“Dante! Dante!” Hindi magkamayaw sa pananabik na isinisigaw ng halos lahat ng tao ang pangalan ni Dante habang naglalakad siya patungo sa pinakagitna ng boxing ring.
Ika-anim na laban na ito ni Dante sa pagtatanggol sa kaniyang titulong WBC Lightweight. Ang mga naunang nakalaban ng magaling na boksingero ay umabot lang sa ikatlong round. Pawang na-knockout at ilang araw na naospital hanggang sa bawian ang mga ito ng buhay. Ganoon ito kagaling bilang kampeon.
“Huwag kang pasisiguro, Ron. Wala pang talo ang Amerikanong kalaban ni Dante sa ring,” paalala ng kaibigan ni Ron na kasamang nanonood ng telebisyon.
“Si Dante pa! Sa tingin ko nga ay hindi tatagal ng unang round ang kalaban niya,” wika ni Ron habang sabik na hinihintay ang pagtunog ng bell na hudyat ng pagsisimula ng laban.
Sa boxing ring, nagulat man sa lakas ng mga naunang suntok ni Dante, pinilit ng Amerikanong boksingero na makipagsabayan sa mga sumunod na pinakawalang suntok ng kampeon sa simula pa lang ng unang round.
“Wow, galing! Sapol lahat ng tira!” tuwang-tuwang sigaw ni Ron.
“Tapusin mo na iyan, idol!” malakas na kantiyaw ng binata nang makitang masusukol na ng boksingero ang kaliban nito.
Nasukol ang Amerikano. Rumatsada ang mabilis at malakas na kamao ng kampeon. Nakakailag ito ngunit lubhang malalakas ang bugso ng mga suntok ni Dante. ‘Di nagtagal ay isang malakas na suntok ang tumapos sa banyagang boksingero. Itinaas ni Dante ang mga kamay na simbolo ng tagumpay nito.
Kinagabihan ay muling inulit ni Ron ang panonood ng replay ng laban ni Dante sa telebisyon. Nabitin kasi siya sa panonood kanina.
“Aba, hindi ka pa ba nakontento sa panonood mo ng live kanina?” tanong ng kaniyang ina na si Aling Tilde habang papalapit sa kinauupuan niya habang pinapanood muli ang laban ni Dante. “Tama po ang prediksyon ko, inay! Ang husay talaga ni Dante,” masaya niyang tugon.
“Oo nga. Habang tumatagal ay gumagaling iyang si Dante at yumayaman,” pakli ng ina.
Ang huling tinuran ni Aling Tilde ang tumimo sa isipan ni Ron. Mayaman na nga si Dante, multi-milyonaryo na. Malayo na ang narating. Hindi tulad niya na pipitsuging boksingero pa rin matapos ang halos pitong taong pakikipagsapalaran sa loob ng boxing ring. At ngayon ang natitira niyang tiyansa na sumikat at yumaman ay waring hindi na yata matutupad.
“Paano kita bibigyan ng pang-kampeonatong laban kung mas marami ka pang talo sa panalo,” wika ng manager ni Ron. “Huling laban na ito, Ron. Kapag natalo ka pa ay mag-iba ka na ng propesyon. Hindi para sa iyo ang boksing,” banta pa ng manager.
Malungkot na lumabas ng opisina si Ron. Hindi siya susuko. Ganito rin nagsimula ang idolo niya. Gagaling din siya sa boksing. Sisikat, yayaman at susunod sa yapak ni Dante.
Ngunit ilang araw bago ang laban ni Ron ay nagimbal ang buong Pilipinas maging ang buong mundo sa pagkakaaksidente ni Dante. Bumangga ang sinasakyan nitong motorsiklo sa kasalubong na truck. Isinugod pa sa ospital ang boksingero ngunit hindi na ito umabot pa ng buhay.
Sa araw ng libing ni Dante ay nagpaiwan pa si Ron sa harap ng puntod nito. Labis ang kaniyang kalungkutan at panghihinayang sa sinapit ng kaniyang idolo.
“Sayang ka, idol. Sayang ang husay at lakas ng kamao mo. Sana ay ipinamana mo na lang sa akin ang mga kamay mo,” bulong niya.
Nang sumapit ang araw ng laban ni Ron ay nakaramdam siya ng kakaibang bilis at lakas sa kaniyang kamao. Bawat suntok na tumatama sa kalaban niya ay nag-iiwan ng marka. Pasa, bukol at pumuputok ang balat hanggang sa laman. ‘Di nagtagal ay bumulagta na lang ang kalaban sa sahig na nagpapanalo sa kaniya.
