Inday TrendingInday Trending
Sampung Libong Pandesal Nga!

Sampung Libong Pandesal Nga!

Magaling sa negosyo si Ellen. Malakas nga ang kita ng kaniyang panaderya. Alas kwatro pa lamang ng umaga ay bukas na iyon tapos ay alas onse na ng gabi kung magsara. Sa sobrang sarap kasi ng kaniyang mga pandesal kahit na hindi oras ng almusal ay marami ang gustong bumili.

Ang problema lang ay may kasungitan ang ale. Hindi siya masyadong nakikipag-usap sa mga tao. Pakiramdam niya kasi ay peperahan lang siya ng mga ito. Kahit nga mga customer ay ‘di niya masyadong kinikibo.

Isang araw ay si Ellen ang napilitang magbantay dahil ang tindera niyang si Marivic ay nilalagnat raw.

“Basta pumasok ka na bukas, ha. Tandaan mo, Marivic, maraming naghahanap ng trabaho. Isang paskil ko lang ng ‘Wanted Tindera’ dito sa tapat ay tiyak kong makakahanap na ako ng kapalit mo,” sermon ni Ellen habang kausap ang dalaga sa telepono.

Natigil lang siya dahil may isang may edad na babae ang bumibili. “200 pesos na pandesal, neng,” simpleng wika nito.

Napatitig si Ellen. Ah, ito siguro ang sinasabi ni Marivic na suki ng kaniyang tindahan. Sabi pa nga ng dalaga ay malakas raw talaga kung bumili ang ale. Napaisip tuloy siya. “Mauubos ba nito ang ganoon karaming pandesal?”

Kung mamasdan naman ang matanda maliit ito at payat.

“Salamat,” wika ng matanda nang makuha na nito ang biniling pandesal. Tapos sumakay na sa kotse nitong naghihintay sa ‘di kalayuan.

Aba, may driver pa! Sosyal naman pala ang kaniyang customer!

Mula noon ay napukaw na ang interes ni Ellen. Gustung-gusto niyang malaman ang tungkol sa matanda. Napadalas na rin tuloy ang pagtambay niya sa tindahan. At araw-araw ‘di pumapalyang bumili ang lola. Kadalasan ay 200 pero kapag walang pasok ay nasa 350 ang halaga ng pandesal na binibili nito.

“Ang lakas ng negosyo mo, ano?” wika ng matanda isang beses. Nakangiti ito. “Oo nga ho, eh,” sagot ni Ellen.

Nakita ni Ellen ang pagkakataon na iyon upang magtanong. “Kayo ho ba… Kung ‘di niyo naman mamasamain, saan ninyo dinadala ang mga pandesal?”

Tumawa ng mahina ang matanda tapos ay nakangiting nagsalita. “Alam mo negosyante rin ako. Tulad ng negosyo mo successful rin ang akin. At alam mo ba ang sikreto?”

“Ano ho?” tanong ni Ellen. Naguguluhan sa sinasabi nito.

“Natuto akong magbalik. Kaya siguro tuluy-tuloy ang blessing,” simpleng wika ng matanda tapos ay tumalikod na at sumakay sa kotse.

Anak ng… Lalong naguluhan si Ellen. “Magbalik? Magbalik ng ano?” Kahit kailan naman ay ‘di ito nagbalik ng pandesal na binili sa kaniya kaya ‘di niya maintindihan kung anong ‘balik’ ang tinutukoy nito.

Hanggang isang araw ay nagulat si Ellen dahil naglapag ang matanda ng sampung libong piso sa kaniyang harapan. “Ano ho ito?”

Kapansin-pansin na nangayayat ang matanda.

“Sampung libong pisong pandesal. Kung… Kung ‘di mo mamasamain ay paki utos mo na lang sa mga tauhan mo na dalhin sa address na ito araw-araw ang halagang 200 na pandesal. Sana… Sana huwag kayong pumalya,” wika nito.

Hindi na ito natanong ni Ellen kung bakit dahil nagmamadali itong sumakay sa kotse.

Kinabukasan imbes na iutos ay si Ellen na mismo ang nagpunta sa address na ibinigay ng lola. Gustung-gusto niya kasing malaman kung saan ba dinadala nito ang mga tinapay.

Nagulat siya sa nadatnan. Isang iskwater?

“Iyan na po ba ang mga tinapay ni Lola Melencia?” masayang tanong ng isang bata na siguro ay naglalaro sa lima hanggang anim ang edad.

Kasunod nito ay nagtakbuhan ang iba pang musmos. May mga may edad na ring babae ang lumapit. Malungkot ang mukha ng mga ito.

“Ngayon namin napatunayan na hindi nga nagbibiro ang matanda. Ikaw siguro ang napag-utusan niya ano? Mabuti siyang tao,” lumuluhang wika ng isang ale.

“Ano ho ang ibig ninyong sabihin? Ano niya ho ba kayo?” ‘Di maiwasan ni Ellen na magtanong. Paano kasi ay ‘di niya inexpect na ang sosyal at mayamang lola ay malapit sa mga taong mahihirap.

“Hindi niya kami kaanu-ano. Naging ugali niya na lamang ang tumulong sa mga tulad namin dahil ang sabi niya ay paraan niya ito upang ibalik sa Diyos ang lahat ng biyayang natatanggap niya. Dahil doon lalo naman siyang pinagpapala.

Kaya lang noong isang linggo ang sabi niya ay may sakit siya at patuloy nang tinatalo noon ang kaniyang katawan. Baka nga raw hindi na siya umabot ng Pasko. Pero nangako naman siya na tuloy pa rin ang tulong. At ayan ka nga,” paliwanag ng ale.

Natigagal sa kinatatayuan si Ellen. Ito pala ang ‘balik’ na tinutukoy ng matanda.

Para siyang sinampal dahil ang sama ng tingin niya sa kapwa samantalang ang lola na ubod ng yaman ay malaki pa rin ang puso.

Isa itong aral sa kaniya na hindi lahat ng nasa itaas ay habang buhay na naroon kaya dapat lamang na matuto siyang maging mabuti sa kapwa. Ang perang iniwan ni Lola Melencia ay ipinangbili niya ng bigas at mga damit. Ipinamigay niya sa mga taga-iskwater.

Tuloy pa rin ang pamimigay ng pandesal pero sa kaniya na galing iyon at taos na sa puso niya.

Tila nagdilang anghel naman ang matanda. Totoo ang sinabi nito na kapag natuto siyang magbalik ng suwerte ay tuluy-tuloy ang blessing. Dahil matapos ang pagbabago sa ugali ni Ellen ay lalong lumago ang kaniyang panaderya.

Advertisement