Parehong nagtapos sa kursong medisina sina Leonard at Christalyn at pareho ring magagaling na surgeon. Madalas silang nagsasagawa ng iba’t ibang medical mission sa iba’t ibang lugar para sa mga mahihirap kaya naman ganoon na lamang ang paghanga at respetong natatanggap nila mula sa mga taong nakakakilala sa kanila.
“Kung ano ang puno siya rin ang bunga.”
Isa ang pamilya nila sa patunay sa kasabihang iyon ng mga matatanda. Mabubuting mga tao kasi ang mag-asawang Leonard at Christalyn kaya hindi rin kataka-takang namana iyon ng kanilang unica hija na si Paloma.
Isang buwan kasi bago ang nalalapit na seventh birthday ni Paloma ay tinanong ito ng mag-asawa kung ano ang gusto nitong makuha para sa birthday nito. Laking gulat nila nang sumagot ang bata.
“Gusto ko po ng children’s party, papa,” nakangiting sagot noon ni Paloma.
Akmang magsasalita na sana si Leonard ng pagsang-ayon sa anak nang muling nagsalita ang bata.
“Pero hindi po para sa akin at sa mga friends ko lang. Gusto ko po ng children’s party para sa mga poor kids na nakikita ko po sa labas ng restaurant na kinakainan natin nila mama. Puwede po ba ‘yon, papa?” dagdag ni Paloma.
Nagkatinginan naman ang mag-asawa dahil sa pagkabigla. Pagkatapos ay halos magkasabay din silang napangiti.
“Bakit naman gusto mong magkaroon ng children’s party ang mga poor kids, baby? Hindi ka ba nade-dirty-han sa kanila? Okay lang sa’yo kahit madudumi ang mga kamay nila tapos hahawakan ka?” panunubok pa ni Christalyn sa anak.
“No, mama! Huwag mo pong sabihin ‘yan, please. Kawawa na nga po sila kasi wala silang foods. Tsaka marumi po ang hands nila kasi naghahanap po sila ng pagkain sa basura,” may paghikbi pang saad ni Paloma sa kaniyang ina.
Doon lalong napangiti ang mag-asawa. Para silang nagkaroon ng kapanatagan sa loob na tama ang nagiging pagpapalaki nila sa kanilang nag-iisang anak.
“So if that’s what you wish tutuparin namin ni papa ‘yan, anak, because you are a good girl,” pangako ni Christalyn sa anak.
Nagsimulang maghanda ang mag-asawa ng isang engrandeng children’s party na ang mga imbitado ay ang mga batang pulubi sa lansangan. Makalipas ang isang buwang preparasyon ay natupad na rin sa wakas ang hiling ng kanilang unica hija.
Iba’t ibang mga batang lansangan ang nakangiting dumalo sa nasabing children’s party. Maraming pagkain, may mga palaro at siyempre may mga papremyo. Mayroon ding giveaways ang mag-anak na mga school supplies para sa mga batang lansangan.
Kitang-kita sa mukha ng batang si Paloma ang sayang dulot ng bukal sa loob na pagtulong sa mga bata.
“Thank you, Paloma, ha. Ang bait-bait mo kasi pinasali mo kami sa birthday party mo.” Isang batang pulubi ang lumapit sa anak ng mag-asawang doktor upang magpasalamat.
“You’re welcome! Ikaw rin. Mabait ka kasi alam mo kung paano mag-thank you. Hayaan mo. I’m sure ibe-bless ka ni God kasi mabait ka rin, eh,” sagot naman ni Paloma bago bumaling sa kaniyang mga magulang.
“Thank you, mama and papa!” pasasalamat ni Paloma sa supportive niyang mga magulang.
“No, anak, thank you. Sana ipagpatuloy mo ang pagiging good girl mo, ha. Lagi mong kaaawaan ang mga mahihirap. Turuan mo silang maging masipag, i-motivate mo sila lagi and love them,” dagdag bilin at pangaral pa ni Leonard sa anak. Nanggigilid na ang luha sa kaniyang mga mata dahil sa sobrang sayang kaniyang nararamdaman dulot ng pagiging mabuti ng kanilang mahal na si Paloma.
Ngayon ay kampante na ang loob ng mag-asawa na nadala nila sa tamang landas ang kanilang anak at kung sakaling tumanda na sila’t ni hindi na makalakad ay mayroon nang magtutuloy ng kanilang adhikaing tumulong sa kanilang kapwa.
Lumipas ang panahon at nagdalaga na si Paloma. Natupad ang inaasam na hiling ng mag-asawang Leonard at Christalyn na ipagpapatuloy ng anak kanilang magagandang gawain.
Ngayon ay laman na si Paloma ng iba’t ibang programang makatutulong sa mahihirap lalong-lalo na kung para sa mga bata.
Madalas itong makatanggap ng parangal bilang pagkilala sa buong puso nitong pagseserbisyo sa publiko bilang isang mahusay na public attorney. Sa ngayon ay patuloy ang pagdating ng biyaya sa buhay ng pamilya nina Leonard, Christalyn at Paloma na patuloy rin naman nilang ibinabahagi sa iba.
Kung sana lang lahat ng tao ay kagaya ng pamilya nila magiging maayos ang buhay ng bawat isa.