Bagay na napuna ng kaniyang manager. “Teka, ano ang nakain ni Ron at gumaling iyan ng ganiyan?” nagtataka nitong tanong sa trainer. “Hindi ko nga po alam. Kahit ako ay naninibago sa kaniya. Siguro po ay tumalab ang mga payo niyo. Mukhang determinadong maging kampeon,” sagot ng trainer.
Mayamaya ay nilapitan nito ang binata.
“Good job, Ron! Ang laki ng pinagbago mo. Ipagpatuloy mo iyan at tiyak na ikaw na ang susunod sa yapak ni Dante,” tuwang-tuwang sabi ng manager sabay tapik sa balikat ni Ron. “Dahil sa pagkapanalo mo ay bibigyan kita ng malalaking laban. Madali kang yayaman, bata!” saad pa nito.
Ngunit sa pagsikat ng pangalan ni Ron bilang mahusay na boksingero ay sunud-sunod ring nagsimat*yan ang mga naging kalaban niya. Ang huli niyang nakalaban ay na-comatose sa ospital at pagkalipas lang ng ilang araw ay binawian rin ng buhay.
Dahil sa sunud-sunod na trahedya na ang nangyayari sa mga nakakalaban niyang boksingero ay kinutuban na si Ron. Sa isip niya ay mayroong hindi tama sa mga nangyayari. Bigla niyang naalala ang yumaong boksingero na si Dante. Ang lahat din ng nakakalaban nito ay binabawian ng buhay gaya ng nangyari sa mga nakalaban niya.
“Panginoon ko!” nahintakutang sambit niya sa sarili nang biglang may nagpakita sa kaniyang harapan.
“Ako ba ang tinatawag mo?” wika ng demonyong lumitaw sa kaniyang harapan habang humahalakhak.
Napaatras si Ron dahil sa sindak. “Sino ka?”
“Hndi mo ba ako nakikilala? Ako ang iyong Panginoon! Ang pinagkakautangan ng iyong lakas. Ang susi sa napipinto mong kasikatan at pagyaman!”
“Pero… Paano?” nagtataka niyang tanong. “Hindi mo pa rin matandaan? Sa libing ni Dante ay hiniling mo ito. Hangal! Tulad ni Dante ay pinagbigyan lang kita!” sagot ng demonyo.
Nang bigla nagising si Ron mula sa kaniyang pagkakatulog. Sa isip niya ay hindi siya nananaginip. Totoong-totoo na nakausap niya ang demonyo. Maliwanag na sa kaniya ang lahat. ‘Di sinasadyang naisangla niya ang kaluluwa niya rito nang bumulong siya sa puntod ni Dante.
Isa pala iyong sumpa na kung sinuman ang humiling sa taong unang pinagkalooban ng demonyo ng sumpa ay siya ang susunod na paglilipatan nito.
Kapalit nun ay ang tagumpay niya sa loob ng boxing ring, ang dagli niyang pagyaman, bagong kotse, magandang bahay at limpak-limpak na pera na kaniyang matatamasa ngunit buhay naman ng mga inosenteng tao ang kapalit.
Isang araw ay napagtanto ni Ron na hindi tama ang mga nangyayari sa kaniya. Inuusig na siya ng kaniyang konsensya. Hindi siya masamang tao. Gusto na niyang makawala sa sumpa ng kaniyang mga kamao. Hangga’t may panahon pa gusto niyang maisalba pa ang kaniyang kaluluwa para hindi tuluyang masadlak sa impiyerno kaya nakaisip siya ng paraan para mahinto na iyon.
Dali-dali siyang pumunta sa riles ng tren at inabangan ang paparating na tren at nang dumating na ay iniharang niya ang mga braso at kamay sa riles at ipinasagasa ang mga iyon sa tren.
Lumipas ang mga araw. Nakalabas na ng ospital si Ron. Sa ngayon ay nagpapahinga na siya sa bahay.
“Alam kong gutom ka na, anak. Nagluto ako ng paborito mong ulam. Halika at kumain ka na,” yaya ng kaniyang ina.
“Opo, inay. Salamat,” nakangiting sabi ni Ron. Walang bakas ng pagsisisi sa mukha. Dahan-dahang ibinuka ang bibig upang tanggapin ang isusubong pagkain ni Aling Tilde.
Isa ng inutil si Ron dahil putol na ang kaniyang dalawang braso at mga kamay pero panatag siya at masaya dahil kahit ganoon ang kaniyang kinahantungan ay masasabi niyang malaya na siya, malaya na siya sa sumpa ng demonyo.