Sabi nila ay wala raw pangit na anak sa mata ng kanilang mga magulang. Ngunit hindi sa ganitong pangangatwiran lumaki ang babaeng si Susan. Paano’y pinaglihi raw kasi siya sa sama ng loob kaya kakaiba ang itsura nito kumpara sa kapatid niya.
“Kulot! Mag-igib ka nga ng tubig. Kailangan daw ni nanay, pangsaing,” wika ni Hannah, panganay na kapatid ng babae.
“May pangalan ako, ate,” baling ni Susan sa kaniya.
“Mag-iigib ka ba o babanggitin ko pa ang lahat ng pangit diyan sa pagkatao mo? Dami mong arte. Ang pangit mo naman!” saad muli Hannah.
Hindi na lang nagsalita si Susan at buong sama ng loob niyang inigiban ang kaniyang nanay na noon ay nagluluto ng ulam sa kapitbahay.
“Budlat, anong ginagawa ng ate mo?” tanong ni Aling Tina, ang nanay ng dalaga.
“Ma! Susan po. Hindi kulot, hindi budlat at hindi kung anu-ano!” baling niya sa kaniyang nanay.
“Ay, nagdadalaga na ang anak ko. Ayaw nang magpapatawag ng budlat!” asar naman muli ni Aling Trina.
“Lagi na lang kayong ganiyan sa’kin. Porke’t hindi ako kasing ganda ni Ate Hannah ay palagi niyo na lang akong tinutukso. Anak niyo rin naman ho ako!” nanginginig ang boses ni Susan nung sinabi niya iyon.
“Anak nga kita. Hindi ko naman sinabing hindi, ‘di ba? Pero kasi, anak, kailangan din nating tanggapin na hindi lahat ng tao maganda. Hindi lahat ng tao pinagpala. May mga taong katulad mo na pangit,” pahayag ni Aling Tina.
“Kaya dapat masanay ka na ngayon pa lang. Dapat normal na lang sa’yo ang masabihan ka ng salot, nognog, kulot, pangit at kung anu-ano pa. Tandaan mo, anak, totoo naman kasi. Pero hindi ibig sabihin nun na hindi na kita mahal dahil parehas ko lang kayong mahal ng ate mo,” paliwanag muli nito.
Hindi na lang sumagot pa si Susan at umuwi na lamang ito sa kanilang bahay. Tsaka siya nag-selfie at isinumpa sa kaniyang sarili.
“Susan, darating ang araw na gaganda ka rin at iiyak sila sa sobrang ganda mo,” bulong ng dalaga sa sarili.
Kaya naman nag-aral nang mabuti ang dalaga at nagsumikap. Lumaki siyang iniinda ang lahat ng masasakit na salita ng kaniyag pamilya at mga kaibigan. Kaya nung makaipon siya ay kaagad na nag-abroad ang babae at wala siyang ginawa kung ‘di ang magpaganda.
Uminom siya ng kung anu-ano, nagpahid at sumubok ng iba’t ibang produkto hanggang sa patulan na niya ang pagpaparetoke sa kaniyang mukha.
Inuna niya ang kaniyang labi, sinunod ang ilong at ang buhok. ‘Di bale nang wala siyang naiipon basta’t nakikita niyang maganda ang kaniyang sarili ay masaya na siya.
Hanggang sa lumipas ang halos pitong taong pag-aabroad niya at ilang negosyo at pautang sa ibang bansa ay natupad na niya ang matagal nang minimithi, ang Susan 2.0.
“Tang*na, Susan, ikaw ba ‘yan? May tinira ka pa ba sa pagkatao mo? Eh, parang hindi na kita kilala, eh,” saad ni Hannah na medyo tumanda na rin dahil sa hirap ng buhay at labing dalawang anak nito.
“Well, Ate Hannah, ako na ang maganda ngayon,” sagot ni Susan na buong-buo ang kompyansa sa sarili.
“Hay naku, anak, ikaw pa rin ang Susan na anak kong budlat noon!” bati naman ni Aling Tina.
“Mama, ate, hindi ako nagbibiro rito. Hindi niyo na ako puwedeng tawaging ganiyan. Hindi niyo na ako puwedeng asarin pa dahil mahal ang pagawa ko sa mukhang ito. Kaya sana naman lubayan niyo na ang pang-aasar sa akin,” baling ni Susan.
“Hanggang ngayon ay asar talo ka pa rin,” bulong ni Hannah at sabay na nagtawanan ang mag-ina.
Hindi na nag-abroad pa si Susan. Nagtayo na lamang siya ng negosyo dito sa Pinas. At pinagmamalaki na niya ngayon ang kaniyang itsura. Nagbebenta siya ng mga pampaganda at kung anu-ano pa.
Ngunit sa kabilang banda ay hindi pa rin niya nakukuha ang gusto niya sa buhay at iyon ay ang mahalin siya ng mga tao sa kaniyang itsura ngayon.
“Alam mo, Susan, ang laki ng ginanda mo pero nakatatak pa rin talaga sa amin ‘yung sabog mong nguso!” wika sa kaniya ng isang tambay.
