matanda.

“Kahit ibalik niyo na po kami sa dati ni Lukas! Kahit hindi na po ako mahalin ni Lukas. Ibalik niyo lang po ang nanay at tatay ko! Hindi ko po kaya na wala sila!” humahagulgol na pakiusap ni Anna sa matanda.

“Sigurado ka ba diyan? Wala nang bawian ito, hija.” Nandoon muli ang misteryosang ngiti ng matanda. Pikit matang tumango si Anna at sumagot, “Opo.”

Ilang minuto lang ang lumipas ay natanggap ng dalaga ang tawag ng kaniyang ina. Pinapauwi na siya.

“Anak, patawarin mo kami ng tatay mo. Nagkasabay-sabay lang ang problema sa bahay at trabaho kaya namin nasabi ‘yun,” paliwanang ng ina ni Anna.

Iyak lang ang naisagot ng dalaga.

“Pasensiya na anak. Suportado pa rin namin kayo ni Lukas,” pagpapatuloy ng ama.

Mas lalong umiyak ang dalaga na siya namang ipinagtaka ng kaniyang mga magulang.

Kinabukasan ay iniwas ni Anna ang kaniyang tingin sa gwapong lalaki na makakasalubong niya, si Lukas. Sigurado siya na balik na ulit sila sa dati. Sa walang pansinan.

“Babe!” Malakas na tawag ng binata nang makalampas si Anna.

“May bago na siya kaagad,” durog ang pusong sambit ng dalaga sa kaniyang isipan.

“Anna! Ano ba?” Napapitlag si Anna nang may humawak sa kaniyang braso. Paglingon niya ay ang nakakunot noong mukha ni Lukas ang kaniyang nakita. “Bakit?” kimi at nakayukong tanong ng dalaga.

“Anong bakit? Bakit ‘di mo ko pinansin? Hindi mo ba ko nakita?” tanong ni Lukas. “Ha?” nagugulumihanang tanong ng dalaga.

“Ano ba ang nangyayari sa’yo? Tsaka bakit umiiyak ka?” tanong ng binata nang tignan niya ang mga mata ni Anna.

“Mahal niya pa din ako?” ‘di makapaniwalang sigaw ni Anna sa kaniyang isip. Muling tumulo ang mas maraming luha.

Niyakap si Anna ng lalaki. “Ang girlfriend ko talaga napakaiyakin. Umiiyak ka din nung unang beses kitang nakita,” natatawang sabi ni Lukas habang pinupunasan ang mukha ng dalaga.

“Ha? ‘Di ba unang beses tayong nagkita nung natapunan kita ng juice? Umiiyak ba ako nun?” naguguluhang tanong ng dalaga sa nobyo.

Misteryoso lamang itong ngumiti. Hinawakan nito ang kaniyang kamay at nagsimula silang maglakad papunta sa kani-kanilang classroom.

“Matagal na kitang gusto, Anna,” iyon ang narinig ni Anna nang sa wakas ay magsalita si Lukas. Hindi siya agad nakapagsalita.

Napangiti si Lukas nang balikan ang alaala nang una nilang pagkikita ng babaeng minamahal.

Napatigil si Lukas sa pagbabasa nang may marinig siyang mahinang pag-iyak. “Nag-aral naman ako pero bakit ako bumagsak?” narinig niyang bulong ng babae.

Nang hanapin niya ang pinagmumulan ng ingay ay nakita niya ang isang cute na babaeng nakasalampak sa sahig sa tagong bahagi ng library.

Hindi alam ni Lukas kung bakit nawili siya na titigan ang babaeng napaka-cute pa din kahit umiiyak.

Simula noon ay lagi niya nang napapagtuunan ng pansin ang babaeng nakita niya sa library. Madaming beses siyang naglakas loob na kausapin ito ngunit napapangunahan siya palagi ng kaba.

Mabuti na lamang ay gumawa ng paraan ang tadhana nang aksidente siyang matapunan ng juice ng babaeng cute na nang kalaunan ay nalaman niyang Anna ang pangalan.

Tinitigan ni Lukas ang kasintahan ng buong pagmamahal.

Samantala, si Anna naman ay tila nasa alapaap ang pakiramdam. Mahal din siya ng taong mahal niya! “Hindi totoo ang gayuma pero totoo ang pagmamahal,” iyon ang nasa isip ng dalaga habang dinadama ang init ng palad ng kaniyang nobyo na pa-sikreto na pa lang nagmamahal sa kaniya dati.

Advertisement