“Tama na. Ang ganda na nung tao, eh, inaalaska niyo pa,” sita ni Arman na may-ari ng sari-sari store sa kanilang lugar.
“Naku, si Arman pasimple pa, eh, mukhang nabibighani ka lang sa ganda ni Ms. Susan 2.0 daw. Mag-ingat ka, pare. Kasi kapag nabuntis mo ‘yan ay sabog nguso pa rin ang kalalabasan ng anak niyo!” pahayag muli ng isang tambay at sabay na nagtawanan ang lahat.
Hindi naman na sumagot pa si Susan at pilit niyang kinalma ang sarili tsaka umalis nang mukuha ang soft drinks na binili sa tindahan ni Arman. Umupo siya sa kanilang basketball court na namiss din niya ng sobra.
“Namiss mo ‘to, noh? Dito ka laging umiiyak, eh,” pahayag ni Arman na sinundan pala siya. “Puwede ba. Wala ako sa mood makipag-asaran,” baling ni Susan sa lalaki.
“Hindi naman ako nagpunta rito para alaskahin ka. Namiss lang rin kita, Susan,” saad ni Arman.
“Tigilan mo nga ako, Arman, hindi mo ba narinig ang sabi nila? Kapag pinatulan mo ako ay pangit lang rin ang magiging lahi natin. Sayang ka lang sa akin kasi gwapo ka. Kaya ngayon pa lang lubayan mo na ako!” baling kaagad ni Susan sa lalaki.
“Bata pa lang tayo ay gusto na kita. Hindi ko masabi sa’yo kasi wala kang ibang pinapangarap kung ‘di ang gumanda sa paningin ng ibang tao. Matagal ka ng maganda, Susan,” pahayag pang muli ni Arman.
“Maganda, sa paningin nino? Sa paningin mo lang. Eh, sa pamilya ko? Walang maganda sa pagkatao ko dati. Ngayon lang ako gumanda kaya ngayon mo lang nasasabi ang lahat ng iyan,” bulyaw ni Susan.
“Maganda ka sa mata ng Diyos at kung naging maganda lang sana ang tingin mo sa sarili mo ay hindi mo na kailangan pang gumastos para ipabago ang itsura mo dahil perpekto ka na. Mabait, masipag, matalino at higit sa lahat napakasimple mo lang dati. Matagal na kitang gusto pero alam kong hindi mo tatangapin ang pag-ibig ko sa’yo lalo na kung ikaw mismo ay hindi mo kayang tanggapin ‘yung totoong ikaw,” paliwanag ni Arman.
“Walang nagbago sa paningin ko sa’yo. Mas lalo ka lang gumanda siguro sa pisikal. Pero sana huwag maapektuhan ang puso mo sa mga gamot at turok na napagdaanan mo dahil ang kagandahan ay nagmumula sa loob ‘yan,” dagdag pa ng lalaki at tsaka ito umalis. Iniwan ang kaniyang panyo sa tabi ni Susan.
Doon naman napakunot ng noo ang babae.
“Holy sh*t, all these years akala ko nagkakataon lang may panyo sa tabi ko. Ayun pala galing ‘yun sa kaniya? Totoo ba, Panginoon ko? May nagmamahal na sa akin dati?” sa loob-loob ng dalaga.
Kaagad na umuwi ang babae at kinausap ang kaniyang nanay.
“Ma, bakit mo ako pinalaking pangit? Bakit hindi mo ako minahal?” malungkot na tanong ni Susan sa kaniyang ina.
“Anak, bata ka pa nun at ang buong akala ko ay alam mong pang-aasar lamang ang lahat. Inaalaska ka lang namin ng kapatid mo pero isinabuhay mo naman. Isa pa, kahit ano pang maging itsura mo ay mamahalin kita! Dahil sa akin ka nanggaling, anak. Ako ang nanay mo at buong puso kitang binitbit at iniluwal sa mundo. Kung sa tingin mong hindi kita minahal dahil sa mga pang-aalaska namin sa’yo ay patawarin mo kami. Kung kami ang naging rason kung bakit ka nagpabago ng itsura ay patawarin mo kami. Pero, anak, mahal kita magunaw man ang mundo,” paliwanag ni Aling Tina.
“Mahalin mo ang sarili mo anak at maniwala kang maganda ka dahil lalabas iyon ng kusa,” dagdag pa nito.
Mabilis na niyakap ni Susan ang kaniyang ina. Ngayon niya napatunayan na hindi gandang pisikal ang kulang sa kaniya kung ‘di ang pagmamahal niya sa kaniyang sarili at pagyakap mismo sa kaniyang pagkatao.
Hindi nagtagal ay natutunan na ring tanggapin ni Susan na kahit iba na ang itsura niya ngayon ay hindi na mabubura sa isipan ng mga taong nakakakilala sa kaniya kung ano ang itsura niya noon. Ang kaibahan nga lang ay hindi na niya ito dinadamdam dahil hindi na niya ikinahihiya kung ano ang itsura niya noon.
Nagkamabutihan din sina Susan at Arman. Nagkatuluyan ang dalawa at nabiyayaan pa ng napakagandang anak.